16/08/2022
MALIGAYANG KAPISTAHAN AMA SAN ROQUE!
TALAMBUHAY NI SAN ROQUE
Kapistahan (Agosto 16,)
Si San Roque ay anak ng isang Gobernador sa Montpellier, sa bansang Francia. Siya ay naulila sa kanyang ama sa edad na labingdalawa, at sa kanyang ina naman sa edad na dalawampu. Sinasabing si San Roque ay hiningi ng kanyang mga magulang sa Mahal na Birhen at noong ito'y ipinanganak ay nakita ang isang krus na mapula sa kanyang dibdib na ikinahula ng mga kabanalang gagawin niya. Noong maulila siya sa kanyang mga magulang, ang lahat ng kanyang kayamanan ay kanyang ipinamahagi ng lihim sa mga mahihirap. Nagdamit siyang pang- peregrino at naglakbay patungong Roma. Sa lahat ng bayang nadadaanan niya ay may salot na pumupuksa sa mga tao, kaya't siya'y nanggagamot sa pamamagitan ng pag-kukrus sa mga may-sakit at sila'y gumagaling. Sa Roma, siya'y nakahalik sa mga paa ng Papa Benedicto XI. Sa bayan ng Placencia, sinubok siya ng Diyos. Nahawa si San Roque sa salot at ipinatapon siya sa gubat. Doon ay hindi siya pinabayaan ng Diyos. May nagdadala kay San Roque ng tinapay at ang nagdadala nito ay isang A*o. Noong gumaling si San Roque, siya ay bumalik sa sarili niyang bayan ngunit hindi siya nakilala ninuman at inakusahan pang espiya ng kanilang kaaway. Hinatulan siyang mabilanggo habang-buhay ng kanya mismo tiyuhin. Namatay si San Roque noong Agosto 16, 1327 at nakita ang isang tablang kinasusulatan nito: " Los que fueron heridos de peste, e implorarem al favor de Roque alcanzaran su salud " na ang kahulugan ay "Kung sino mang tumawag sa aking aliping si Roque ay ipag-aadya ko laban sa salot, alang-alang sa kanya." Siya ang Pintakasi laban sa mga salot at mga sakit na nakakahawa.
San Roque, ipanalangin mo kami.