31/05/2026
Ngayong araw, ginugunita natin ang ika-9 na anibersaryo ng Pontifical Coronation ng Mahal na Birhen ng Bayang San Mateo — Nuestra Señora de Aranzazu, na ginanap noong Mayo 31, 2017.
Sa ngalan ni Kaniyang Kabanalan Papa Francisco, ipinagkaloob ang koronang ginto sa ating Mahal na Ina sa pamamagitan ng Kanyang Kabunyian, Orlando Cardinal Quevedo, OMI. Ang dakilang pagkilalang ito mula sa Simbahang Katolika ay tanda ng pagkilala sa mahigit tatlong siglo ng matatag at masiglang debosyon ng mga tiga San Mateo sa Mahal na Birhen ng Aranzazu.
Higit pa sa isang makasaysayang seremonya, ang Pontifical Coronation ay nananatiling buhay na paalala ng pananampalatayang ipinamana ng ating mga ninuno, ng walang sawang pagtitiwala ng bayan sa mapagkalingang Ina ng Aranzazu, at ng biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa ating pamayanan sa pamamagitan Niya.
Sa paglipas ng siyam na taon, patuloy nating nasasaksihan ang kanyang paggabay at pagkalinga sa ating mga pamilya, sa ating parokya, at sa buong sambayanan. Nawa’y manatili tayong tapat sa ating debosyon at patuloy na lumago sa pag-ibig sa Diyos sa ilalim ng kanyang maka-inang pag-aaruga.
Nuestra Señora de Aranzazu, ipanalangin mo kami.
Ave! Ave! Viva la Virgen!