09/04/2020
KAILAN TAYO KIKILOS?
'Yan ang tanong na nangingibabaw sa aking isipan. Kailan nga ba? Sa araw na natabunan na ng panahon ang pamanang ating kinagisnan? Sa araw na ang ating mga boses ay ayaw nang pakinggan ng mga taong minsan nating mga kasamahan? Sa araw na unti-unti nang iniiwan ng mga tao ang Simbahan? Kapag dumating na ang araw kung kailan huli na ang lahat na siyang ating kinatatakutan? Sa araw na ang tanging tanong na sumisigaw sa ating isipan habang tayo ay lumuluha at pinagmamasdan ang marami na tumatalikod sa katotohanan habang tayo ay pinagtatawanan, ang hinaing, ang tanong na mula mismo sa Kaniya, “Ako rin ba’y iyong iiwan?”
Ano ang iyong isasagot? Ano ang iyong gagawin?
Kailan tayo kikilos?
Ikaw na siyang takot na iwan ng lahat ang Simbahan, ay takot din namang hikayatin ang nakararami. Ikaw na siyang dapat pagmulan ng lakas ng loob ay takot na harapin ang mga pambabatikos. Ikaw na siyang may kakayahan na maimpluwensyahan ang nakararami ay nawawalan ng gana. Alam ko, ginagambala ka ng isang katanungan: “Sino nga ba naman maniniwala at makikinig sa akin, ako’y isa lamang hamak na makasalanan.”
Hindi ka nag-iisa.
Mananamba sa diyus-diyosan, sumasamba sa tinapay, ra**st ang mga pari, mga kurap, mamamatay tao, imoral, ganid sa laman, mga pagano, lasinggero, ang papa ang anti-kristo, hindi kayo maliligtas, hindi kayo ang hinirang, the w***e of Babylon… Ilan lamang ito sa mga pambabatikos ng mga sekta sa Simbahan, mga akusasyon na akin din namang ibinato laban sa Tahanan na aking kinabibilangan—manipestasyon ng pagka-uhaw sa katotohanan na lalo lamang nagpalayo sa akin. Ninais kong patunayan na ang Katolisismo ay hindi tunay, kaya sinubukan ko itong siraan. Ako ay nagsaliksik, subalit lalo lamang akong lumalapit sa katotohanan. Sa mahabang panahon ay aking ipinikit ang aking mga mata sa mga bagay na noon pa sana ay aking tinanggap. Huli na ba ang lahat?
Ako ay bininyagan bilang Katoliko, subalit lumaki sa isang pamilya na hindi aktibo sa Simbahan. Nakikiisa lamang sa tuwing may okasyon—sa madaling salita, cafeteria Catholic. Minsan na akong hinikayat na maging bahagi ng mga pagtitipon at mga youth groups dito sa aming parokya (San Agustin). Elementary ako noong muli akong ma-expose sa Simbahan. Ako ay dinadalaw sa aming bahay upang maturuan at i-recruit bilang server. Tinataguan ko ang mga kaklase ko noon dahil nahihiya ako na makasama sa bagay na iyon, at alam ko sa sarili ko na hindi ako karapat-dapat, lalo na at maraming taong mapanghusga ang nakapaligid.
Ako ay nasa ikalimang baitang nang magkaroon ako ng una kong Confession at Communion. Natatandaan ko pa noon nang kami ay nanirahan sa Capas, naglalaro kami ng Pabasa at Pagbuhat ng Krus habang hubad at nakatakip ang aming mga mukha, sabay ng pagpitik ng mga panghagupit sa aming likuran. Pero hindi katagalan ay nawala rin ang aking nasimulan. Naging bahagi ako ng mga samahan sa ibayong pananampalataya katulad ng Methodist. Nagsimula ako na sumama sa kanilang mga activities gaya ng VCS or Vocational Church School. Nagsisimba naman ako, pero tuwing Simbang Gabi nga lang, at mas masaklap, sa Methodist pa, minsan lang kung sa Katoliko, hindi pa kumpleto ang araw. Gayundin sa mga gawain sa Iglesia ni Cristo tulad ng pamamahayag at mga pasalamat sapagkat si tatay ko ay naging miyembro. May mga pagkakataon din na ako ay nanonood ng mga bible expositions ni BES. May mga pagkakataon din na napapasama ako sa mga lectures ng mga Saksi dahil madalas ay naglilibot sila dito sa amin upang turuan ang mga bata dahil ako ay laki sa mga larong kalye. Mahirap din na mapalibutan ka ng mga taong iba-iba ang paniniwala, partikular sa mga kaibagan at kamag-anak, dahil naaapektuhan ka ng kanilang mga ideolohiya, lalo na sa akin na walang muwang sa Simbahan.
Hanggang sa ako ay pumasok na sa sekundarya at lalo pang lumawak ang paningin ko sa mga bagay panrelihiyon. Kung dati para sa akin ay Katoliko lamang at Islam ang relihiyon sa mundo, ngayon ay dumarami na. Nalaman ko na hindi lamang pala Katoliko, INC, Saksi, at Methodist ang mga naniniwala kay Kristo, pero libo-libo pa pala. Lahat sila ay iba-iba ang paniniwala, subalit may isang bagay na sila ay magkakapareho—ang Bibliya. Saan nga ba galing ang Bibliya? Kung ang Bibliya lamang naman ang kanilang basehan, bakit hindi na lamang sila magkaisa? Doon nagsimulang masira ang aking pagtingin sa iba’t-ibang mga ideolohiya. Minsan ko na ring inisip na ang lahat ng ito ay mga kathang-isip lang, at sa dinami-rami ng mga relihiyon ay malabo nang makita kung alin ang tunay.
Gayunpaman, hindi nawala ang aking pagiging Katoliko. Laging nakatatak sa akin na ako ay Katoliko. Hindi ako umalis. Pero alam ko ang aking mga pagkukulang.
Noong nakaraang taon nagsimula ang aking pagiging pursigido na manaliksik. Nagsimula ito nang aking matagpuan ang isang video ng isang pari na pinamagatang Ang Pagbubunyag ng Katotohanan: Ang Tunay na Iglesia ni Cristo Roma 16:16. Isang video kung saan pinabulaanan ni late Fr. Richmond Nilo ang mga claim ng founder ng INC1914 na si FYM. Dito muling nabuksan ang aking mata na lalo pang tumulak sa akin na magsaliksik. Saka ko na lamang nalaman na ang pari na aking pinanood ay isang taon nang patay. Kasagsagan ng pagpatay sa mg pari at pambabatikos ng Pangulo sa Simbahan. Si Fr. Richmond ay pinatay dahil sa isang bagay na kaniyang pinaninindigan batay na rin sa imbestigasyon. Subalit para sa akin, hindi lang iyon ang dahilan. Siya ay isa sa mga magiting na manananggol ng Simbahan, at nakikita ko itong isang dahilan ng kaniyang pagkamatay upang siya ay patahimikin. Siya ang nagudyok sa akin na ituloy at makiisa sa kaniyang sinimulan—ang depensahan ang Simbahan.
Doon ko sinimulan na palibutan ang aking sarili ng mga taong katulad niya at ako ay natuwa dahil hindi lang pala siya ang gumagawa nito. Sinimulan kong manuod ng mga documentaries ukol sa Simbahan, sa kasaysayan, at mga programa tulad ng Catholic Answers, Know The Truth sa YouTube gaya ng mga episodes nina Fr. Abe Arganiosa at Atty. Marwil Llasos at ng ibang mga guests. Inuulit-ulit ko ang mga clips nang sa gayon ay maitatak sa aking isip ang kanilang mga turo. Napadpad din ako sa mga CFD fb pages at nagbabasa ng mga articles at nanonood ng mga debates and conversion stories gaya nina Steve Ray. Isa sa mga debate na aking napanood ay ang sikat na debate nina Jesse Romero at Joe Ventilacion, gayundin ang makasaysayang debate ni Fr. Darwin Gitgano laban kay Ramil Parba. At ngayon na akin din namang sinusubaybayan, si Bro. Melchor Manalili, na isang matapang na defender. Marami pa kung iisa-isahin ang mga taong tumulak sa akin na gawin ito. Dahil alam ko sa sarili ko na hindi ako nag-iisa. Ngayon ay may mga kasamahan ako na kahit hindi kami magkakakilala personal at magkakalayo ay iisa ang aming mga hangarin—ang ipaglaban ang Simbahan. Hindi pa pala huli ang lahat. Saludo ako sa mga magigiting na manananggol ng Simbahan, isang tagumpay kung titingnan ang inyong ginagawa dahil lingid sa inyong kaalaman may mga tao kayong nababago, natutulungan at naisasalba spiritually. Ngayon ay ginagamit ng Diyos ang ECQ upang makapag-aral ako tungkol sa Simbahan (kahit hindi pa ganoon fully developed) at makapanghikayat din ng iba. Ngayon heto ako at handang ipaglaban ang Simbahan ano man ang kahihinatnan. At lahat ng ito ay naging possible dahil pinalibutan ko ang aking sarili ng mga taong magkakapareho ang hangarin, at mga tao na gusto kang isalba.
Sir Isaac Newton said, I have seen farther than others by standing on giants’ shoulders. Ngayon ko lang naintindihan ang mga katagang ito. Ikaw din, kailangan mong magkaroon ng mga inspirasyon at motibasyon upang mabago mo ang iyong sarili para sa Simbahan. Gawin mo ito hanggang sa ikaw na ang maging inspirasyon ng iba at bumago ng kanilang buhay.
Ngayon ay unti-unti kong nakikita kung ano ang problema. Naranasan ko ang lahat ng ito upang iparealize sa akin kung ano ang problema sa mga tao na may alinlangan at patuloy na binabatikos ang Simbahan. Ito ang pagka-ignorante sa mga katuruan at kasaysayan ng Simbahan. Ako ay sigurado sa bagay na ito dahil ito ay aking dinanas. Kung mayroon mang mas lalala pa sa problemang ito, ito ay ang maling edukasyon. Alam ko hindi lang ako ang nag-iisip nito.
Wrong-education is worse than ignorance. Ignorante ka na nga tungkol sa Simbahan, nilason ka pa ng maling katuruan mula sa labas. I am not saying that people outside the Church are uneducated regarding bible and history, for me they are just wrongly-educated about this stuff, and so do we.
Ang problema ay ang kawalan ng kaalaman sa ating mga katuruan at kasaysayan. Why Catholic? Because it is founded by Christ himself, it is biblically and historically authentic. Oo at pareho ng pibagbabatayan ang lahat ng mga Kristiyano—ang Bibliya. Subalit tanging ang Iglesia Katolika lamang ang nagbigay nito. And why Christianity? Because nobody taught like Jesus, nobody lived like Him. The brightest minds of our history are all telling us, “Look for the light,” “Search for the way,” “Find your life.” And Jesus claimed all of those things saying, “I am the Light, the Way, and the Life.” As John Henry Newman said, to be deep in history is to cease to be Protestant. Kung ang mga kaibayo na hindi hawak ang katotohanan ay pursigido na ikalat ang kanilang mga paniniwala, tayo pa kaya na may hawak ng katotohanan?
Gaya ng sabi St. Cyril of Alexandria, Hindi ako karapatdapat na tawaging Katoliko ,ung hindi ko kayang ipagtanggol ang aking Pananampalataya. Kaya akin din naman hinihikayat ang mga kabataang gaya ko na mag-aral ukol sa katuruan at kasaysayan ng Simbahan. Palibutan ninyo ang inyong sarili ng mga tao na iisa ang hangarin. Makiisa sa pagtatanggol sa Simbahan lalo na sa panahong ito na kailangan tayo. We, as 21st Century Crusaders, have to lay down our life for her and for Christ. Don’t be afraid, for St. Ignatius of Antioch said, wherever Jesus Christ is, there is the Catholic Church. He is with us always until the end of the world. Namatay si Hesus para sa atin, handa rin ba kayong mamatay para sa Kaniya?
Ikaw ay tinatanong ni Kristo, “Iiwan mo rin ba ako?” Kung iiwan mo ang Simbahan nang dahil lang sa imoralidad at iskandalo ng mga nasasakupan nito, ay para mo na ring iniwan si Kristo nang dahil lamang kay Hudas.
Kailan tayo kikilos? Hindi pa huli ang lahat. May magagawa tayo.
-------
Kuwentong Katoliko #1 mula kay Bro. Adrian Patangui - 18years old. Isa sa mga kabataang naghahangad na lalong ibigin at ipagtanggol ang si Kristo at ang kaniyang Simbahan. Kasalukuyang naghihintay ng official chapter na masasalihan sa Tarlac.