26/08/2026
AGOSTO 27 | PAGGUNITA KAY SANTA MONICA
Huwaran ng mga may-asawa, mga ina at mga balo, si SANTA MONICA ay isinilang sa Tagaste (ngayon, Souk-Ahras), Aprika noong 332. Upang makarating sa rurok ng Kabanalan, tatlong krus ang tiniis ng santa-ang isang biyenang mabagsik, isang asawang malupit at isang anak na makasalanan.
Napangasawa niya si Patricio, isang di-binyagan na sa kanyang matimyas na pag-ibig at walang tigil na panalangin ay kanyang nahikayat na magpabinyag bago siya namatay noong 371. Kung itinatanong sa kanya ng ibang babae na binubugbog ng kanilang mga asawa, kung ano ang nararapat nilang gawain, ito ang laging ipinapayo ni Santa Monica: "Kung pipigilin lamang ninyo ang inyong mga dila ay marahil hindi kayo bubugbugin ng inyong mga asawa at sila'y magbabago ng buhay". Para magbalik-loob ang kanyang asawa, biyenan at anak ni San Agustin, dalawa ang kanyang ginamit na paraan- panalangin at pagpapakasakit.
Ganoon na lamang ang paghihinagpis ng santa nang malaman niyang nahulog sa kamalian ng manikeismo ang kanyang anak at, higit sa lahat, sumama sa isang babae at nagkaroon ng anak, si Adeodatus. Sinabi sa kanya ng isang obispo: "Huwag kang mawalan ng pag-asa, Monica, hindi mangyayari na ang isang anak ay mapahamak sa kabila ng napakaraming luha!" Pinagtaguan siya ng kanyang mga anak at lihim na tumakas patungong Roma; subalit nang magpunta roon si Santa Monica, ay wala na si Agustin, nagpunta ito sa Milan, at dito, sa wakas, ay naganap din ang malaon nang hiling ng santa- ang pagbabalik-loob ng kanyang anak sa pangaral ni San Ambrosio, ang banal na obispo ng Milan.
Bago mamatay si Monica sa Ostia, noong 387, ito ang huling habilin sa kanyang anak: "Walang kuwenta sa akin kahit na saan mo ako ilibing: Huwag mo lamang akong kalilimutan kung nasa altar ka na!"
Santa Monica, Ipanalangin mo kami!