20/04/2024
SINO ANG "AGLIPAYANO"?
Ako ay Aglipayano hindi dahil sa pamanang apelyido, kundi dahil sa pananaw at prinsipyo!
Sa aming bayan, ang tanong na "saan kayo nagsisimba" ay sinasagot namin ng "sa Simbahang Aglipay." Ang pangalang Aglipay din ang nagsasabing hindi kami Romano o Protestante. Aglipayano ang kinagisnan kong tawag sa amin na mga kasapi ng Iglesia Filipina Independiente.
Ang tagubilin sa amin ng mga yumaong lolo at lola ko, ipinanganak silang Aglipayano kung kaya ililibing na Aglipayano. Ganito din daw dapat sa aming buong angkan, sa kanilang mga anak at apo.
Naitanong ko na din sa sarili ko kung bakit ako Aglipayano. Nagtanong, nagbasa at nag-aral upang masapul ko kung bakit ako Aglipayano. Nakipag-away noong high school at nakipag-debate noong kolehiyo. Pero ang totoo, nagsimula ang aking tanong noong sabihin sa akin ng grade school teacher ko na "pekeng katoliko" daw ang Aglipayano, at "pari-parian" lang ang ating mga pari.
Aglipayano ang tawag sa atin hindi dahil kay Obispo Gregorio Aglipay, kahit na siya pa ang ating unang Obispo Maximo. Subalit tama naman na kilalanin natin ang kanyang katapangan at kabayanihan, at bigyan ng malalim na pagpapahalaga at pitagan ang kanyang ala-ala.
Gayunman, hindi ako Aglipayano dahil lamang sa paghiram ko ng apelyido ng isang tao, kahit na na ito pa ang apelyido ng Obispo Maximo.
Sa totoo lang kasi, ang alam ko, may mga inapo pa sa ngayon si Obispo Maximo Gregorio Aglipay, ngunit kahit na Aglipay ang kanilang apelyido hindi naman sila namumuhay bilang Aglipayano. Sa katunayan, hindi nga sila kasapi ng Iglesia Filipina Independiente.
Kundangan kasi, ang pagiging Aglipayano ay isang paraan ng paglalapat ng pamumuhay at pananampalatayang Kristiyano sa konteksto ng sambayanang Pilipino. Aglipayano ako dahil sa aking natutunang pananaw at prinsipyo na ipinamamansag ng Iglesia Filipina Independiente.
Ang Aglipayano ay isinilang sa panahon ng pakikibaka laban sa imperyalismo sa mga unang taon ng ikadalawampung siglo at nagpapatuloy na nabubuhay hanggang ngayon sa modernong panahon ng imperyalismo na binansagang kapitalistang globalisasyon.
Kaya madaling gagapin kapag sinabing ang Aglipayano ay nakalaan sa paglilingkod na makadiyos at makabayan. Matatagpuan dito ang pagsasangkap ng pananampalataya sa pakikibaka na nagtataguyod ng kapayapaan at katarungan, ang pananampalatayan na may pagkilala sa karapatang-pantao bilang buhay na biyaya ng Diyos.
Subalit nakakalungkot na hindi din lahat ng Aglipayano ay ganito ang pananaw. Maaring ipagkibit-balikat lamang ito ng ibang Aglipayano, at bunga ng pagsasawalang-bahalang ito, higit na nakakadagdag ang kapabayaan ng marami sa ating kapatiran sa panlilibak at paninirang-puri ng mga nasa labas ng Iglesia Filipina Independiente.
Dahil ang totoo, mahirap maunawaan ng mga taong hindi napailalim sa pagka-alipin ng mga dayuhan, silang hindi naranasan ang bigat ng pag-alipusta at pagsasamantala, silang hindi naramdaman kung paano hamakin ang karangalan bilang tao, kung ano ang totoong kahulugan ng Aglipayanismo.
Malinaw para sa akin na ang Aglipayanismo ay isang uri ng pamumuhay na nagtataguyod ng ating karapatan bilang tao, ang karapatan na ating tinanggap sa binyag upang mabuhay na malaya, marangal at masagana bilang mga anak ng Diyos.
Dahil ang paniniwalang ito ang dugong dumadaloy sa aking mga ugat, nakikilahok ako sa pakikibaka ng makabayang mamamayan na nagtataguyod ng pambansang kalayaan, katarungang panlipunan at karapatang pantao.
Ako ay Aglipayano kung kaya mahigpit kong tinututulan ang anumang anyo ng dayuhang pananakop sa ating bansa at ang paglapastangan sa kasarinlan ng ating bayan.
Ako ay Aglipayano kung kaya ipinagtatanggol ko ang ating katutubong kalinangan, paniniwala at pamumuhay laban sa mapanghimasok at mapanirang kanluraning liberalismo.
Ako ay Aglipayano kung kaya masigla akong nakikisangkot sa mga usapin sangkot ang taumbayan at pinag-aaralan ng buong dunong ang tunggalian ng mga uri sa loob ng ating lipunan.
Ako ay Aglipayano kung kaya aking malinaw na kinikilala ang ugat ng karahasan at kahirapan sa ating lipunan at kung sinong panig ang nagsasamantala at sino ang pinagsasamantalahan.
Ako ay Aglipayano kung kaya nakikilahok ako sa organisadong pagkilos ng makabayang mamamayan upang ipagtanggol ang dangal ng ating pagkatao, at nagsusulong ng pakikibaka para sa pambansang demokrasya.
Alam ko, magtatatalon sa matinding tuwa ang aking lolo at lola kung sasabihin kong tulad nila ay mabubuhay at mamamatay ako bilang Aglipayano.
Higit pa, natitiyak kong ipagmamalaki din nilang malaman na ang kanilang apo, bilang tapat at tunay na Aglipayano, ay piniling higit na pahalagahan ang kapakanan ng sambayanan higit sa sariling pakinabang, at sa tuwina'y handang-handa na bayan muna ang paglingkuran at hinding-hindi uunahin ang personal na kagustuhan at kapakanan, o ang pansariling damdamin at diwa kailanman.
Ako ay Aglipayano. Kristiyano. Pilipino.
Credits to owner 😇😇