18/01/2026
January 18, 2026
Linggo
SIMBAHAY
PAGSASADIWA
KILALANIN SIYA:
ANG KORDERO NG DIYOS
"Ito ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!" Isang malinaw at matapang na pahayag mula kay Juan Bautista. Ngunit hindi ito bunga ng simpleng haka-haka o tradisyong tinanggap niya; ito ay nakaugat sa personal niyang karanasan. Nakita niya ang Espiritung bumababa at nananahan kay Hesus—ito ang tandang ibinigay ng Diyos upang kilalanin kung sino ang kanyang ipinadala.
Ang pag-aalay ng kordero sa Lumang Tipan ay tanda ng pagbabayad-sala.
Ang kordero ay walang malay, walang bahid-dungis—isang inosenteng iniaalay alang-alang sa kasalanan ng iba. Sa pagbibigay ng titulong "Kordero ng Diyos" kay Hesus, malinaw ang mensahe ni Juan: si Hesus ang ganap at huling handog ng Diyos para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan. Hindi lang siya nag-aalis ng kasalanan—tinatanggap niya ito sa kanyang sarili, upang tayong makasalanan ay muling mapabilang sa sambahayan ng Diyos.
Tulad ni Juan, makilala rin nawa natin agad si Hesus sa ating araw-araw na buhay. Minsan ay batid natin ang kanyang presensya sa gitna ng katahimikan; sa ibang pagkakataon, nakikita natin siya sa mga tao sa paligid natin—lalo na sa mga nabibigyan natin ng kabutihan at malasakit. Kaya't isang kongkretong paraan ng pagkilala kay Hesus bilang Kordero ng Diyos ay ang pagbabahaging kabutihang ating tinanggap. Kapag may nakausap kang sugatan ang kalooban, pakinggan mo.
Kapag may nangangailangan ng tulong, abutin mo. Kapag may nagkukuwento ng kanyang pagkukulang, yakapin mo nang may pag-unawa.
Ang ating simpleng pagsaksi sa habag ng Diyos ay maaaring maging hudyat din para sa iba na kilalanin si Hesus sa kanilang buhay. Sa ganitong paraan, hindi lang natin siya kinikilala bilang Kordero ng Diyos—tayo rin ay nagiging saksi sa pag-ibig at kaligtasan na dala niya sa sanlibutan.