02/03/2026
Unti-unti nang nagiging patok ang mga bundok sa lalawigan ng Batangas para sa mga naghahanap ng adventure at pahinga mula sa abalang pamumuhay. Bukod sa Mount Batulao at sa tinaguriang Nasugbu Trilogy sa kanlurang bahagi ng probinsya, gumagawa rin ngayon ng ingay ang Mt. Sinilipang Araw sa silangang Batangas. Matatagpuan ito sa Barangay Pulangbato, San Juan, at unti-unti nang nakikilala sa hiking community bilang bagong destinasyon para sa mga nais magmuni-muni at “hanapin ang sarili.”
Dahil dito, agad itong naisama sa bucket list ng maraming outdoor enthusiasts bilang isa sa mga panibagong bundok na dapat akyatin ngayong 2026. Sa tuktok ng Mt. Sinilipang Araw, sasalubong sa mga umaakyat ang halos 360-degree na tanawin ng buong San Juan—mula sa mga baybayin hanggang sa kabundukan at mga kabayanan. Ang nakamamanghang tanawin ay nagsisilbing paalala ng kagandahan at yaman ng kalikasang dapat pangalagaan at patuloy na tuklasin.