13/10/2022
Kaalaman kaugnay sa ihi ng sanggol
Tanong1 : Marumi ba ang ihi ng sanggol?
Sagot : Opo marumi, ngunit may pagkakaiba lang ang sanggol na babae at sanggol na lalaki.
Tanong2 : Ano po ang pagkakaiba nila?
Sagot : Kapag ang sanggol ay lalaki na naggagatas pa lamang at hindi pa kumakain ay magaan lamang ang kanyang dumi, sapat na ang wisikan lamang ng tubig ang parte ng suot o damit na kanyang naihian at hindi na kailangan pang labhan o hugasan o kusutin.
Samantalang ang ihi ng sanggol na babae na naggagatas pa lamang ay marumi kaya kinakailangan itong hugasan ng tubig.
Tanong3 : Paano kung ang sanggol na lalaki ay kumakain na?
Sagot : Kung kumakain na ay pareho na sila sa ihi ng sanggol na babae, kung saan kinakailangan na itong hugasan ng tubig
قال رسولُ الله ﷺ: يُغْسَلُ مِنْ بَوْلِ الْجَارِيَةِ, وَيُرَشُّ مِنْ بَوْلِ الْغُلَامِ"
" Sinabi ng Propeta Muhammad Sallallahu Alayhi Wasallam : Huhugasan ng tubig ang ihi ng sanggol na babae at wiwisikan lamang ang ihi ng sanggol na lalaki"
Tanong4 : Pareho ba ng hatol kung ang gatas ay hindi mula sa gatas ng ina katulad ng mga binibili na gatas?
Sagot : Opo pareho lang, kapag ang gatas ng sanggol na lalaki ay binibili ay sapat ng wisikan lang ang kanyang ihi hanggat hindi pa kumakain.
Tanong5: Kailangan bang hugasan o wisikan ang buong suot o ang parte lamang na tinamaan ng ihi?
Sagot : Wisikan o hugasan lamang ang parte ng suot o damit na tinamaan ng ihi.
Tanong6 : Ano po ang hikmah o dahilan kung bakit ang ihi ng sanggol na lalaki na naggagatas pa lamang at hindi pa kumakain ay sapat ng wisikan lang tubig samantalang kung ihi ng sanggol na babae kahit hindi pa kumakain ay kailangan na hugasan?
Sagot : Ayon sa ibang mga ulama na ang wisdom dito ay dahil naiipon daw ang ihi ng sanggol na babae samantalang ang ihi ng sanggol na lalaki ay nakakalat, ganun pa man ay hindi pa rin yan ang tunay na dahilan kundi ang Allah lamang ang tunay na nakakaalam sa hikmah o wisdom nito.
Tanong7 : Paano kung naihian ng sanggol na kumakain na ang aking suot pagkatapos ay nagamit ko ito sa salah na hindi ko nahugasan, tanggap po ba ang aking salah?
Sagot : Kung nakalimutan mo na naihian pala ito ng sanggol at naalala mo nalang pagkatapos ng salah ay tanggap po ang iyong salah, ngunit kung alam mo naman na naihian ito at hindi mo pa rin hinugasan ng tubig pagkatapos ay ginamit mo pa rin sa salah ay hindi po tanggap ang salah.
فقد سئل الشيخ ابن باز عن ذلك فقال :
إذا كان لم يعلم نجاستها إلا بعد الفراغ من الصلاة فصلاته صحيحة "
" Tinanong si Shiekh Bin Baz Rahimahullah kaugnay sa dumi sa suot na nakalimutang hugasan at naalala na lang ito pagkatapos ng Salah
Sagot niya : Kapag hindi niya alam na marumi pala ang kanyang suot at nalaman na lamang niya ito pagkatapos ng salah ang kanyang salah ay tanggap"
📝Abdulrasid Angeles