09/01/2026
Sa gitna ng pagsalubong sa bagong taon—habang ang mundo’y nababalot ng ingay ng mga paputok, sigawan dulot ng kasiyahan, at sabay na alingawngaw ng mga suliraning pilit nating iniiwan at ibinabaon sa limot—tahimik na ipinagdiriwang ng Simbahan ang 𝗗𝗮𝗸𝗶𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗞𝗮𝗽𝗶𝘀𝘁𝗮𝗵𝗮𝗻 𝗻𝗶 𝗠𝗮𝗿𝗶𝗮, 𝗜𝗻𝗮 𝗻𝗴 𝗗𝗶𝘆𝗼𝘀. Isang kapistahang hindi sumasabay sa ingay, sapagkat ang kabanalan ay hindi kailanman nakikipag-unahan sa sigaw ng mundo. Ito’y nananahan sa katahimikan ng isang pusong handang makinig.
Isa sa pinakamahalagang bahagi ng kasaysayan ng kaligtasan ay ang pagtugon ng “Oo” ni Maria. Sa ganap na pananampalataya at bukas na kalooban, malaya niyang tinanggap ang banal na plano ng Diyos, kaya’t ang Salita ay nagkatawang-tao at nanahan sa ating piling. Ang kanyang pagsang-ayon ay naging daluyan ng katuparan ng pangako ng Diyos—isang “Oo” na nagbukas sa landas ng kaligtasan para sa sanlibutan.
Ngayong bagong taon, sa gitna ng ingay ng mundo at bigat ng mga pasaning ating dinadala, inaanyayahan tayo ni Maria na huminto, manahimik, at magnilay: tumingala sa langit at dumulog sa Diyos. Ipinapaalala niya sa atin na ang tunay na pag-asa ay hindi nagmumula sa pag-ikot ng panahon, kundi sa pusong bukas at tapat na tumatalima sa kalooban ng Diyos. Sa halimbawa ni Maria, natutuhan natin na ang kapayapaan ay hindi kawalan ng mga pagsubok, kundi ang katiyakan na ang Diyos ay nananatiling kasama natin sa gitna ng lahat ng ito.