26/06/2026
𝐌𝐚𝐠𝐚𝐥𝐚𝐤, 𝐒𝐚𝐦𝐛𝐚𝐲𝐚𝐧𝐚𝐧𝐠 𝐊𝐫𝐢𝐬𝐭𝐢𝐲𝐚𝐧𝐨 𝐧𝐠 𝐁𝐚𝐲𝐚𝐧 𝐧𝐠 𝐓𝐚𝐥𝐮𝐠𝐭𝐮𝐠!
Kaalinsabay ng pagdiriwang ng ating Pistang Patron 2026 sa karangalan ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo, ang masintahing Ina at Pintakasi ng Bayan ng Talugtug, malugod nating inaanyayahan ang lahat na saksihan ang Rito ng Pagtanggap sa Hanay ng mga Oordinahan sa Pagkadiyakono at Pagkapari kay Sem. Malvin John Moises Dagdag. Ito ay gaganapin sa loob ng pagdiriwang ng Banal na Misa para sa Dakilang Kapistahan ng Ina ng Laging Saklolo sa ganap na ika-9:00 ng umaga sa ika-27 ng Hunyo 2026 sa ating Simbahang Parokya. Ang pagdiriwang ay pangungunahan ng Obispo ng Diyosesis ng San Jose, Nueva Ecija, ang Lubhang Kagalang-galang Samuel Naceno Agcaracar, SVD, DD.
Sa ritong ito, ang kandidato, matapos ang kanyang paghuhubog at pag-aaral sa seminary, ay hayagang nagpapahayag sa harap ng Simbahan ng kanyang hangaring magpatuloy sa landas ng paglilingkod bilang diyakono at pari. Samantala, ang Simbahan naman, sa pamamagitan ng obispo, ay pormal na tumatanggap sa kanya bilang kandidato para sa Banal na Orden.
Patuloy nating ipanalangin ang ating kapatid na seminarista mula sa ating parokya, si Sem. Malvin, upang sa pamamagitan ng makainang pagkalinga ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo ay pagkalooban siya ng Diyos ng mga biyayang kinakailangan upang maging ganap ang kanyang paghahanda at buong pusong maihandog ang sarili sa misyong ipinagkakaloob sa kanya sa paglilingkod sa Inang Simbahan.
Ina ng Laging Saklolo, ipanalangin mo kami.