24/05/2026
Sa pagtatapos ng huling Misa ngayong araw ng Pentekostes, pinatay na ang ilaw ng Kandila ng Paskuwa na sa loob ng limampung araw ay nagsilbing tanda ng muling pagkabuhay at tagumpay ni Hesukristo laban sa kamatayan.
Ito ay simbolo ng pagtatapos ng Panahon ng Pagkabuhay (Easter Season) at pagbabalik ng Simbahan sa Karaniwang Panahon (Ordinary Time). Mula sa sanctuwaryo, ang Kandila ng Paskuwa ay inilipat na sa tabi ng binyagan o baptismal font bilang paalala na tayo ay nabinyagan sa liwanag at buhay ni Kristo.
Mga kaparokya, napakaganda ng kahulugan ng tradisyong ito. Bagamat si Hesus ay umakyat na sa langit, hindi Niya tayo iniwan. Ipinagkaloob Niya sa atin ang Espiritu Santo upang maging gabay, lakas, at tanglaw sa ating pananampalataya at araw-araw na pamumuhay.
Nawa’y manatili nating buhay ang apoy ng pananampalataya sa ating puso. Patuloy nating ipalaganap ang pagmamahal, kabutihan, at liwanag ni Kristo sa ating pamilya, komunidad, at kapwa.
Maligayang Kapistahan ng Pentekostes! 🕊️🙏🏻
Halina’t magpatuloy tayong mamuhay bilang tunay na saksi ng Espiritu Santo.