04/10/2026
Ipinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan ni San Francisco de Assisi.
Nang isinilang siya sa isang sabsaban sa Assisi, Umbria, Italya, noong 1181, Francisco ang ipinangalan sa kanya sa dahilang malimit maglakbay si Pedro Bernardone, na kanyang ama, sa pangangalakal ng damit sa Pransiya.
Sa kabataan ni Francisco ay walang mababakas ni isa mang tanda na siya’y makakarating sa tugatog ng kabanalan, na hahangaan ng mga Katoliko at kahit ng mga hindi Katoliko. Siya’y isang lalaking lagalag at marangya, isang sundalong mahilig sa kamunduhan. Ngunit nang minsang magkasakit nang malubha sa bilangguan, nagbalik-loob siya sa Diyos.
Nang ibigay niya sa mahihirap ang kanyang kayamanan upang tuparin ang habilin ni Kristo sa Mabuting Balita, ay nagalit ang kanyang ama at itinakwil siya bilang anak.
Nabuhay siyang isang maralita sa gubat at namalagi sa pananalangin at pagpepenitensiya sa simbahan ni San Damian. Pinaglingkuran niya ang mga dukha at mayskit; tinuring niyang “esposa” ang kahirapan, at mga kapatid naman ang araw, mga hayop at ibon.
Upang mapalaganap ang kanyang kilusan ay itinatag ni San Francisco ang Orden ng mga Paring Pransiskano, Madre Clarisa, at Orden Tercera.
Taong 1224 tinanggap ni San Francisco sa kanyang katawan ang mga sugat ng Panginoon (stigmata) na tumagal hanggang sa dumating ang kapatid na “Kamatayan” noong Oktubre 4, 1226. Siya ang nagpasimula ng “belen” na inilalagay natin sa mga Altar kapag dumarating ang Pasko.
San Francisco De Assisi, ipanalangin mo kami!