23/09/2021
UKOL SA MAGANDANG KAASALAN
PARA SA KALAHATANG KRISTIYANO.
PAGKAKAISA SA KATAWANG MISTIKO.
Ipinamamanhik ko nga sa inyo, akong bilanggo sa Panginoon, na kayo'y magsilakad nang nararapat sa pagkatawag sa inyo, taglay ang lubos na pagpapakumbaba at kaamuan at pagpapahinuhod. Mag-alintanahan kayo nang may pagmamahal, at pagsikapan ninyong ingatan ang pagkakaisa ng Espiritu sa buklod ng kapayapaan: isang katawan at isang Espiritu, katulad nang tawagin kayo sa isang pag-asa ng pagkatawag sa inyo, isang Panginoon, isang pananampalataya, isang binyag; isang Diyos at Ama ng lahat, na nasa ibabaw ng lahat, at sumasalahat, at nasa ating lahat.
IBA'T-IBANG URI NG GRASYA.
Sa bawa't isa sa atin ay ibinigay ang grasya ayon sa sukat ng kaloob ni Cristo. Dahil dito'y sinasabi: "Nang umakyat Siya sa itaas ay dinala Niyang bihag ang mga bihag; at nagbigay ng mga biyaya sa mga tao." Iyang"umakyat Siya", ano nga ang kahulugan kundi ang bumaba muna Siya sa kailaliman ng lupa? Ang bumaba ay Siya ring umakyat sa kaitaasan ng buong kalangitan, upang puspusin Niya ang lahat ng bagay. At pinagkalooban Niya ang iba na maging mga apostoles, ang iba na maging propeta, ang iba na maging mga ebanghelista, ang iba na maging mga tagapamahala at mga tagapagturo; sa ikapupuspos ng mga banal sa gawain ng pamamahala, sa ikatatatag ng katawan ni Cristo, hanggang sa sumapit tayong lahat sa pagkakaisa ng pananampalataya at ng pagkakilala sa Anak ng Diyos, sa ganap na pagkatao, sa hustong sukat ng kaganapan ni Cristo; upang hindi na tayo maging mga bata na sinisiklot-siklot ng balanang hangin ng doktrina na likha ng kasamaan ng tao, ng katusuhan ayon sa mga lalang ng kamalian.
Manapa'y isagawa natin ang katotohanan sa paraan ng pag-ibig, at sa gayon, sa lahat ng bagay ay umunlad tayo sa Kanya, ang buong katawang lapat na lapat at ugnay na ugnay sa pamamagitan ng mga sugpungan ng kabuuan, ayon sa nauukol na gawain ng bawa't sangkap, ay nunuha ng inilulusog sa ikatitibay niya sa pagmamahal.
PAGBABAGO NG SARILI.
Ito nga ang sinasabi at pinatototohanan sa Panginoon, na huwag na kayong lumakad na gaya ng mga Hentil na lumalakad sa kahangalan ng kanilang pag-iisip: madilim ang kanilang panimdim, malayo sa buhay ng Diyos, dala ng kamangmangan na nasa kanila dahil sa pagkabulag ng kanilang puso; na sa kawalan ng pag-asa ay napatangay sila sa kahalayan, at sa lahat ng gawang karumihan, at kasakiman. Nguni't hindi ganito ang naging pagkakilala ninyo kay Cristo- sapagkat Siya'y inyong nabalitaan at kayo'y inaralan alang-alang sa Kanya (yamang ang katotohanan na kay Jesus) na inyong iwan ang lumang pagkatao ayon sa nakaraan ninyong pamumuhay, na nabubulok sa pamamagitan ng mga magdarayang pita. Bagkus magbago kayo ayon sa diwa ng inyong pag-iisip, at isuot ang bagong pagkatao na nilalang ayon sa Diyos sa katarungan at kabanalan ng katotohanan.
MASASAMANG HILIG NA DAPAT IWASAN.
Kaya't itakwil ninyo ang kasinungalingan at ang bawa't isa sa inyo ay magsalita ng katotohanan sa kanyang kapuwa, sapagka't tayo'y mga sangkap na magkakasama. "Magalit kayo, nguni't huwag magkasala"; huwag lumubog ang araw sa inyong kagalitan. Huwag ninyong bigyan ng daan ang diyablo. Ang nagnanakaw ay huwag nang magnakaw; bagkus gumawa at gamitin ang kanyang mga kamay sa mabuti, upang may maitulong sa nangangailangan. Huwag lumabas sa inyong bibig ang ano mang masamang salita, kundi ang mabuti sa ikatitimyas ng pananampalataya, upang makinabang ng grasya ang nagsisipakinig. At huwag ninyong dulutan ng ikalulumbay ang Espiritu Santo ng Diyos, na sa pamamagitan Niya kayo'y tinatakan para sa kaarawan ng katubusan. Ang lahat ng kapaitan at kagalitan at kapootan, ang pagsigaw at paglait, ay mawalay sa inyo, pati ang lahat ng kasamaan. Maging magiliw kayo sa isa't-isa, maawain, at magpatawaran kayo, gaya ng pagkapagpatawad sa inyo ng Diyos alang-alang kay Cristo.
Sulat sa mga Taga-Efeso 4: 1-32.
AMEN. ALLELUIA ππΉπ