02/10/2026
Leah Ngislawan-Omaweng
MEMORY VERSE FOR SUNDAY, OCTOBER 4, 2026
"Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng Bahay ang siyang naging batong-panulukan." (Mateo 21:42)/"The stone that the builders rejected has become the cornerstone...." (Matthew 21:42)
Bata pa lamang ako, namulat na ako sa realidad ng buhay ng mga taong naninirahan sa kabundukan at maging sa lowland. Isa sa mga karaniwang pinagkukunan ng kita ng mga tao ay ang pagsasaka, at ito rin ang pangunahing trabaho ng aking mga magulang noon. May mga magsasaka na nagtatrabaho sa lupang hindi naman sa kanila Kundi katiwala lamang. At kahit pa ganoon ang sitwasyon ay pinagsisikapan pa rin nila na mapabuti ang ani upang may maibigay sa may ari at mayroon ding para sa kanila.
Nang mabasa at mapagnilayan ko ang Gospel sa Mateo 21:33โ46, mas nakita ko ang lalim ng mensahe nito, lalo na bilang isang graduate intern sa ministry na nagsisimula pa lamang maglingkod sa Diyos. Sa parabula, ang ubasan ay inihanda ng may-ari at ipinagkatiwala sa mga magsasaka upang alagaan at pagbungahin. Ngunit nang dumating ang panahon ng ani, hindi ibinigay ng mga magsasaka ang nararapat sa may-ari. Sa halip, tinanggihan at sinaktan nila ang mga isinugo ng may-ari, hanggang sa dumating ang kanyang anak na lalaki na kanilang pinatay.
Habang pinagninilayan ko ito, nakita ko ang isang mahalagang katotohanan: ang ubasan ay hindi tunay na pag-aari ng mga magsasaka. Ipinagkatiwala lamang ito sa kanila. Ganito rin ang ministry. Hindi ito pag-aari ng isang obispo, pari, lay, intern, o sinumang lingkod. Ang ministry ay pag-aari ng Diyos, at tayo ay mga katiwala lamang. Tayo ay tinatawag upang maging tapat sa gawaing ipinagkatiwala Niya sa atin at upang magbunga para sa Kanya.
Bilang isang graduate intern na nagsisimula pa lamang sa ministry, mahalagang paalala sa akin na hindi akin ang ministry. Hindi ako ang may-ari ng ubasan. Ako ay isang katiwala lamang. Tulad ng isang magsasakang nag-aalaga at nagtatrabaho sa lupang hindi naman tunay na kanya, tinatawag din akong maglingkod nang buong puso sa gawain ng Diyos habang kinikilala na ang lahat ng ito ay nagmula sa Kanya at para sa Kanya, bagamat may mga pagtanggi na nararanasan ay patuloy pa rin sa hangaring makapaglingkod. Ang aking tungkulin ay hindi ang angkinin ang gawain bilang sarili kong pag-aari, kundi alagaan, paglingkuran, at pagbungahin ito ayon sa kalooban ng tunay na May-ari.
Sa huli, ang Mateo 21:33โ46 ay naging isang malalim na paalala sa akin tungkol sa tunay na kahulugan ng pagiging lingkod. Ang Diyos ang tunay na may-ari ng ubasan, at tayo ay mga katiwala lamang. Tulad ng isang magsasaka na nagtatrabaho, nag-aalaga, at naghihintay ng bunga mula sa kanyang pinaghirapan, ako rin ay tinatawag na magtrabaho at maglingkod nang may katapatan. Ngunit kasabay nito, hindi ko dapat kalimutan kung kanino talaga nagmula ang gawain at kung sino ang tunay na nagmamay-ari nito.
Bilang isang graduate intern sa ministry, nais kong dalhin ang katotohanang ito sa aking patuloy na paglalakbay: hindi akin ang ministry; ipinagkatiwala lamang ito sa akin ng Diyos. Kaya hindi ko kailangang sukatin ang aking paglilingkod batay lamang sa pagtanggap, papuri, tagumpay, o pagkilala ng mga tao. Ang tunay na sukatan ng isang lingkod ay ang kanyang katapatan sa Diyos na tumawag at nagtiwala sa kanya. Nawa'y sa bawat pagkakataong ako ay maglingkod, lagi kong maalala na ang ubasan ay pag-aari ng Diyos, ang gawain ay para sa Kanya, at ang aking tungkulin ay maging isang tapat na katiwala.
A reflection on Matthew 21:33-46 by Bro. Angelon Obamos (The Episcopal Diocese of Davao)
Image: "Parable of the Evil Vintners" by Mr. Marten van Valckenborch (1534-1612), Belgium. Kunsthistorisches Museum Vienna collection.
ECP.Official