11/02/2026
IKAPITONG ARAW NG NOBENARYO ALAY KAY SANTA MARTA PINTAKASI NG BAYAN NG SANTA CRUZ LAGUNA
DALIT
(nakatayo)
Sa dusa't dilang hilahil,
at sakunang sapin-sapin,
Martang Pintakasi namin,
Kami'y iyong idalangin.
Sa Pagsuyo mong mataman,
at sa buong kasipagan,
sa Mananakop ng tanan,
ay totoo kang kinalugda't
inampong walang kahambing
nitong Panginoon natin.
Martang Pintakasi namin,
Kami'y iyong idalangin.
Dinalaw Niyang madalas
Yaong bahay mong mapalad
At doo'y iyong tinanggap
Biyayang di hamak-hamak,
Si Lazaro'y binuhay rin
Apat na araw nang nilibing
Martang Pintakasi namin,
Kami'y iyong idalangin.
Sa Kamatayang darating
na tantong kalagimlagim
Martang Pintakasi namin,
Kami'y iyong idalangin.
N/ Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.
B/ Amen.
PAGSISISI
(nakaluhod)
Kataas-taasang Panginoon at lubhang mahabagin naming Mananakop, na sa walang makahalimbawa at di malirip na pagsinta po ng Iyong puso sa aminay nagkatawang-tao Ka at nagtiis ng kakiakilabot at lalong nababangis na mga kahirapan at karuwahaginan noong Ikaw po'y nabubuhay, lalong lalo nasa panahon ng walang kapantay Mong pagpapasakit at pagkamatay sa kalait-lait na Krus. Alang-alang po dito sa kamahal-mahalan Mo pong pasyon at kamatayan ay ipinagmamakaawa ko po sa Iyo na kahabagan at patawarin Mo po itong maralitangmaksalanan na sa kaibuturan ng puso, at sa buong kapakumbabaan at paghihinagpis, ay nagsisisi na po't ikinalulumbay na masakit ang di mamagkanong pagkakasala at kalagimlagim na kapalamarahangginawa sa walang hanggan Mong kamahalan na niluluhuran sisamba't iginagalang ng buong kinapal sa langit at lupa.
Patawarin Mo nga po ako, katamis-tamisan mong Hesus, alang-alang naman sa mga sakit na dinamdam ng kalinislinisan Mo pong Ina, sa mga dakilang karapatan ng lubhang maluwalhating
San Jose, at ng Iyong lingkod na si Marta. Tuloy pinagtitkahan ko pong matibay na di na po Kita pagkakasalahan sa tulong ng Iyong mahal na grasya
Amen.
PANALANGIN SA ARAW-ARAW
O Mapalad na Santa Marta, ang iyong pananampalataya ang nagudyok upang iaphayag ni Hesus, "Ako ang muling pagkabuhay;" at pananampalataya rin ang umakay sa iyo upang kilalanin si Hesus
hindi lang bilang isang tao nang iyong ipahayag, "Kayo po ang Anak ng Diyos, ang Mesias." Taglay ang matibay na pagasa, winika mo,"nalalaman kong kahit ngayo'y ibibigay sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya," at tinawag ni Hesus ang kapatid mong si Lazaro mula sa mga patay. Taglay ang dalisay na pag-ibig kay Hesus, tinanggap mo siya sa iyong tahanan.
Kaibigan at lingkod ng Panginoon, ako rin ay"naliligalig sa maraming bagay" (banggitin dito ang kahilingan), Ipanalangin mo ako upang ako ay lumago sa pananampalataya, pag-asa at pag-ibig upang si Hesus, na dumulog sa iyong hapag, ay makinig sa akin, at magkaloob ng isang lugar para sa akin sa piging ng buhay na walang hanggan.
Amen.
MABUTING BALITA
(nakatayo)
Juan 11: 38 - 41
Ang Mabuting Balita ng Panginoon Ayon kay Juan
R/ Papuri sa Iyo, Panginoon.
Muling napahimutok si Hesus pagdating sa libigan. Ito'y yungib na natatakpan ng isang bato. "Alisin ninyo ang bato," sabi ni Hesus. Sumagot si Marta, "Panginoon, nangangamoy na po siya ngayon; apat na araw na siyang patay." Sinabi ni Hesus, "Hindi ba sinabi ko na sa iyo na kung mananalig ka sa akin ay makikita mo kung gaano kadakila ang Diyos?" At inalis nila ang bato. Tumingala si Hesus at ang wika, "Ama, nagpapasalamat ako sa iyo, sapagkat dininig mo ako. Alam kong lagi mo akong dinirinig. Ngunit sinabi ko ito dahil sa mga taong nasa paligid ko, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin." Pagkasabi nito, sumigaw siya, "Lazaro, lumabas ka!"
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
R/ Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.
PAGNINILAY
Mauupo para sa sandaling katahimikan. Pagkaraan ay babasahin ang isang pagninilay
Ang Kalinisan
Isa sa mga lalong marilag at kaayaayang kabanalan, na totoong kinalulugdan ng Diyos, at ng mga anghel at mga banal, ay ang kalinisan. Dahil dito, ang kalinisan ay tinatawag na kabanalang anghel, maningning na perlas, marikit na lirio at iba pa. Dapat nating matalastas na ang sinumang may kaunting dungis ay hindi tinatanggap doon sa sakdal ng linis at kapalad-palarang kaharian ng Diyos. "Kung ang lahat ng dungis ng kasalanan ay paglulupitan ng kamahalan niyang walang hanggan, ay lalo pa man din ang sa kahalayan." Kaya nga, sa pahayag ni Hesukristo na mapapalad ang malinis na loob, at sila'y manonood sa Diyos, ay mapaghuhulo natin na ang marurumi at mahahalay na loob ay hindi papagkamtan ng di masayod na kapalarang langit. Ang kalinisan ng loob ay ipinag-uutos ni Hesukristo sa lahat ng tao. Datapuwa't ang pag-iingat ng pagka-birhen ay tangi lamang sa mga hirang na kaluluwa, kagaya ni Maria Santisima at ng karamihan sa mga birheng nagsisunod sa kalinis-linisang Reyna. Isa na rito si Santa Maria, na sa pagkarinig ng mga kaaya-ayang pagpupuri ng mahal nating Panginoon dito sa kagila-gilalas at kalugod-lugod na kabanalan ng pagkabirhen ay nagtika nang ito ay pag ingatan magpakailanman. Tinika niyang siya'y hindi tatanggap ng ibang esposo maliban kay Hesukristo, ang kalinis-linisang esposo ng mga birhen. Ginanap nga niya ang banal na tikang ito, tinalikdan niya ang makamandag at magdarayang layaw at kaaliwan ng mundo na walang naibibigay kundi kabalisahan at pangingilabot ng diwa at sa katapusan pa'y hirap na walang katapusan. Ang hinarap niya ay ang banal na katahimikan, pag iisa't pagligpit ng lalong taimtim ang kanyang panalangin, pagbasa ng mga mahal na kasulatan, at ng iba pang mga kabanal-banalang kinakailangan sa pag-iingat ng kalinisan.
PANALANGIN
(nakaluhod)
Saklolohan mo nga kami, mapagpalang Santa Marta, upang magtagumpay sa marurungis naming kaaway, na walang pinagpipilitan kundi ang mapahamak ang aming kaluluwa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga lisyang hilig ng katawan. Loobin mo namang manatili kaming matibay sa pakikipaglaban sa kanyang mga tukso at daya. Idalangin mo kami at ihingi ng biyaya upang maingatan namin ayon sa aming kalagayan, ang isang malinis at banal na pamumuhay, na maghahandog sa amin ng wagas na kaligayahan. at kapayapaan ng loob. Gayon din ng dakilang pag-asa sa awa't pag-aampon ni Hesus at ni Maria habang kami'y nabubuhay, at lalong lalo po sa oras ng kamatayan. Amen.
Magdarasal ng tatlong Ama Namin, tatlong Aba Ginoong Maria, at tatlong Luwalhati na maipatutungkol sa mga kaluluwa sa Purgatoryo.
Ipagmakaawa natin sa Banal na Santatlo, sa pamamagitan ni Santa Marta, ang ninanasa nating makamtan sa pagsisiyam na ito. Sa loob ng pagsisiyam ay pagsumikapang makapagkumpisal at makapakinabang ng buong katimtiman ng loob.
PANALANGIN SA MAHAL NA BIRHEN
Kalinis-linisang Birheng Maria, lubhang dakilang Reyna ng mga Anghel at Banal, at kamahal-mahalang Ina ng Diyos, marapatin mo pong tunghayan ng mga mata mong maawain kaming mga maralita't kahabag-habag na makasalanan. Kami po'y buong kapakumbabaan at matibay na nananalig sa pagsasakdal sa lilim ng walang makahalimbawa mong kagalingan at pag-aampon. Natatalastas mo po, Inang lubhang mapagpala, na kami'y laging nalilibot ng di mabilang na mga kapanganibang sukat ikapahamak ng aming kaluluwa't katawan. Saklolohan mo nga kami't ipagtanggol hanggang sa malipat sa panatag na bayan ng dalisay na kaligayahan.
Kahabagan mo naman at papagbaliking loob ang mga di-binyagan, mga erehe't lahat nag nasisinsay sa daan ng pagpapakagaling. Ipamagitan mo sa Diyos upang ipagkaloob sa kanila ang grasya ng tunay na pagsisisi; sa mga banal ay ang pagkasulong sa paglilingkod sa Diyos, at ang banal na pananatili; sa mga naghihingalo'y ang magandang kamatayan; at sa mga kaluluwa sa purgatoryo'y ang pagpapahingalay na walang hanggang, nang kung ang lahat po'y maglingkod nang buong kababaang-loob sa kamahal-mahalan mong Anak at makinabang sa kanyang Pasyon at kamatayan, na tiniis ng lubhang masintahin niyang puso upang mapagaling lamang ang aming kaluluwa.
Ibigin nawa sa lahat ng dako ang Kamahal-mahalang Puso ni Hesus.
Matamis na Puso ni Maria, ikaw nawa ang maging kagalingan ko. Amen.
PAGWAWAKAS
(nakatayo)
Santa Marta, kami ay nagsasaya,
awit ng pagdiriwang sa iyo'y iniaalay,
Rosas ng Pateros,ikaw ay pag-ibig
pag-asa ka namin, ng gabay na nananalig.
pag-asa ka namin, ng gabay na nananalig.
N/ Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.
B/ Amen.