12/01/2026
MARTES PAGDEDEBOSYON KAY SANTA MARTA
PAMPALAGIAN PANALANGIN KAY SANTA MARTA
(Tuwing araw ng Martes)
O Diyos na makapangyarihan, dahil sa dakila mong pagmamahal sa sangkatauhan nakipamuhay sa amin. Natagpuan niya sa iyong lingkod na si Santa Marta ang walang pasubaling pagtanggap sa kanyang tahanan nang may masiglang paglilingkod at galak sa pakikipagkaibigan.
Nawa ay maging laging bukas ang aming puso sa pagtanggap sa iyong Anak na si Hesus na ang nais ay ang pakikinig sa kanyang Salitang nagbibigay buhay at tinawag na pinagpala ang lahat ng nagsasabuhay nito.
Sa halimbawa ng ulirang panananalig ni Santa Marta, ay maging buo ang loob namin na ipahayag na si Hesus ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos, ang aming Buhay at Muling Pagkabuhay.
Pakumbabang iniluluhog namin na ibuhos mo ang Iyong masaganang pagpapala sa amin na nakaka-alaala sa malalim na pag-ibig at pananampalataya na ipinakita ni Santa Marta sa iyong Anak. Alang-alang sa mga panalangin ni Santa Marta ay ipagkaloob mo ang aking kahilingan (banggitin ang kahilingan) kung ito ay para sa kagalingan ko at kaluwalhatian mo.
At sa wakas ng aming paglalakbay dito sa lupa, ay masapit nawa ang tahanang inihanda ni Hesus para sa amin sa langit at mamalas ang iyong kaluwalhatian kasama ng lahat ng mga banal at ng lingkod mong si Santa Marta.
Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen!
Martang pintakasi namin, kami'y iyong idalangin.