24/05/2026
π
πππππ ππ πππππ | ππππ ππ
"Wala na silang alak." Ang mga salitang ito'y nagbuhat sa pagmamalasakit ni Maria para sa mga bagong kasal. Si Maria ay kusang-loob na tumulong. Nangangailangan sila ng alak. Para sa mga Judio, ang alak ay nagsasagisag ng kagalakan, ng darating na kaligayahan sa pagpapala ng Diyos sa tao.
Ang wika ni Jesus sa kanyang Ina: "Hindi pa dumarating ang aking oras." Ang oras na tinutukoy ni Jesus ay ang oras kung kailan siya at ang Ama ay lubusang dadakilain, ang oras ng pagsasagawa niya ng pagliligtas sa tao.
Kung uunawain natin ang pag-uusap ng mag-ina, ating makikita na si Maria ay naghahangad na gumawa si Jesus ng hakbang na makalulutas sa magiging kahihiyan ng mga taong kanyang pinagmamalasakitan. Ang sagot ni Jesus na, "Babae, ano ito sa akin at sa iyo?" ay nagsasaad ng pangunahing kahalagahan ng kanyang misyon mula sa Ama. Sila ni Maria ay dapat na ito muna ang asikasuhin. "Hindi pa dumarating ang aking oras" ay isang pagpapaliwanag ng kanyang unang sinabi.
Tulad ng kanyang palaging ginagawa, si Maria ay sumang-ayon sa atas ng langit. Pumailalim siya sa kalooban ni Jesus. Subalit inatasan niya ang mga naglilingkod sa kasalan na pumailalim din sila kay Jesus: "Gawin ninyo ang ano mang sabihin niya sa inyo."
Bilang katugunan sa kahilingan ng kanyang Ina, isinagawa ni Jesus ang kanyang kauna-unahang himala, isang tanda na nagpapahayag ng kanyang kapangyarihan. Kaya nga't sa pagsaklolo at pamamagitan ni Maria sa kapakanan ng mga nangangailangan, ang pananampalataya kay Kristo ay lalo pang lumago. Ang pangyayaring ito ay maituturing na pasimula ng pagbibigay ni Kristo ng kanyang kagalakan para sa tao na kaniya ngayong ginagawa sa mga anyo ng tinapay at alak sa pagdiriwang ng Eukaristiya.
Sa pamamagitan ni Maria samakatuwid, binigyang-galak noon ni Kristo ang mga tao at ang kanyang mga tagasunod. Sa ating panahon, mayroon kayang dahilan kung bakit hindi gagawin ni Jesus ang ginawa niya noon sa kasalan? Patuloy rin ang pagmamalasakit ni Maria para sa mga nangangailangan; patuloy pa rin siyang namamagitan kay Jesus alang-alang sa tao, sapagkat siya ang ating Inang masaklolo.
πππ‘ππ’π:
"Magtaglay ng isang tanging kahinhinan sa loob ng Simbahan at iyuko ang mga mata habang nagmimisa."
ππππ¨πππ§π’π₯π¬π:
"Munda me ab omni iniquitate Sancta Dei Genetrix: Linisin mo po ako sa lahat ng kasamaan, Santang Ina ng Diyos."