04/06/2026
PANALANGIN PARA SA STO. CRISTO
Panginoong Hesus, habang pinagmamasdan Kita, nakikita ko ang Iyong mga paa't kamay na nakapako sa krus, ang Iyong tagilirang buong lupit na tinuhog, at ang Iyong katawang nakabayubay at wala nang buhay. Ang puso ko'y puno ng habag sa Iyong pagdurusa at kalungkutan dahil sa aking mga sala at sa pagkakasala ng buong mundo na nagbigay sa Iyo ng hirap at dusa. Kasama ni Birheng Maria na buong tapang na nakatayo sa paanan ng Krus, at ang Iyong mahal na disipulo, tulutan Mong makapiling Kita ng ilang sandali.
Mangusap Ka sa kaibuturan ng aking puso upang maunawaan ko ang Iyong walang hanggang pagmamahal na humahantong sa Krus at upang makainom sa bukal ng buhay na dumadaloy mula dito.
(Tumahimik Sandali)
Mahal na Santo Cristo, nawa'y matanto namin ang kahulugan ng Krus sa aming buhay. Bigyan Mo kami ng lakas at diwa upang mapasan namin ito ng buong tiwala, pag-asa at pagmamahal. Amen!