30/07/2025
بِسْمِ اللهِ الرَّحْمنِ الرَّحِيمِ
LA HAWLA WALA QUWWATA ILLA BILLAH (لا حول ولا قوة إلا بالله)
Ang katagang "La hawla wala quwwata illa billah" ay isa sa mga dakilang pananalita na binigyang-diin sa mga hadith at may mataas na antas sa pananampalataya. Sinabi ng Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) kay Abu Musa Al-Ash'ari (nawa'y kalugdan siya ng Allah):
"ألا أدلك على كنز من كنوز الجنة: لا حول ولا قوة إلا بالله".
"Gusto mo bang ituro ko sa iyo ang isang kayamanan mula sa mga kayamanan ng Paraiso? Ito ay ang pagsabi ng: 'La hawla wala quwwata illa billah' — Wala nang lakas at kapangyarihan maliban sa pamamagitan ng Allah “.
Taglay din nito ang mga dakilang kahulugan sa pananampalataya, para sa mga tunay na nakakaunawa, bukod pa sa kahulugan nito tungkol sa tadhana (Qadar). Ilan sa mga ito ay:
- Ito ay pananalitang nagpapahayag ng paghingi ng tulong sa Dakilang Allah.
Ang sinumang humihingi ng tulong sa Allah — ang Kataas-taasan — ay tutulungan Niya sa pagtupad ng kanyang mga pangangailangan at sa lahat ng bagay na makabubuti sa kanya.
Ang paghingi ng tulong sa Allah ay kabilang sa pinakamainam at pinakadakilang uri ng pagsamba. Makikita natin ang kahalagahan nito sa Surah Al-Fatihah, kung saan iniutos ng Allah sa Kanyang mga alipin na sambahin Siya at humingi ng tulong sa Kanya araw-araw sa paulit-ulit na pagdarasal.
Tulad ng sinabi Niya sa Kanyang aklat:
في قوله تعالى: "إِيَّاكَ نَعْبُدُ وإِيَّاكَ نَسْتَعِينُ"
(Sa Iyo lamang kami sumasamba, at sa Iyo lamang kami humihingi ng tulong)
Ang talatang ito ay nagpapakita ng dalisay na paghingi ng tulong sa Allah lamang, dahil inuna ang "Sa Iyo lamang" sa pangungusap, upang ipakita na tanging Siya lang ang pinanggagalingan ng tulong.
Gayundin ang pananalitang: "La hawla wa la quwwata illa billah" — ito rin ay isang pagpapahayag ng dalisay na paghingi ng tulong sa Allah, at katulad ng kahulugan ng talatang nasa Surah Al-Fatihah.
- Pagkilala sa tatlong uri ng Tawheed (pagpapakatotoo sa Kaisahan ng Allah):
Ang sinumang nagsasabi ng “La hawla wa la quwwata illa billah” ay nagpapahayag at naniniwala na ang Allah lamang ang ganap na namamahala sa sansinukob — Siya ang nagpapagalaw ng lahat ayon sa Kanyang karunungan at kagustuhan. Walang nangyayari maliban sa pahintulot at kagustuhan Niya.
Inaamin din niya na ang Allah, na may ganitong katangian, ay ganap na walang pangangailangan sa Kanyang mga nilikha. Siya ay Ganap sa Kanyang Sarili, at may mga katangiang perpekto gaya ng kapangyarihan, kadakilaan, kalakasan, at karangalan.
Ang sinumang may ganitong paniniwala tungkol sa kanyang Tagapaglikha ay tungkuling sambahin Siya nang bukod-tangi, tumawag sa Kanya lamang, magtiwala sa Kanya, at umasa lamang sa Kanya — sapagkat nasa Kanyang mga kamay ang lahat ng bagay, Siya ang may lubos na kapamahalaan, at Siya ay may kakayahan sa lahat ng bagay.
Ang pananalitang “La hawla wa la quwwata illa billah” ay nagpapahiwatig ng ganap na pagtitiwala sa Allah, pagsuko ng lahat ng bagay sa Kanya, at buong pagpapasakop sa Kanyang kalooban. Kasama nito ang pagpapakita ng kababaang-loob at pagkilala ng pangangailangan sa Kanya. Sapagkat ang Allah ay Ganap sa lahat ng bagay, at ang tao ay lubos na nangangailangan sa Kanya, na wala siyang anumang kakayahan sa sarili niya.
Kabilang sa mga nagpapatunay ng kahalagahan ng pananalitang ito, at ng mataas nitong antas sa pananampalataya, ay ang maraming mga patunay na nag-uudyok sa atin na laging banggitin ito sa ating dila at isapuso ito ng taos, sapagkat ito ay punô ng kahulugan at biyaya.
- Natatanging kabutihan nito ay ang sinabi ng Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) na ito ay isang kayamanan mula sa mga kayamanan ng Paraiso.
-
- Isa rin sa mga natatanging kabutihan nito ay pinagtitibay ng Allah ang sinasabi ng taong bumibigkas nito. At kapag ang Allah mismo ang sumasang-ayon sa iyong pananalita, ito ay isang napakagandang senyales ng kabutihan, sa biyaya ng Allah.
Ayon kina Abu Sa‘id Al-Khudri at Abu Hurayrah (nawa’y kalugdan sila ng Allah), sila ay parehong sumaksi na ang Sugo ng Allah ﷺ ay nagsabi:
"من قال: لا إله إلا الله والله أكبر، صَدَّقه ربه، فقال: لا إله إلا أنا وأنا أكبر. وإذا قال: لا إله إلا الله وحده لا شريك له، قال: يقول: لا إله إلا أنا وَحدِي لا شريك لي. وإذا قال: لا إله إلا الله له الملك وله الحمد، قال: لا إله إلا أنا لي الملك ولي الحمد. وإذا قال: لا إله إلا الله ولا حول ولا قوة إلا بالله، قال: لا إله إلا أنا ولا حول ولا قوة إلا بي".
"Ang sinumang magsabi ng: ‘La ilaha illallah, wallahu akbar’ (Walang ibang diyos kundi ang Allah, at ang Allah ang Pinakadakila), sasabihin ng kanyang Panginoon: ‘Walang ibang diyos kundi Ako, at Ako ang Pinakadakila.’
Kapag sinabi niya: ‘La ilaha illallah, wahdahu la sharika lah’ (Walang ibang diyos kundi ang Allah lamang, walang katambal), sasabihin ng Allah: ‘Walang ibang diyos kundi Ako lamang, wala Akong katambal.’
Kapag sinabi niya: ‘La ilaha illallah, lahu’l-mulk walahu’l-hamd’ (Walang ibang diyos kundi ang Allah, sa Kanya ang kaharian at papuri), sasabihin ng Allah: ‘Walang ibang diyos kundi Ako, Akin ang kaharian at Akin ang papuri.’
At kapag sinabi niya: ‘La ilaha illallah, wa la hawla wa la quwwata illa billah’, sasabihin ng Allah: ‘Walang ibang diyos kundi Ako, at walang lakas o kapangyarihan kundi sa pamamagitan Ko.’ At sinabi rin ng Propeta ﷺ: "Ang sinumang nagsabi nito habang siya ay may sakit, at pagkatapos ay namatay — ay hindi kakainin ng apoy ng Impiyerno."
- At Kabilang sa mga kabutihan ng “La hawla wa la quwwata illa billah” ay na kapag sinabi ito ng isang tao habang siya'y lumalabas ng bahay, kasabay ng pagbigkas ng “Bismillah” at “Tawakkaltu ‘ala Allah” (Sa ngalan ng Allah, ako’y nanalig sa Kanya), siya ay lubos na tutulungan, poprotektahan, at gagabayan ng Allah.
Ayon kay Anas ibn Malik (nawa’y kalugdan siya ng Allah), sinabi ng Propeta Muhammad ﷺ:
"إذا خرج من بيته فقال بسم الله وتوكلت على الله لا حول ولا قوة إلا بالله فيقال له حسبك قد كفيت وهديت ووفيت فيلقى الشيطان شيطاناً آخر فيقول له كيف لك برجل قد كفي وهدي ووفي.
"Kapag ang isang tao ay lumabas ng kanyang bahay at sinabi:
‘Bismillah, tawakkaltu ‘ala Allah, la hawla wa la quwwata illa billah’,
may magsasabi sa kanya mula sa langit: ‘Sapat na ito para sa iyo. Ikaw ay napangalagaan, ginabayan, at tinulungan.’
Pagkatapos nito, makakasalubong ng isang Shaytan ang isa pang Shaytan at sasabihin niya: ‘Ano pa ang magagawa mo laban sa isang taong pinangalagaan, ginabayan, at tinulungan na?’”
- Kabilang din sa mga kabutihan ng “La hawla wa la quwwata illa billah” ay na ito ay pananim sa Hardin ng Paraiso.
Napatunayan sa hadith na noong ang Sugo ng Allah ﷺ ay isinakay sa Isra’ at Mi’raj (ang gabi ng paglalakbay sa langit), siya ay napadaan kay Propeta Ibrahim (Abraham) عليه السلام. Tinanong ni Ibrahim si Jibril (Gabriel): “Sino ang kasama mo, O Jibril?” Sumagot siya: “Ito si Muhammad.”
Pagkatapos ay sinabi ni Ibrahim عليه السلام kay Propeta Muhammad ﷺ:
“Ipag-utos mo sa iyong Ummah (mga tagasunod) na sila'y magsipagparami ng pagtatanim sa Paraiso, sapagkat ang lupa nito ay malawak at mataba.”
Nagtanong ang Propeta ﷺ: “At ano ang pananim ng Paraiso?”
Sumagot si Ibrahim عليه السلام: “Ang pagsabi ng: La hawla wa la quwwata illa billah.”