15/08/2024
Agosto 15 | Paggunita Kay San Tarcisio, Martir
Ngayong araw ating rin ginugunita ang Kapistahan ni San Tarcisio, Martir, Patron ng mga Lingkod ng Dambana.
Panalangin Kay San Tarcisio
O Kabanal-banalang San Tarcisio, martir at marubdob na umiibig sa Banal na Eukaristiya, na sa pamamagitan ng iyong malalim na Pananampalataya ay hindi ka nag-alinlangan upang dalhin ang Santisimo Sakramento. Hindi mo inalintana ang panganib, pinanindigan mo ang iyong pinananampalatayanan at buong tapang mong inialay ang iyong buhay upang maging sanggalang sa Katawan ni Kristo na tunay na naroroon sa Banal na Sakramento. Bilang pabuya, minarapat na ikaw ay makaisa ng Panginoong Eukaristiko. Sapagkat ang Ostiya na iyong ipinagtanggol kapalit ng iyong buhay ay hindi nasumpungan sa iyo mang kamay o sa iyong damit bagkus ito’y naging laman ng iyong laman, na bumuo ng walang batik na Ostiyang inihahandog sa Diyos.
Ipanalangin mo kami na sa iyong halimbawa ay magkaroon kami ng katapangan at malalim na pananampalataya. Nawa ay palagi naming mabatid kung gaano kahalaga ang Banal na Eukaristiya at nang ito ay aming tanggapin ng buong pagmamahal at paggalang.
Ipamagitan mo kami, O batang-martir ng Eukaristiya upang makamit namin ang grasyang lubha naming kinakailangan at kasagutan sa aming mga kahilingan. Higit sa lahat, San Tarcisio, ipanalangin mo kami. Nawa ay matularan naming ang iyong halimbawa upang maipagtanggol ang karangalan ng Banal na Sakramento sa buo naming buhay at maging sa aming kamatayan. Amen.
San Tarcisio, Martir, Ipanalangin mo kami!