19/08/2026
Ikalawang Araw ng Novena-Mayor kay San Agustin de Tanza
PAMBUNGAD NA PANALANGIN
Panginoon, Diyos ng walang hanggang karunungan, hinirang Mo ang Tagapagtangkilik naming si San Agustin upang gamitin sa pagpapahayag ng mga katotohanan ng aming pananampalataya. Sa kanyang mga isinulat ay nahahayag ang mga katotohanan tungkol sa Iyo, kung ano ang patutunguhan namin at kung ano ang dapat naming maging tugon sa Iyo. Itinanghal namin siyang Pantas ng simbahan sapagkat ang kanyang mga aral ay magpapatatag sa pananampalatayang Kristiyano at nagpapalinaw sa buhay namin bilang Iyong mga nilikha at anak. Itinuturo niya na kami ay nauukol lamang sa Iyo at sa iyo dapat na isuko at italaga ang aming sarili sapagkat hindi mapapanatag ang aming kalooban kung hindi kami sasandig sa iyo.
Kaya ama, sa aming pagpaparangal kay San Agustin, kami ay lumalapit sa Iyo upang humingi ng kapatawaran sa mga pagkakataong kami ay nagkasala, lumihis sa landas ng kabanalan, namumuhay sa kalayawan at pinawalang-halaga ang mga itinuturo ng aming pananampalataya. Tulad ng ginagawa Mo kay San Agustin, patuloy mo nawa kaming tawagin tungo sa pagbabagong-buhay at mag-alab nawa ang aming puso sa pag-ibig sa Iyo at sa paglilingkod sa Iyong Sambayanan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesu-Kristo kasama ng Espiritu Santo, magpasawalang-hanggan. Amen.
PANALANGIN KAY SAN AGUSTIN
Minamahal naming San Agustin, taglay ang lubos na pananalig at pagtawag sa Diyos Ama na pinagbubuhatan ng lahat ng pagka-Ama sa lupa, kami ay napaaampon sa iyo bilang isang ama. Dala ng mahabang kasaysayan ng pakikipag-ugnayan ng aming bayan sa iyo at sa iyong pagtugon sa aming mga kahilingan na nagpapahayag ng iyong maka-amang pagtangkilik, ikaw ay naging malapit sa amin. Ito rin ay nagmula sa iyong kabantugan sa pangangasiwa bilang Obispo sa Sambayanan ng Diyos na ipinagkatiwala sa iyo. Puspos ng karunungan ng Diyos, inalagaan mo ang noon ay munti pa at lumalaking Simbahan sa pagbibigay linaw sa kanyang mga aral kaya ikaw ay tinagurian bilang isa sa mga ama ng Simbahan.
Ngayon, aming ama, patuloy mong ipamalas ang iyong maka-amang pangangalaga sa amin. Ang iyo nawang pagpapamalas na ito ay maghatid sa aming pagkilala sa Diyos Ama na Maylalang sa ating lahat at tunay na pinagmumulan ng bawat biyayang ipinakikiusap namin sa iyo. Idalangin mo sa Diyos na makamit namin sa buhay na ito ang mga kinakailangan namin lalung-lalo na ang kahilingang ito. (Ilahad ang kahilingan). Pagkalooban nawa kami ng Diyos ng banal na karunungan na patuloy na magsasaliksik sa kanya at sa kanyang kalooban upang si Kristo ang Katotohanan at Karunungan ng Diyos ay maghari sa amin ngayon at magpakailanman. Amen.
PANALANGIN PARA SA IKALAWANG ARAW
(Ilagay natin ang ating sarili sa karanasan ni San Agustin at dasalin ang kanyang panalangin.)
Panginoong Hesus, itulot Mong makilala ko ang aking sarili, itulot Mong makilala Kita at walang hangarin kundi Ikaw lamang. Loobin Mong kamuhian ko ang aking sarili upang mahalin Kita. Marapatin Mong gawin ko ang lahat ng bagay alang-alang sa Iyo. Hayaan mong mag paka- aba ako upang Ikaw ay aking itampok. Hayaan mong mamatay ako sa sarili upang mabuhay para sa iyo. Nawa ay matanggap ko ang lahat ng mga nangyayari bilang kalooban Mo. Tulutan mong talikuran ang aking sarili upang tumalima sa iyo at laging magnasa na sumunod sa Iyo. Marapatin mong mapabilang ako sa Iyong mga hinirang. Marapatin mong wala akong panghawakan kundi Ikaw. Hayaan mo akong maging salat para sa Iyo. Patuloy mo akong tawagin upang matagpuan kita at laging magalak sa Iyo. Siya nawa.
LITANYA KAY SAN AGUSTIN
Panginoon, kaawaan mo kami.
Kristo, kaawaan mo kami.
Panginoon, kaawaan mo kami.
Kristo, pakinggan mo kami.
Kristo, pakapakinggan mo kami.
Diyos Ama sa langit, kaawaan mo kami.
Diyos Anak na tumubos sa sanlibutan, kaawaan mo kami.
Diyos Espiritu Santo, kaawaan mo kami.
Banal na Santatlo, tatlong Persona sa iisang Diyos, kaawaan mo kami.
Banal na Amang Agustin, ipanalangin mo kami.
San Agustin, huwaran ng mga nagsisising kaluluwa, ipanalangin mo kami.
San Agustin, anak ng mga luha ni Sta. Monica, ipanalangin mo kami.
San Agustin, liwanag ng mga tagapagturo, ipanalangin mo kami.
San Agustin, tagapuksa ng maling-aral, ipanalangin mo kami.
San Agustin, bantog na tagapagtanggol laban sa kaaway ng simbahan, ipanalangin mo kami.
San Agustin, haligi ng tunay na pananampalataya, ipanalangin mo kami.
San Agustin, sisidlan ng Banal na Karunungan, ipanalangin mo kami.
San Agustin, gabay sa pamamatnugot ng buhay paglilingkod, ipanalangin mo kami.
San Agustin, na ang puso ay pinag-aalab ng apoy ng pag-ibig ng Diyos, ipanalangin mo kami.
San Agustin, mapagkumbaba at maawaing ama, ipanalangin mo kami.
San Agustin, masigasig na tagapagpahayag ng Salita ng Diyos, ipanalangin mo kami.
San Agustin, natatanging tagapagpaliwanag ng Banal na Kasulatan, ipanalangin mo kami.
San Agustin, dangal ng mga Obispo, ipanalangin mo kami.
San Agustin, tanglaw ng tunay na pananampalataya, ipanalangin mo kami.
San Agustin, marangal na tagapagtanggol ng Santa Iglesia, ipanalangin mo kami.
San Agustin, liwanag mula sa kaluwalhatian ng Diyos, ipanalangin mo kami.
San Agustin, namumukadkad na punong Olibo sa Tahanan ng Diyos, ipanalangin mo kami.
San Agustin, masugid na mananamba ng Banal na Santatlo, ipanalangin mo kami.
San Agustin, di masaid na bukal ng mahusay na Kristiyanong pananalita, ipanalangin mo kami.
San Agustin, maningning na salamin ng kabanalan, ipanalangin mo kami.
San Agustin, huwaran ng lahat ng kabutihan, ipanalangin mo kami.
San Agustin, mapang-aliw sa mga namimighati, ipanalangin mo kami.
San Agustin, mapagbigay ginhawa sa mga naulila, ipanalangin mo kami.
San Agustin, kaibigan at kaagapay ng mga dukha, ipanalangin mo kami.
San Agustin, Aming Ama, ipanalangin mo kami.
Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, iligtas mo kami, Panginoon.
Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, pakapakinggan mo kami, Panginoon.
Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, kaawaan mo kami, Panginoon.
Manalangin Tayo
O Diyos, isiniwalat mo kay San Agustin ang mga natatagong hiwaga ng iyong karunungan at pinag-alab Mo sa kanyang puso ang maka-Diyos na pag-ibig, sa gayon pinanibago Mo sa Iyong simbahan ang haligi ng ulap at apoy. Magiliw Mong ipagkaloob, na kami ay iligtas na makalampas sa mga pagsubok sa daigdig na ito at makarating sa buhay na walang hanggan na ipinangako Mo sa amin. Sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
PANGWAKAS NA PANALANGIN
Ama naming mapagmahal, pinupuri ka namin at ipinagdarangal sa iyong walang hanggang karunungan na laganap at nababanaag sa buong sanlibutan. Sa bawat bagay at buhay na nilikha nakikita ang mga tanda ng karunungan at panukala ng kanilang Manlilikha. Ito, Panginoon, ang katotohanang sinasaliksik at natagpuan ni San Agustin. Hindi Mo pinatigil ang kanyang puso at isip sa paghahanap ng kanyang pinagmulan. Gayundin ang ginagawa Mo ay ipinadarama sa bawat tao, ang hindi manatili sa mga bagay na Iyong nilikha upang hanapin namin ang higit at tunay na bukal ng kaligayahan, na kami ay hindi nauukol para sa daigdig na ito, sa mga lumilipas na bagay rito. “Sapagkat nilikha mo kami para sa iyo at ang puso namin ay walang kapanatagan hanggang hindi tumatahan sa Iyo.”
Kaya, Panginoon, lubos kaming nagpapasalamat sa iyo sa biyayang ipinunla mo sa puso ng aming Tagapagtangkilik na si San Agustin at sa karunungang ibinigay Mo sa kanya. Katulad niya, sa Iyo nawa namin matagpuan ang katiwasayan ng aming puso. Itulot Mong huwag mapayapa ang aming sarili kung kami ay mapawalay sa Iyo. Kaisa ni San Agustin, sama-sama nawa kaming maghanap tuwina sa Iyo, makamit ang mga biyayang kailangan namin at mabatid ang Iyong kalooban para sa bawat isa sa amin at sa aming bayan. Alang-alang kay Hesu-Kristo na tangi naming Tagapamagitan sa Iyo kasama ng Espiritu Santo, iisang Diyos magpasawalang hanggan. Amen.
Ipanalangin mo kami. O mahal na San Agustin.
Upang laging mag-alab ang aming puso sa Diyos at madama ang Kanyang pananahan sa amin.