25/07/2026
IKA-SIYAM NA ARAW NG NOBENA PARA SA KARANGALAN NI SANTA ANANG BANAK
(Bisperas ng Dakilang Kapistahan)
"Sinta mo'y walang kabagay
Sa anak mong minamahal
Ina ng Diyos na tunay
Reina ng kalangitan
Amin namang pintakasiin
Itong marilag na birhen."
Sa sakuna at hilahil na tantong kalagim-lagim...
Anang Lubhang mahabagin, kami'y iyong ampunin"
~Dalit kay Sta. Ana
~~~~~~~~~
IKA-SIYAM NA ARAW
Pinupuri naming Santa Ana, idulog mo sa iyong Kabanal-banalang Apo, ang aming Panginoong Hesukristo, at sa iyong Mapagmahal na anak na si Birheng Maria, ang aming mga panalangin para sa lahat ng mga pamilya na magkabuklod-buklod sa pagtutulungan at pagmamalasakit lalo na sa mga mahihirap at may mga dinadalang mabigat na krus sa landas ng buhay. Ipinapanalangin namin ang lahat na mga pamilya na manatiling nagkakaisa sa tunay na pagmamahalan at pananampalataya sa Diyos. Ang kabutihan at magandang halimbawa ng bawat pamilya ay patuloy na magliwanag sa lipunan. Sa tulong ng iyong mga panalangin sa langit, ang mga magagandang asal sa bawat pamilya ay patuloy na maibahagi sa iba’t-ibang komunidad na ninanais ng Diyos na manatili rin sa kabutihan at pagmamahal ayon sa itinuro ni Hesus sa ebanghelyo. Ipinapanalangin namin na ang lahat ng miyembro ng pamilya - ang mga mag-asawa, ang mga magulang, ang mga anak, at ang mga kamag-anak ay patuloy na magpakita ng magandang halimbawa ng pagsasabuhay ng ebanghelyo ng pagmamahal at pagpapatawad na itinuro ni Hesus. Kami ay nananalig sa tulong mo, O Santa Ana, at iniaalay rin namin ang aming mga dasal na may pagmamahal sa iyong Anak, ang Birheng Maria, at may pananampalataya sa Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo. Amen.
(Dasalin ang “Ama Namin”, “Aba Ginoong Maria”, at “Luwalhati”)