11/03/2021
Pagkaing Espirituwal Ngayong Huwebes. Marso 11, 2021
Pamagat: Pinawi Na
Ang pagkakasala mo'y pinawi Ko na, naglahong ulap ang katulad; Ika'y manumbalik dahil tinubos na kita at pinalaya.
Isaias 44:22
Basahin: Isaias 43:25; 44:21-23 (Ang Salita ng Dios)
25 “Ako mismo ang naglilinis ng mga kasalanan mo para sa aking karangalan, at hindi ko na iyon aalalahanin pa.
21 Sinabi pa ng Panginoon, “Israel, dahil sa ikaw ay aking lingkod, isipin mo ito: Ginawa kita para maglingkod sa akin. Hindi kita kalilimutan.
22 Ang mga kasalanan moʼy parang ulap o ambon na pinaglaho ko na. Manumbalik ka sa akin para mailigtas kita.”
23 O kalangitan, umawit ka sa tuwa! O mundo, sumigaw ka nang malakas! Umawit kayo, kayong mga bundok at mga kagubatan. Sapagkat Ililigtas ng Panginoon ang lahi ni Jacob; ipapakita niya ang kanyang kapangyarihan sa Israel.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.
Ang inhinyerong Briton na si Edward Nairne ang nakaimbento sa pambura noong 1770. Sa mga panahong iyon, piraso ng tinapay ang ginagamit nilang pambura ng mga marka sa papel. Pero minsan, sa halip na tinapay, goma ang aksidenteng nakuha ni Edward para ipambura. Simula noon, ito na ang ginamit niya. Napatunayan niya na higit na maganda itong ipambura sa mga maling marka.
Mabubura o pinapawi rin naman ang ating mga kasalanan gaano man katindi ang mga ito. Si Jesus na siyang Tinapay na Nagbibigay-Buhay ang mismong maglilinis sa atin. Sinabi Niya, “Ako mismo ang naglilinis ng mga kasalanan mo para sa Aking karangalan, at hindi Ko na iyon aalalahanin pa” (ISAIAS 43:25).
Sa dami ng ating mga kasalanan, iniisip natin na hindi tayo karapat-dapat na patawarin. Mahirap paniwalaan na pinapawi ng Dios ang mga nagawa nating kasalanan tulad ng naglahong ulap. Magagawa bang kalimutan ang ating mga kasalanan ng Dios na nakakaalam ng lahat?
Tunay na papawiin ng Dios ang ating mga kasalanan kung magtitiwala tayo kay Jesus bilang ating Panginoon at Tagapagligtas. Patatawarin at kakalimutan na Niya ang mga ito. Magiging malaya na tayo at makapagpapatuloy sa ating buhay. Lilinisin Niya ang ating puso at makakapaglingkod na sa Dios ngayon at kailanman.
Hindi man natin matatakasan ang bunga ng ating mga kasalanan, makatitiyak tayo na pinatawad na ng Dios ang lahat ng mga kasalanan natin. Nais Niya na magsimula tayong muli at mamuhay nang ayon sa kalooban Niya.
-Patricia Raybon
Panginoon, tulungan N’yo po akong maunawaan ang katotohanang pinatawad na Ninyo ako at dahil doo’y mamumuhay ako nang may kagalakan.
React, Share, and post your reflections.
Follow us on Twitter: twitter.com/odbpilipinas
and on Instagram: instagram.com/ourdailybreadpilipinas
Visit filipino-odb.org to learn more about Our Daily Bread Ministries and our resources
Copyright © 2021 Our Daily Bread Ministries, All rights reserved.
Disclaimer: Please note that internet browsers and online platforms may have built-in translation features that may inadvertently change the meaning and overall thought of our content.