27/05/2026
“Dito ka nararapat, at para rito kang tunay.”
Taong-tao.
Katulad ng mga alagad sa Ebanghelyo, parehong-pareho rin tayo. Taong-tao kung ituring dahil tunay naman talagang pangtao kung tayo ay mag-isip at kumilos. May kahinaan, may pagnanais na mapansin, may paghangad ng mas mataas na lugar. Sa mabuting balita ayon kay Marcos , no’ng makakita ng pagkakataon ang dalawang alagad ay madali silang nagnais ng karangalan; lumapit sila kay Hesus at nakiusap na gawin silang katuwang Niya: isa sa Kaniyang kaliwa at ang isa sa Kaniyang kanan. At ng ito ay malaman ng sampu, nagalit sila at lumapit din sa Panginoon upang humingi ng kanilang pwesto sa kaharian ng Kaniyang Ama. Masasaksihan na tao-taong ugali ng mga apostol, itong mga ugaling hanggang ngayon ay nakikita rin natin sa ating sarili.
Ngunit itinuro ni Hesus na hindi dapat ganoon ang paglilingkod na ating gagawin. Ang siyang nauna ay dapat mahuli sapagkat sila ang magga-guide o magpapatnubay sa ibang nahuli upang matutong maglingkod. Ang pinuno ay hindi naghahari kung hindi nagpapakita kung paano magmahal at maglingkod.
Gaya ni Hesus na Siya mismong naghugas ng paa ng Kaniyang mga alagad kung saan ang Hari ay naging alipin para sa lahat. At matapos umakyat si Hesus sa langit ay tuluyan ng hindi bumalik ang mga alagad sa dati nilang buhay sa kabila ng pangungutya, pasakit, hirap, at pag-uusig sa kanila ng mga tao. Sapagkat ang Panginoon mismo ang nagturo sa kanila kung paano ang tamang paglingkod. Hindi lamang isang g**o si Hesus kundi Siya rin ang nagsisilbing source of life na bukal ng lakas, pag-asa, pagmamahal, at ang dahilan ng kanilang pananatili.
Minsan sa pananatili natin sa simbahan, hindi natin naiiwasan na magkaroon ng tampo, sama ng loob, at pagkamuhi sa ating mga kapatid sa pananampalataya. At dahil dito, nawawalan na tayo ng amor sa paglilingkod. Napapagod tayo, nasasaktan tayo, at nagnanais tayong bumitiw. Ngunit sana ay ating alalahanin kung saan tayo nagsimula at alalahanin natin kung sino ang unang tumawag sa atin. Siya ang unahin mong paglingkuran sapagkat kaya ka naglilingkod ay dahil sa Kaniya. Siya ang modelo, g**o, at patnubayat natin, at sa bawat pagod, luha, at sakripisyo. Hilingin natin ang Kaniyang grasya upang manatili tayong tapat sa paglilingkod sa Kaniya. Dahil kapag masaya tayo sa ating ginagawa o napapasaya tayo ng ating ginagawa ay tila sinasabi ni Lord:
”Dito ka nararapat, at para rito kang tunay.”