19/09/2021
Setyembre 20, 2021
Paggunita Paggunita kina San Andres Kim Taegon, Pari at Martir,
San Pablo Chong Hasang, at mga kasama, mga Martir
LUNES ng Ika-25 na Linggo sa Karaniwang Panahon
✝️ MGA PAGBASA SA MISA
🙏 Unang Pagbasa:
ESDRAS 1:1-6
Ang simula ng aklat ni Esdras
Nang unang taon ng pamamahala ni Haring Ciro ng Persia, nilukuban siya ng Espiritu ng Panginoon. Nangyari ito upang matupad ang kanyang salita sa pamamagitan ni Propeta Jeremias. Kaya, si Haring Ciro ay sumulat ng ganito:
“Niloob ng Panginoon, ng Diyos ang Kalangitan, na masakop ko ang lahat ng bansa sa daigdig. At sinabi niya sa aking ipagtayo ko siya ng isang templo sa Jerusalem, Juda. Kaya pinahihintulutan ko ang lahat ng Israelita ng magpunta sa Jerusalem, ang bayan ng kanilang Diyos, upang itayong muli ang bahay ng Panginoon. Pagpalain nawa sila ng Diyos. Lahat ng mamamayan sa lugar na may Israelita ay tutulong sa kanila. Bigyan sila ng mga pilak, ginto at iba pang kailangan, tulad ng mga hayop at mamahaling kasangkapan, bukod sa kusang handog para sa templo ng Panginoon.”
Tumugon naman sa panawagang iyon ang mga puno ng sambahayan ng mga lipi nina Juda at Benjamin, ang mga saserdote at mga Levita, at lahat ng napukaw ang kalooban upang tumulong sa muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem. At sila’y tinulungan ng mga mamamayan sa lupaing tinitirhan nila. Binigyan sila ng mga pilak at ginto. Binigyan din sila ng hayop at mamahaling kasangkapan, bukod sa kusang handog nila.
🙏Salmo Responsorio:
SALMO 126:1-6
:
GAWA NG D'YOS AY DAKILA
KAYA TAYO'Y NATUTUWA.
Nang lingapin tayo ng Diyos at sa Sion ay ibalik,
Ang nangyaring kasaysaya’y parang isang panaginip.
Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit.
:
GAWA NG D'YOS AY DAKILA
KAYA TAYO'Y NATUTUWA.
Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid,
“Ang ginawa ng Diyos nila ay dakila, anong rikit!”
Dakila ngang masasabi, pambihira ang ginawa,
Kaya naman kami ngayon, kagalaka’y di kawasa!
:
GAWA NG D'YOS AY DAKILA
KAYA TAYO'Y NATUTUWA.
Kung paanong inuulan yaong mga tuyong batis,
Sa sariling bayan namin, kami, P**n, ay ibalik.
Silang mga nagbubukid na nagtanim na may luha,
Bayaan mo na mag-aning masasaya’t natutuwa.
:
GAWA NG D'YOS AY DAKILA
KAYA TAYO'Y NATUTUWA.
Yaong mga nagsihayong dala’y binhi’t nananangis,
Ay aawit na may galak, dala’y ani pagbalik!
🙏 Aleluya
MATEO 5:16
Aleluya! Aleluya!
Dapat kayong magliwanag
nang kabutiha’y mahayag
at D’yos ang s’yang matanyag.
Aleluya! Aleluya!
✝️ Mabuting Balita
LUCAS 8:16-18
Ang Mabuting Balita ng ating Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakluban ng banga o ilalagay kaya sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay ito sa talagang patungan upang makita ng mga pumapasok ang liwanag. Walang natatago na di malalantad, at walang lihim na di malalaman at mabubunyag.
Kaya pagbutihin ninyo ang inyong pakikinig; sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala ay aalisan pati ng inaakala niya nasa kanya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
🙏PANALANGIN NG BAYAN🙏
Manalangin tayo sa Diyos Ama upang magdulot sa lahat ng pag-asa at kapayapaan ang liwanag ng kanyang Anak na si Jesu-kristo.
:
PANGINOON, DINGGIN MO ANG AMING PANALANGIN.
o kaya
LUWALHATIIN KA NAWA NG AMING BUHAY, O PANGINOON.
Ang Bayan ng Diyos nawa’y maging isang tulad ng dakilang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman sa pamamagitan ng kanilang pagtatatag ng isang higit na mabuting daigdig. Manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng ating bansa nawa’y makapagdala ng sinag ng pag-asa sa mga nagdurusa sa pamamagitan ng pagbibigay ng katarungan sa mga inaapi at dangal sa bawat tao. Manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magulang nawa’y maging tulad ng liwanag sa taluktok ng bundok na gumagabay sa kanilang mga anak sa pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang huwarang buhay. Manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit, ang mga nalulumbay, at ang mga may pusong sawi nawa’y matagpuan ang liwanag ni Kristo sa gitna ng kanilang pagdurusa. Manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y tumanggap ng walang hanggang liwanag, kaligayahan, at kapahingahan. Manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos Ama, bigyan mo kami ng bagong kamulatan at kalakasan upang aming maitalaga ang paglilingkod namin sa kapwa at maging ilawan kaming nagliliwanag sa kanila. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
🙏 ORATIO IMPERATA COVID-19
(Revised January 2021)
Mahabagin at mapagmahal na Ama, nagsusumamo kami sa iyo upang hilingin ang iyong patnubay laban sa Covid-19 na nagpapahirap sa marami at kumitil na ng mga buhay.
Tunghayan mo kami nang may pagmamahal at ipag-adya kami ng inyong mapaghilom na kamay mula sa takot sa kamatayan at karamdaman, itaguyod mo kami sa pag-asa at patatagin sa pananampalataya.
Gabayan mo ang mga dalubhasang naatasan na tumuklas ng mga lunas at paraan upang ihinto ang paglaganap nito.
Nagpapasalamat kami sa mga bakunang naisulong sa patnubay ng iyong mga kamay.
Pagpalain mo ang aming mga pagsisikap na mawakasan ng mga bakuna ang pandemya sa aming bayan.
Patnubayan mo ang mga lumilingap sa maysakit upang ang kanilang pagkalinga ay malakipan ng husay at malasakit.
Pagkalooban mo sila ng kalusugan sa isip at katawan, katatagan sa kanilang paninindigang maglingkod at ipagsanggalang sa karamdaman.
Itinataas namin ang mga nagdurusa. Makamtan nawa nila ang mabuting kalusugan. Lingapin mo rin ang mga kumakalinga sa kanila. Pagkamitin mo ng kapayapaang walang hanggan ang mga pumanaw na.
Pagkalooban mo kami ng biyaya na magtulong tulong tungo sa ikabubuti ng lahat. Pukawin sa amin ang pagmamalasakit sa mga nangangailangan. Sa pagdamay at malasakit namin sa bawat isa, malampasan nawa namin ang krisis na ito at lumago sa kabanalan at pagbabalik loob sa iyo.
Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesukristo na nabubuhay at naghaharing kasama mo at ng Espiritu Santo, Diyos, magpasawalang hanggan. Amen.
Dumudulog kami sa iyong patnubay, Mahal na Ina ng Diyos. Pakinggan mo ang aming mga kahilingan sa aming pangangailangan at ipagadya mo kami sa lahat ng kasamaan, maluwalhati at pinagpalang Birhen. Amen.
Mahal na Birhen, mapagpagaling sa maysakit, ipanalangin mo po kami.
San Jose, ipanalangin mo po kami.
San Rafael Arkanghel, ipanalangin mo po kami.
San Roque, ipanalangin mo po kami.
San Lorenzo Ruiz, ipanalangin mo po kami.
San Pedro Calungsod, ipanalangin mo po kami.
PANGINOON, DINGGIN MO PO ANG AMING PANALANGIN🙏
Ingatan nawa tayong lahat ng Panginoon🙏🙏