03/04/2026
https://m.facebook.com/story.php?story_fbid=1381346997354965&id=100064390341426
Board of Church and Society
Philippines Regional Conference
The United Methodist Church
Abril 3, 2026
𝗣𝗮𝗵𝗮𝘆𝗮𝗴 𝗛𝗶𝗻𝗴𝗴𝗶𝗹 𝘀𝗮 𝗗𝗶𝗴𝗺𝗮𝗮𝗻 𝘀𝗮 𝗞𝗮𝗻𝗹𝘂𝗿𝗮𝗻𝗴 𝗔𝘀𝘆𝗮
Ang Philippines Regional Conference – Board of Church and Society ng The United Methodist Church ay kinukundena ang digmaan sa Kanlurang Asya (aka Middle East) na nagbuwis at patuloy na nagbubuwis ng maraming buhay. Ang paunang pag-atake ng US at Israel ay naging mitsa ng paglawak ng kaguluhan sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon. Ito ngayon ay nagdulot ng pagtaas ng presyo ng langis na nagkaroon ng matinding epekto sa kabuhayan ng marami kabilang ang karaniwang mamamayang Pilipino. Nakikiisang damdamin ang Board sa sambayanan na direktang naaapektuhan ng dagok na dulot ng mga pambobomba at banta ng patuloy na paglawak ng mga labanan.
Nagdulot ng “oil price shock” ang digmaan. Mula nang nagsimula ang labanan noong Pebroro 28, 2026 naging mahigit doble na ang presyo ng mga produktong petrolyo sa Pilipinas na nagdulot ng panibagong hamon sa pagdaloy ng pangunahing bilihin mula sa kanayunan at ibang bansa patungo sa mga pampublikong pamilihan. Unang tinamaan ng implasyon sa krudo at gasolina ang mga operator at drayber ng pampublikong sasakyan kasma ang mga TNVS at delivery riders.
Ayon sa Panlipunang Prinsipyo ng The United Methodist Church, “Kinasusuklaman ng simbahan ang giyera at lahat ng porma ng marahas na paglalaban-laban…” (BOD ¶163). Tinuturing din ang digmaan bilang isa sa dahilan ng kahirapan (BOD ¶161).
Ang pagpasok ni Hesus sa Herusalem, lulan ng payak at maliit na a**o – hindi ng magara at matikas na kabayong pandigma (Mateo 21), ay nagpapakita ng kababaan, pagkiling sa mga aba at dusta ng lipunan hindi ng mapanirang lakas laban sa mahina at mga nasa laylayan ng lipunan.
Sa gitna ng krisis, ang Board ay hinihimok ang pamahalaan na,
• Manawagan sa US at Israel na itigil ang mga pag-atake at sa Iran na maging bukas sa usapang pangkapayapaan;
• Tanggalin lahat ng EDCA sites sa bansa dahil nilalagay nito ang Pilipinas sa gitna ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Tsina;
• Ibasura ang excise tax at value-added tax sa lahat ng produktong petrolyo upang makapagbigay ng minimum at agarang ginhawa sa industriya ng transportasyon, enerhiya at logistics;
• Ibasura ang oil deregulation law (RA 8479), i-rollback ang presyo ng langis at tuluyang isabansa ang industriya ng petrolyo; at
• Itaas at gawing nakabubuhay ang sweldo ng karaniwang manggagawa.
Nananawagan din ang Board sa mga mananampalataya na ipanalangin at gumawa ng daan tungo sa kapayapaan.
Nilagdaan:
PASTOR THAAD KOLIN A. SAMSON
Chairperson, PCC BCS
REV. GLOFIE G BALUNTONG
Executive Director, PCC BCS
BISHOP ISRAEL M. PAINIT
Bishop Assigned to PCC BCS
PDF Copy: https://1drv.ms/b/c/b06a7c7170b9f2a5/IQCOI_l0a4kFSoa924ML3kLAAe2Z7PMrMG8bSZT1GTl5CTI?e=uOXUwa.