31/03/2026
Lumaki ako sa loob ng Simbahan na hindi perpekto, hindi rin laging nauunawaan ang lahat, pero naroon ang mga dasal ng nanay ko, ang pag iyak ko sa gitna ng Misa, at ang pakiramdam na may Diyos na totoo at malapit.
Pero dumating ang panahon na nagsimula akong magtanong.
“Bakit ganito?”
“Bakit parang may mga mali?”
“Bakit parang mas malinaw ang iba?”
At hindi ako nagsinungaling sa sarili ko, lumayo ako. Unti unti kong binitawan ang nakasanayan. Hindi biglaan. Dahan dahan. Hanggang sa isang araw, hindi na ako bumabalik. Nakinig ako sa iba, may mga nagsabing hindi raw totoo ang Simbahan, na gawa lang daw ito ng tao, na dapat diretso na lang sa Diyos, walang tradisyon, walang “ritwal.”
Sa totoo lang, gumaan sa pakiramdam noong una. Parang wala nang obligasyon. Parang mas simple. Pero habang tumatagal, may kulang.
Nagbabasa ako ng Bibliya, oo. Pero bakit iba iba ang paliwanag ng bawat isa? Sino ang tama? Ako ba? Sila ba?
Hanggang sa isang gabi, napaupo lang ako at napaisip. Kung si Hesus ay tunay na Diyos, kung Siya ay nagkatawang tao, kung Siya ay nagturo, pumili ng mga Apostol, at nagtatag ng isang Iglesya, Bakit ko iisipin na hinayaan Niya itong mawala?
Naalala ko ang sinabi Niya:
“Ako’y sumasainyo hanggang sa katapusan ng panahon.”
Hindi “hanggang sa maligaw ang tao.”
Hindi “hanggang sa magkaroon ng maraming interpretasyon.”
Hanggang sa katapusan.
At doon ako tinamaan.
Kung may Iglesyang itinatag si Hesus, isa, may awtoridad, may pagpapatuloy, hindi ito dapat nawawala sa kasaysayan. Hindi ito dapat biglang lilitaw lang pagkatapos ng daan daang taon.
At kahit pilit kong iniiwasan, bumabalik ako sa parehong katotohanan:
Ang Simbahang Katolika na iniwan ko ang may tuloy tuloy na ugat. May kasaysayan. May bakas ng mga Apostol. May parehong Misa, ang parehong paghahandog, ang parehong pananampalataya sa presensya ni Kristo.
Hindi perpekto ang mga tao dito, pero hindi naman kailanman nangako si Hesus ng perpektong tao. Nangako Siya ng Iglesyang hindi mananaig ang kasamaan.
At doon ako nadurog.
Kasi hindi lang pala ako “umalis sa isang organisasyon.”
Umalis ako sa tahanan.
Naalala ko ang alibughang anak. Ilang beses ko yun narinig noon. Pero ngayon ko lang naintindihan.
Ako yun.
Hindi ako itinaboy.
Ako ang lumayo.
At ang masakit, habang akala ko hinahanap ko ang katotohanan, ang totoo, tinatalikuran ko na pala ang mismong pinagmulan nito.
Kaya bumalik ako.
Hindi dahil wala na akong tanong, meron pa rin.
Hindi dahil perpekto na ako, malayo pa.
Bumalik ako kasi nakita ko kung saan ako unang tinawag. Kung saan buhay ang presensya ni Kristo, hindi lang sa salita, kundi sa Sakramento.
Kung saan ang pananampalataya ay hindi gawa gawa, kundi minana mula pa sa mga Apostol. (Basahin ang Mateo 16:15-21 at Efeso 2:19-20)
At kung ikaw man ay tulad ko, lumayo, nagtanong, nasaktan, nalito, hindi kita huhusgahan.
Pero ito ang masasabi ko, mula sa puso ko, Hindi mo kailangang manatiling malayo.
Ang Iglesyang itinatag ni Hesus ay hindi nagsara ng pinto. Hindi ito nagbago ng pagkakakilanlan.
Hindi ito nawala.
Nandito pa rin.
At tulad ng Ama sa kuwento, hinihintay ka.
Hindi para pagalitan, kundi para yakapin ka pabalik. ❤️