03/08/2025
"HINDI KAMI UMALIS, KAYO ANG HINDI TUMANGGAP" | Tulang likha ni Kapatid na Alvin Toledo para sa Iglesia Filipina Independiente
Naririnig mo ba ang hinaing
ng mga paring Pilipino noon?
Yung bago pa kami tinawag na Aglipayano,
Kami'y mga anak din ng Simbahang Romano.
Naglingkod. Nagdasal. Sumunod.
Pero bakit kami napalayas sa sariling tahanan?
Hindi kami ang unang lumayo.
Kami ang naunang humiling.
Kami ang naunang lumuhod.
Kami ang naunang umasa.
Pero kapalit ng dasal naming:
“Bigyan niyo po kami ng lugar sa inyong mesa,”
ang sagot ninyo:
“Walang upuan para sa mga gaya ninyo.”
Kaya kami’y tumayo.
Hindi para kalabanin,
Kundi para itayo ang
Simbahang kayang yumakap
sa kalayaan ng isang lahing
matagal nang nakaluhod!
Sabay ng tunog ng kampana
ng kalayaan noong 1902,
Ipinroklama ang
Iglesia Filipina Independiente!
Hindi dahil sa rebelyon,
kundi dahil sa paninindigan!
Habang kami’y itinakwil,
Bigla kayong kumilos.
Nagpadala ng obispo.
Nagluklok ng mga paring Pilipino.
At sa isang sulok ng kasaysayan,
may Obispong Romano na nagsabing,
“Salamat Gregorio Aglipay.
Kung hindi dahil sayo,
alipin pa rin ang mga
paring pililipino sa ating bayan.”
Ngayon may mga obispo na rin sa kabila.
May kardinal. May boses. May galang.
Pero wag n'yong kalimutan,
kung wala si Aglipay, wala ring pagkakataong yan.
Kaya ngayon…
Hindi ito tungkol sa paghihiwalay.
Ito ay tungkol sa paglaya.
Hindi ito simula ng galit,
Ito'y resbak ng dignidad!
Kaya wag n’yo kaming tanungin kung bakit kami nagtatag ng sariling Simbahan.
Tanungin n’yo ang sarili n’yong institusyon
Bakit hindi n’yo kami tinanggap nang kami'y nagmakaawa?
Kaya ngayon…
Mabuhay ang Iglesia Filipina Independiente!
Mabuhay ang paninindigan!
Mabuhay ang Simbahang kayang sabihing:
“Para sa Diyos at Bayan, hindi lang sa dayuhan.”