24/05/2026
𝗔𝗻𝗴 𝗦𝘂𝘀𝗶 𝗮𝘁 𝗮𝗻𝗴 𝗞𝗮𝗻𝗱𝗮𝗱𝗼
𝙣𝙞 𝙂𝙧𝙖𝙘𝙚 𝘽𝙚𝙧𝙣𝙖𝙧𝙙𝙤
Naranasan mo na bang pumasok sa sarili mong bahay,
kabisado ang bawat sulok, ang pinto, ng yong balay?
Araw-araw sinususi ang kandado,
Pumapasok, lalabas, susubok, pikit-mata mong ginagawa ito.
Naging routine na lang ang lahat, naging isang mekanikal na kilos,
Nakalimutan na kung bakit mo binuo ang bahay na kaloob ng Diyos.
At isang araw, laking gulat nang ang pinto ay ayaw nang bumukas,
Hindi dahil nawala ang susi, o dahil ang pinto ay kumupas.
Kundi dahil sa katagalan, ang kandado pala ay kinalawang na sa loob—
Sa sobrang sanay natin na nariyan lang ito, hindi natin napansin ang unti-unting pagpundi ng alab sa loob.
Kun ang bawat sarili sa tapat na usapan,
Minsan o kadalasan, ganito ang nagiging pamamaraan.
Nagsisimula ito sa mga simpleng gabi na ang katawan natin ay pagod,
Sa mga araw na sa bigat ng mundo, ang isip natin ang siyang nalulunod.
Mas madali nang titigan ang screen ng cellphone bago pumikit,
Kaysa sa tahimik na panalangin, ang puso natin ay ilapit.
Ang Bibliya sa tabi ng k**a, dahan-dahang nauusod sa sulok,
Habang ang ugnayan natin sa Kanya, unti-unti nang pinamamahayan ng alikabok.
Nakakatakot palang isipin na pwede tayong lumamig nang tuluyan,
Hindi dahil masama tayong tao, kundi dahil naging abala tayo sa daan.
At tila magtatanghal tuwing darating ang Linggo,
Naka-bihis nang maayos, nakataas ang k**ay, kunwari ay walang gulo.
Sumasabay sa bawat kanta, kabisado kung kailan mag-a-amen ang bibig,
Pero sa loob-loob natin, may bahagi nating tuyo at walang naririnig.
Ginagawang lisensya ang pag-ibig Niya para maging kampante sa pwesto,
Dahil maayos naman ang buhay, may trabaho, at mukha namang wasto.
Pero kapag tinanggal ang ingay ng paligid at ang ating mga kanta,
Sino ba talaga ang sinasamba natin kapag wala nang nakakakita?
Ang regalo ba Niya ang minahal natin nang higit pa sa Nagbigay?
Nakalimutan ba natin ang Kanyang mukha sa gitna ng ating tagumpay?
ang piyesang ito ay hindi paratang, at hindi isang paghatol,
Ito ay paalala sa ating lahat na sa mundo ay patuloy na naghahabol.
Hindi ka nag-iisa kung pakiramdam mo ay malayo ang Iyong puso,
Dahil tayong lahat—ang buong bayan Niya—ay madalas ding magbago ang tibok at kuro.
Ngayong araw, sabay-sabay nating itapon ang ating mga maskara,
Pagod na tayong magpanggap na maayos ang lahat sa Kanyang mukha.
Heto ang ating mga puso... maging ang sa akin—marupok at mabilis makalimot sa nagdaan,
Ibalik Niyang muli ang dating init sa gitna ng kawalan.
Salamat dahil sa kabila ng ating paulit-ulit na paglimot at paglayo,
Ang Diyos ay tapat pa. rin, naghihintay, at hindi kailanman sumusuko.