30/03/2026
1️⃣. 𝗧𝗮𝗻𝗼𝗻𝗴 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝘁𝗮𝗼 𝗺𝘂𝗹𝗮 𝘀𝗮 𝗿𝗲𝗹𝗶𝗵𝗶𝘆𝗼𝗻: Sa mga nakalipas na taon, ang aming mga simbahan ay lalong nagiging mapanglaw. Nawala na sa aming mga kapatid ang pananalig at pag-ibig na taglay nila noong una, at sila ay lalong nagiging negatibo at mahina. Pati ang aming mga mangangaral ay nakakaramdam ng kadiliman sa kanilang espiritu at wala nang maipangaral. Tila nawala na sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu. Naghanap na kami kung saan-saan ng simbahan na may gawain ng Banal na Espiritu, pero nakikita namin na lahat ng simbahan sa lahat ng dako ay ganoon din kapanglaw. Bakit ba napakapanglaw ng lahat ng relihiyon at denominasyon? Ano ba ang nangyayari?
𝗠𝗚𝗔 𝗦𝗔𝗟𝗜𝗧𝗔 𝗡𝗚 𝗗𝗜𝗬𝗢𝗦 𝗠𝗨𝗟𝗔 𝗦𝗔 𝗕𝗜𝗕𝗟𝗜𝗬𝗔 𝗣𝗔𝗥𝗔 𝗦𝗔 𝗦𝗔𝗡𝗚𝗚𝗨𝗡𝗜𝗔𝗡:
“At Akin namang pinigil ang ulan sa inyo, nang tatlong buwan na lamang at pag-aani na; at Aking pinaulan sa isang bayan, at hindi Ko pinaulan sa kabilang bayan: isang bahagi ay inulanan, at ang bahagi na hindi inulanan ay natuyo. Sa gayo’y dalawa o tatlong bayan ay nagsigala sa isang bayan upang magsiinom ng tubig, at hindi nangapawi ang uhaw: gayon ma’y hindi kayo nanganumbalik sa Akin, sabi ni Jehova” (Amos 4:7–8).
“Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoong si Jehova, na Ako’y magpapasapit ng taggutom sa lupain, hindi taggutom sa tinapay, o kauhawan man sa tubig, kundi sa pagkarinig ng mga salita ni Jehova” (Amos 8:11).
“At dahil sa pagsagana ng katampalasanan, ang pag-ibig ng marami ay lalamig” (Mateo 24:12).
𝗠𝗚𝗔 𝗦𝗔𝗟𝗜𝗧𝗔 𝗡𝗚 𝗠𝗔𝗞𝗔𝗣𝗔𝗡𝗚𝗬𝗔𝗥𝗜𝗛𝗔𝗡𝗚 𝗗𝗜𝗬𝗢𝗦 𝗣𝗔𝗥𝗔 𝗦𝗔 𝗦𝗔𝗡𝗚𝗚𝗨𝗡𝗜𝗔𝗡:
Ang gawain ng Banal na Espiritu ay laging sumusulong, at ang lahat ng nasa agos ng Banal na Espiritu ay nararapat ding sumusulong palalim at nagbabago baitang-baitang. Hindi sila dapat tumigil sa isang yugto. Ang mga hindi lamang nakakaalam sa gawain ng Banal na Espiritu ang mananatili sa kalagitnaan ng Kanyang orihinal na gawain, at hindi tatanggapin ang bagong gawain ng Banal na Espiritu. Tanging ang mga mapaghimagsik ang hindi makakayanang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung ang pagsasagawa ng tao ay hindi sumasabay sa bagong gawain ng Banal na Espiritu, ang pagsasagawa ng tao ay tiyak na napuputol mula sa gawain ngayon at siguradong hindi kaayon ng gawain ngayon. Ang gayong mga taong lipas na sa panahon ay talagang walang kakayahang isakatuparan ang kalooban ng Diyos, at lalo nang hindi sila maaaring maging mga tao na tatayong patotoo sa Diyos sa huli. Ang buong gawaing pamamahala, higit pa rito, ay hindi matatapos sa kalagitnaan ng ganoong kalipunan ng mga tao. Sapagka’t yaong mga dating kumapit sa kautusan ni Jehova, at yaong mga minsang nagdusa dahil sa krus, kung hindi nila matatanggap ang yugto ng gawain ng mga huling araw, kung gayon ang lahat ng kanilang ginawa ay mawawalan ng saysay, at walang kabuluhan. Ang pinakamalinaw na pagpapahayag ng gawain ng Banal na Espiritu ay nasa pagyakap sa naririto ngayon, hindi pagkapit sa nakaraan. Yaong mga hindi na nakasabay sa gawain ng ngayon, at silang mga napahiwalay na mula sa pagsasagawa ng ngayon, ay yaong mga lumalaban at hindi tumatanggap sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong iyon ay lumalaban sa kasalukuyang gawain ng Diyos. Bagama’t kumakapit sila sa liwanag ng nakaraan, hindi maitatatwa na hindi nila alam ang gawain ng Banal na Espiritu. Bakit mayroong mga usapan tungkol sa mga pagbabago sa pagsasagawa ng tao, sa mga pagkakaiba sa pagsasagawa sa pagitan ng nakalipas at ngayon, kung paanong ang pagsasagawa ay isinakatuparan sa nakaraang kapanahunan, at kung paano ito isinasagawa ngayon? Ang ganoong paghahati-hati sa pagsasagawa ng tao ay laging sinasalita dahil ang gawain ng Banal na Espiritu ay patuloy na sumusulong, at sa gayon, ang pagsasagawa ng tao ay kailangan ding patuloy na magbago. Kung ang tao ay nananatiling nakakapit sa isang yugto, kung gayon ito ay nagpapatunay na wala siyang kakayahan sa pagsabay sa bagong gawain ng Diyos at bagong liwanag; hindi ito nagpapatunay na ang plano sa pamamahala ng Diyos ay hindi na nagbago. Yaong mga nasa labas ng agos ng Banal na Espiritu ay laging nag-iisip na sila ay tama, ngunit sa katunayan, ang gawain ng Diyos sa kanila ay matagal nang tumigil, at ang gawain ng Banal na Espiritu ay wala sa kanila. Ang gawain ng Diyos ay matagal nang inilipat sa isa pang kalipunan ng mga tao, isang kalipunan kung kanino Niya hinahangad na tapusin ang Kanyang bagong gawain. Dahil yaong mga nasa relihiyon ay walang kakayahang tanggapin ang bagong gawain ng Diyos, at kumakapit lamang sa lumang gawain ng nakaraan, kaya’t tinalikuran na Niya ang mga taong ito, at ginagawa ang Kanyang bagong gawain sa mga taong tumatanggap sa bagong gawaing ito. Ang mga ito ay mga tao na nakikipagtulungan sa bago Niyang gawain, at tanging sa paraang ito matutupad ang Kanyang pamamahala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
Sa bawat yugto ng gawain ng Diyos mayroon ding katumbas na mga kinakailangan sa tao. Lahat niyaong nasa loob ng agos ng Banal na Espiritu ay nagtataglay ng presensiya at disiplina ng Banal na Espiritu, at yaong mga wala sa loob ng agos ng Banal na Espiritu ay nasa ilalim ng pamumuno ni Satanas, at walang anumang gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga tao na nasa agos ng Banal na Espiritu ay yaong mga tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos, at nakikipagtulungan sa bagong gawain ng Diyos. Kung yaong mga nasa loob ng agos na ito ay walang kakayahang makipagtulungan, at walang kakayahang isagawa ang katotohanan na kinakailangan ng Diyos sa panahong ito, kung gayon sila ay didisiplinahin, at ang pinakamalala ay tatalikuran ng Banal na Espiritu. Yaong mga tumatanggap sa bagong gawain ng Banal na Espiritu, ay mamumuhay sa loob ng agos ng Banal na Espiritu, at tatanggapin nila ang pangangalaga at pag-iingat ng Banal na Espiritu. Yaong mga handang isagawa ang katotohanan ay nililiwanagan ng Banal na Espiritu, at yaong mga hindi handa na isagawa ang katotohanan ay dinidisiplina ng Banal na Espiritu, at maaari pang maparusahan. Hindi alintana kung anong uri ng tao sila, basta’t sila ay nasa loob ng agos ng Banal na Espiritu, pananagutan ng Diyos ang lahat ng tumatanggap sa bagong gawain Niya para sa kapakanan ng Kanyang pangalan. Ang mga lumuluwalhati sa Kanyang pangalan at handang isagawa ang mga salita Niya ay makakatanggap ng Kanyang mga pagpapala; ang mga naghihimagsik laban sa Kanya at hindi nagsasagawa ng Kanyang mga salita ay makakatanggap ng Kanyang kaparusahan. Ang mga tao na nasa agos ng Banal na Espiritu ay ang mga tumatanggap sa bagong gawain, at yamang natanggap na nila ang bagong gawain, sila ay nararapat na angkop na makipagtulungan sa Diyos, at hindi dapat kumilos na parang mga suwail na hindi ginagampanan ang kanilang tungkulin. Ito ang tanging kinakailangan ng Diyos sa tao. Hindi ganoon para sa mga taong hindi tumatanggap sa bagong gawain: Sila ay nasa labas ng agos ng Banal na Espiritu, at ang disiplina at paninisi ng Banal na Espiritu ay hindi para sa kanila. Buong araw, ang mga taong ito ay namumuhay sa loob ng laman, sila ay namumuhay sa loob ng kanilang mga isipan, at ang lahat ng ginagawa nila ay ayon sa doktrinang bunga ng paghihimay at pananaliksik ng kanilang sariling mga utak. Hindi ito ang hinihingi ng bagong gawain ng Banal na Espiritu, at lalong hindi ito pakikipagtulungan sa Diyos. Yaong mga hindi tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos ay walang presensiya ng Diyos, at, higit sa lahat, salat sa mga pagpapala at pag-iingat ng Diyos. Ang karamihan sa kanilang mga salita at mga pagkilos ay nakaayon sa mga nakalipas na mga kinakailangan ng gawain ng Banal na Espiritu; ang mga ito ay doktrina, hindi katotohanan. Ang gayong doktrina at alituntunin ay sapat na upang patunayan na ang pagtitipon ng mga taong ito ay walang iba kundi relihiyon; hindi sila ang mga hinirang, o ang mga pinag-uukulan ng gawain ng Diyos. Ang pagtitipon nilang lahat na magkakasama ay matatawag lamang na maringal na kongreso ng relihiyon, at hindi matatawag na iglesia. Ito ay isang katunayan na hindi mababago. Wala sa kanila ang bagong gawain ng Banal na Espiritu; ang kanilang ginagawa ay tila samyo-ng-relihiyon, ang kanilang isinasabuhay ay tila sagana sa relihiyon; hindi sila nagtataglay ng presensiya at gawain ng Banal na Espiritu, lalo nang hindi sila karapat-dapat na tumanggap ng disiplina o kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Lahat ng taong ito ay mga walang-buhay na bangkay, at mga uod na walang pagka-espirituwal. Wala silang kaalaman sa pagka-mapanghimagsik at paglaban ng tao, walang kaalaman sa lahat ng masasamang gawa ng tao, lalong wala silang kaalaman sa lahat ng gawain ng Diyos at kasalukuyang mga layunin ng Diyos. Lahat sila ay walang alam, mabababang tao, at sila ay mga hamak na hindi nararapat tawaging mananampalataya! Wala sa kanilang mga ginagawa ang may kinalaman sa pamamahala ng Diyos, lalong hindi nito masisira ang mga plano ng Diyos. Ang mga salita at pagkilos nila ay nakasusuklam, nakakaawa, at talagang hindi karapat-dapat banggitin. Wala sa anumang ginawa niyaong mga wala sa agos ng Banal na Espiritu ang may anumang kinalaman sa bagong gawain ng Banal na Espiritu. Dahil dito, kahit na ano ang kanilang gawin, sila ay walang disiplina ng Banal na Espiritu, at, higit sa lahat, walang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Dahil lahat sila ay mga taong walang pag-ibig para sa katotohanan, at sila ay tinaboy na ng Banal na Espiritu. Sila ay tinatawag na makasalanan dahil sila ay lumalakad sa laman at ginagawa kung ano ang kanilang nais sa ilalim ng karatula ng Diyos. Habang gumagawa ang Diyos, sila ay sadyang palaban sa Kanya, at tumatakbo sa kasalungat na patutunguhan sa Kanya. Ang hindi pakikipagtulungan ng tao sa Diyos ay sukdulang mapanghimagsik sa ganang sarili, kaya’t hindi ba ang mga taong sadyang sumasalungat sa Diyos ay partikular na tinatanggap nila ang nararapat na kaparusahan?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang Tao
Gagawin ng Diyos ang katotohanang ito: Gagawin Niyang pumunta sa harapan Niya ang lahat ng mga tao sa buong sansinukob at sambahin ang Diyos sa lupa, at titigil ang gawain Niya sa ibang mga lugar, at mapipilitan ang mga tao na hangarin ang tunay na daan. Magiging katulad ito ni Jose: Lumapit ang lahat sa kanya para sa pagkain, at yumukod pababa sa kanya, sapagkat mayroon siyang mga bagay na makakain. Upang maiwasan ang taggutom, mapipilitan ang mga tao na hangarin ang tunay na daan. Magdurusa ng matinding taggutom ang buong relihiyosong pamayanan, at tanging ang Diyos ng ngayon ang bukal ng buhay na tubig, na nagtataglay ng walang-hanggang umaagos na bukal na inilaan para sa pagtatamasa ng tao, at darating ang mga tao at aasa sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumating Na ang Milenyong Kaharian
Yamang naniniwala ang tao sa Diyos, dapat niyang sundang mabuti ang bawat mga yapak ng Diyos; dapat siyang “sumunod sa Kordero saan man pumaroon ang Kordero.” Ang mga ito lamang ang mga taong totoong naghahanap ng tunay na daan, sila lamang yaong mga nakakaalam sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong matigas na sumusunod sa mga salita at mga doktrina ay yaong mga itiniwalag na ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa bawat sakop ng panahon, ang Diyos ay magsisimula ng bagong gawain, at sa bawat panahon, magkakaroon ng bagong simula sa gitna ng tao. Kung ang tao ay sumusunod lamang sa mga katotohanan na “si Jehova ang Diyos” at “si Jesus ang Cristo,” na mga katotohanan na bawat isa ay nailalapat lamang sa iisang kapanahunan, sa gayon ang tao ay hindi kailanman makakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu, at magpakailanmang walang kakayahang magkamit ng gawain ng Banal na Espiritu. Hindi alintana kung paano gumagawa ang Diyos, ang tao ay sumusunod nang wala ni katiting na pag-aalinlangan, at siya ay sumusunod nang mabuti. Sa paraang ito, paano maititiwalag ng Banal na Espiritu ang tao? Hindi alintana kung ano ang ginagawa ng Diyos, hangga’t ang tao ay nakatitiyak na ito ay gawain ng Banal na Espiritu at nakikipagtulungan sa gawain ng Banal na Espiritu nang walang pag-aalinlangan, at sinusubukang tugunan ang mga kinakailangan ng Diyos, kung gayon, paano siya maparurusahan? Hindi nahinto kailanman ang gawain ng Diyos, hindi kailanman natigil ang Kanyang mga yapak, at bago pa man matapos ang Kanyang gawain ng pamamahala, Siya ay palaging abala, at hindi kailanman tumitigil. Ngunit iba ang tao: Dahil nagkamit lamang ng maliit na gawain ng Banal na Espiritu, itinuturing niya ito na parang hindi kailanman magbabago; dahil nagkamit lamang ng maliit na kaalaman, hindi na siya nagpapatuloy sa pagsunod sa mga yapak ng mas bagong gawain ng Diyos; dahil nakakita lamang ng maliit na bahagi ng gawain ng Diyos, agad na niyang itinuturing na kahoy na imahen ang Diyos, at naniniwala na palaging mananatili ang Diyos sa ganoong anyo na nakikita sa harap niya, na ganito rin sa nakalipas at laging magiging ganoon sa hinaharap; dahil nagkamit lamang ng mababaw na kaalaman, napakayabang ng tao kaya’t nakakalimutan niya ang kanyang sarili at nagsisimulang walang pakundangang ipahayag ang isang disposisyon at kung ano ang Diyos na hindi talaga umiiral; at yamang natitiyak ang tungkol sa isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, kahit anong uri ng tao ang nagpapahayag ng bagong gawain ng Diyos, hindi ito tinatanggap ng tao. Ang mga ito ay mga taong hindi matatanggap ang bagong gawain ng Banal na Espiritu; masyado silang makaluma, at hindi kayang tumanggap ng mga bagong bagay. Ang gayong mga tao ay naniniwala sa Diyos ngunit tinatanggihan din ang Diyos. Naniniwala ang tao na mali ang mga Israelita na “maniwala lamang kay Jehova at hindi kay Jesus,” ngunit karamihan ng mga tao ay gumaganap ng papel kung saan sila ay “naniniwala lamang kay Jehova at tinatanggihan si Jesus” at “nananabik para sa pagbabalik ng Mesiyas, ngunit tinututulan ang Mesiyas na tinatawag na Jesus.” Hindi na nakapagtataka, kung gayon, na ang mga tao ay nabubuhay pa rin sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas matapos tanggapin ang isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi pa rin tinatanggap ang mga pagpapala ng Diyos. Hindi ba’t ito ang bunga ng pagka-mapanghimagsik ng tao?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
Sa ngayon, lahat niyaong sumusunod sa kasalukuyang mga salita ng Diyos ay nasa daloy ng Banal na Espiritu; yaong mga estranghero sa mga salita ng Diyos ngayon ay nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu, at ang gayong mga tao ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Ang paglilingkod na hiwalay sa kasalukuyang mga pagpapahayag ng Banal na Espiritu ay paglilingkod na mula sa laman, at mula sa mga kuru-kuro, at imposible itong maging alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Kung ang mga tao ay nabubuhay sa gitna ng mga relihiyosong kuru-kuro, wala silang magagawang anuman na ayon sa mga layunin ng Diyos, at bagama’t naglilingkod sila sa Diyos, naglilingkod sila sa kalagitnaan ng kanilang mga guni-guni at mga kuru-kuro, at ganap na walang kakayahan na maglingkod alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Hindi nauunawaan niyaong mga hindi nagagawang sundan ang gawain ng Banal na Espiritu ang mga layunin ng Diyos, at yaong mga hindi nakauunawa sa mga layunin ng Diyos ay hindi maaaring maglingkod sa Diyos. Nais ng Diyos ang paglilingkod na naaayon sa Kanyang mga layunin; ayaw Niya sa paglilingkod na mula sa mga kuru-kuro at sa laman. Kung walang kakayahan ang mga tao na sundan ang mga hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu, sila ay nabubuhay sa gitna ng mga kuru-kuro. Ang paglilingkod ng gayong mga tao ay nakakagambala at nakakagulo, at ang gayong paglilingkod ay sumasalungat sa Diyos. Kaya yaong mga hindi nagagawang sundan ang mga yapak ng Diyos ay walang kakayahan na maglingkod sa Diyos; yaong hindi magawang sundan ang mga yapak ng Diyos ay tiyak na tiyak na kinakalaban ang Diyos, at mga walang kakayahan na maging kaayon ng Diyos. Ang “pagsunod sa gawain ng Banal na Espiritu” ay nangangahulugan ng pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos sa kasalukuyan, ang magawang kumilos alinsunod sa kasalukuyang mga hinihingi ng Diyos, ang magawang magpasakop at sundan ang Diyos sa kasalukuyan, at ang pagpasok alinsunod sa pinakabagong mga pagbigkas ng Diyos. Tanging ito ang isang tao na sumusunod sa gawain ng Banal na Espiritu at nasa daloy ng Banal na Espiritu. Ang gayong mga tao ay hindi lamang may kakayahan na matanggap ang papuri ng Diyos at makita ang Diyos, kundi malalaman din nila ang disposisyon ng Diyos mula sa pinakabagong gawain ng Diyos, at malalaman din ang mga kuru-kuro at pagrerebelde ng tao, at kalikasan at diwa ng tao, mula sa Kanyang pinakabagong gawain; bukod dito, nagagawa nilang unti-unting matamo ang mga pagbabago sa kanilang disposisyon sa panahon ng kanilang paglilingkod. Ang mga tao lamang na kagaya nito ang nagagawang kamtin ang Diyos, at tunay na nakasumpong na sa tunay na daan. Ang mga taong itinitiwalag ng gawain ng Banal na Espiritu ay mga tao na walang kakayahan na sundan ang pinakabagong gawain ng Diyos, at mga naghihimagsik laban sa pinakabagong gawain ng Diyos. Ang gayong mga tao ay hayagang kinakalaban ang Diyos sapagkat ang Diyos ay gumawa ng bagong gawain, at sapagkat ang imahe ng Diyos ay hindi kagaya ng nasa sa kanilang mga kuru-kuro—bilang resulta nito, hayagan nilang kinakalaban ang Diyos at hinuhusgahan ang Diyos, na humahantong na sila ay itaboy ng Diyos. Ang pagtataglay ng kaalaman tungkol sa pinakabagong gawain ng Diyos ay hindi madaling bagay, ngunit kung gusto ng mga tao na magpasakop sa gawain ng Diyos at hangarin ang gawain ng Diyos, magkakaroon sila ng pagkakataon na makita ang Diyos, at magkakaroon ng pagkakataon na kamtin ang pinakabagong paggabay ng Banal na Espiritu. Yaong mga sinasadyang kalabanin ang gawain ng Diyos ay hindi makakatanggap ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu o ng paggabay ng Diyos. Kaya, kung matatanggap man o hindi ng mga tao ang pinakabagong gawain ng Diyos ay nakasalalay sa biyaya ng Diyos, nakasalalay ito sa kanilang paghahangad, at nakasalalay ito sa kanilang mga layunin.
Lahat ng kayang magpasakop kasalukuyang mga pagpapahayag ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Hindi mahalaga kung paano man sila dati, o kung paano gumawa ang Banal na Espiritu sa loob nila dati—yaong mga nagkamit na ng pinakabagong gawain ng Diyos ang mga pinakapinagpala, at yaong hindi nakasusunod sa pinakabagong gawain sa kasalukuyan ay itinitiwalag. Nais ng Diyos yaong kayang tanggapin ang bagong liwanag, at nais Niya yaong tumatanggap at nakakaalam sa Kanyang pinakabagong gawain. Bakit sinasabi na dapat kang maging isang malinis na birhen? Nagagawa ng isang malinis na birhen na hangarin ang gawain ng Banal na Espiritu at maunawaan ang mga bagong bagay, at higit pa rito, nagagawang isantabi ang mga dating kuru-kuro, at magpasakop sa gawain ng Diyos sa kasalukuyan. Ang grupong ito ng mga tao, na tumatanggap sa pinakabagong gawain sa kasalukuyan, ay mga itinalaga ng Diyos bago pa ang mga kapanahunan, at ang mga pinakapinagpala sa lahat ng tao. Naririnig ninyo nang tuwiran ang tinig ng Diyos, at nakikita ang pagpapakita ng Diyos, at kaya, sa kabuuan ng langit at lupa, at sa kabuuan ng mga kapanahunan, walang sinuman ang naging mas pinagpala kaysa sa inyo, ang grupong ito ng mga tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak