25/02/2026
Paninindigan at Pananampalataya: Isabuhay ang Tunay na Diwa ng EDSA
"Sa halip ay padaluyin ninyo ang katarungan na parang tubig, at ang katuwiran na parang ilog na hindi natutuyo" Amos 5:24
Apat na dekada na ang nakaraan magmula noong pinatalsik ng mamamayang Pilipino mula sa pwesto ang diktadurang Marcos Sr. noong 1986. Mula sa halos dalawang dekada ng paghahari ni Marcos Sr. sa paraan ng panunupil at pananakot sa taumbayan ay nagkaisa ang mga Pilipino upang igiit ang kanilang mga karapatan sa isang lipunang malaya. Isinigaw ng taumbayan mula sa mga lansangan ng EDSA ang kanilang mga hinaing na โtama na, sobra na!โ - tama na ang pang-aapi ng diktadurang Marcos Sr., sobra na ang panunupil at pagpapahirap sa mga Pilipino.
Apat na dekada na ang nakaraan, ngunit patuloy pa rin ang lumalalang krisis sa gobyerno, ekonomiya, at lipunan na dulot ng mapangaping sistema. Patuloy pa ring umiiral ang korapsyon. Ang pangakong Bagong Pilipinas ni Marcos Jr., ay hindi ramdam bagkus lumang testamento pa rin ng mabagal na sistema at imprastraktura ang umiiral. Maraming sangkot sa korapsyon ang โdi pa rin nananagot habang ang ordinaryong mga Pilipino ay nagtiis sa mababang sahod, playadong serbisyong edukasyon at pangkalusugan, pagtaas ng mga bilihin, pangaagaw ng lupa sa mga indigenous people, at karahasan ng kapulisan at militar.
Sa kabila ng mga reporma na hatid ng rebolusyong EDSA, patuloy pa rin hanggang sa kasalukuyan ang paniniil ng estado sa mga taong patuloy na lumalaban para sa edukasyon, kabuhayan, at karapatan.
Sa kabila ng lahat ng ito, patuloy pa rin ang paglaban at pakikibaka ng sambayanang Pilipino para makamit ang isang Pilipinas na tunay na masagana at maginhawa. Bilang mga kabataan, hangad natin ang isang lipunang may kapayapaang nakabatay sa hustisya na siyang hangad ni Hesus. Katulad ni Hesus na nakipamuhay sa mga anawim, ang mga nasa laylayan ng lipunan, patuloy tayong magdala ng mabuting balita ng katotohanan, kalayaan at katarungan sa mga nagdarahop, kalingahin at palayain ang mga api, at baguhin ang sistemang patuloy na nagpapahirap sa masa, nang sa gayon ay madala natin ang langit dito sa lupaโisang lipunang ninanais ni Hesus para sa lahat.
Ngayong araw, sa ika-40 taon ng EDSA People Power Revolution, kalakip ng ating panalangin, taos pusong nakikiisa ang buong Christian Youth Fellowship sa masang Pilipino sa paggunita ng makasaysayang Peopleโs Power Revolution. Sa ating paggunita, nawaโy patuloy na magalab ang ating pananampalataya at tulad ni Hesus na nakiisa at naniwala sa anawim, ang masa, makiisa rin tayo sa pakikibaka hanggaโt makamtan natin ang lipunang ganap na payapa at malaya.
Kabataang Kristiyano, lumaban at manindigan. Isabuhay ang tunay na diwa ng EDSA!
Words by: Vincent Joel Salvador, NLJ CYF, National CWS Member