Daily Gospel Tagalog

Daily Gospel Tagalog Mga Mabuting Balita ng Panginoong Hesukristo
(1)

Sabado, Hunyo 27, 2026Sabado ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)o kaya Paggunita kay San Cirilo ng Alejandria, o...
26/06/2026

Sabado, Hunyo 27, 2026

Sabado ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

o kaya Paggunita kay San Cirilo ng Alejandria, obispo at pantas ng Simbahan
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado

Mga Panaghoy 2, 2. 10-14. 18-19
Salmo 73, 1 – 2. 3-5a. 5b-7. 20-21

Iyong laging gunitain
mga lingkod mong butihin.

Mateo 8, 5-17

Saturday of the Twelfth Week in Ordinary Time (Green)

or Optional Memorial of St. Cyril of Alexandria, Bishop and Doctor of the Church (White)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)

UNANG PAGBASA
Mga Panaghoy 2, 2. 10-14. 18-19

Pagbasa mula sa aklat ng mga Panaghoy

Walang awang winasak ng Panginoon ang lahat ng nayon ni Jacob;
sinira niya ang matitibay na kuta ng lupain;
ang kaharian at mga pinuno nito’y kanyang ibinagsak at inilagay sa kahihiyan.
Tahimik na nakalupasay sa lupa ang matatanda sa Jerusalem;
naglagay sila ng abo sa ulo at nagdamit ng sako.
Ang mga dalaga sa Jerusalem ay nakaluhod na ang mukha’y halos sayad sa lupa.

Namumugto ang mga mata ko sa kaiiyak.
Bagbag na bagbag ang aking kalooban,
Matindi ang pagdadalamhati ko dahil sa kapamahakang sinapit ng aking bayan,
nakahandusay sa mga lansangan ang mga bata at ang mga sanggol.

Nag-iiyakan silat at patuloy na humihingi ng pagkain at inumin.
Nanlulupaypay sila na parang mga sugatan sa mga lansangan.
Unti-unting nangangapos ang kanilang hininga sa kandungan ng kanilang mga ina.
Ano ang masasabi ko sa iyo, O Jerusalem,
Jerusalem, lungsod na pinakamamahal ko?
Saan kita maitutulad upang ika’y aking maaliw?
Sapagkat sinlawak ng dagat ang iyong kasiraan;
sino ang maaaring magpanauli sa iyo?

Ang sinasabi ng inyong mga propeta ay pawang kasinungalingan.
Dinadaya nila kayo sa hindi nila paglalantad ng inyong kasamaan.
Pinapaniwala nila kayo na hindi na ninyo kailangang magsisi sa inyong mga kasalanan.

Dumaing ka nang malakas sa Panginoon, Jerusalem.
Araw-gabi, bayaan mong umagos ang iyong luha, gaya ng ilog,
huwag kang titigil nang kaiiyak.

Bumangon ka’t humiyaw nang ulit-ulit sa magdamag,
sa bawat pagsisimula ng oras ng pagbabantay.
Kung baga sa tubig, ibuhos mo
sa harapan ng Panginoon ang laman ng iyong puso!
Itaas mo sa kanya ang iyong mga kamay alang-alang sa iyong mga anak,
nanlulupaypay sila sa gutom, nakahandusay sa mga lansangan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 73, 1 – 2. 3-5a. 5b-7. 20-21

Iyong laging gunitain
mga lingkod mong butihin.

Bakit kami, Panginoo’y itinakwil habang buhay,
mainit ang hininga mo sa tupa ng iyong kawan?
Iyo sanang gunitain ang tinipon mo no’ng una,
yaong lahing tinubos mo’t itinakda na magmana;
bundok ng Siong tinir’han mo’y gunitain mo na sana.

Iyong laging gunitain
mga lingkod mong butihin.

Lapitan mo yaong labi na winasak ng kaaway,
ang labi ng santwaryo mong sinira ang bawat bagay.
Ang loob ng iyong templo’y hindi nila iginalang,
sumisigaw na nagtayo ng kanilang diyus-diyusan.
Ang lahat na nasa loob na sangkap na mga kahoy,
magmula sa pintuan mo’y sinibak at pinalakol.

Iyong laging gunitain
mga lingkod mong butihin.

Ang lahat ng inukitang mga kahoy sa paligid,
dinurog at pinalakol niyong mga malulupit.
Yaong banal na santwaryo ay kanilang sinigaan,
nilapastangan nila’t winasak ang templong banal.

Iyong laging gunitain
mga lingkod mong butihin.

Yaong tipang ginawa mo ay huwag mong lilimutin,
ang masama’y naglipana sa pook na madidilim,
laganap ang karahasan kahit saan sa lupain!
Huwag mo sanang itutulot na ang api’y mapahiya,
bayaan mong ang ngalan mo’y purihin ng dukha’t aba.

Iyong laging gunitain
mga lingkod mong butihin.

ALELUYA
Mateo 8, 17

Aleluya! Aleluya!
Inako ni Hesukristo
ang sakit ng mga tao
upang matubos n’ya tayo!
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 8, 5-17

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, pagpa*ok ni Hesus sa Capernaum, lumapit ang isang kapitang Romano at nakiusap sa kanya: “Ginoo, ang alipin ko po’y naparalisis. Siya’y nararatay sa amin at lubhang nahihirapan.” “Paroroon ako at pagagalingin siya,” sabi ni Hesus. Ngunit sumagot sa kanya ang kapitan, “Ginoo, hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking bahay. Sabihin po lamang ninyo at gagaling na ang aking alipin. Ako’y nasa ilalim ng mga nakatataas na pinuno, at ako man ay may nasasakupang mga kawal. Kung sabihin ko sa isa, ‘Humayo ka!’ siya’y humahayo; at sa iba, ‘Halika!’ siya’y lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ at ginagawa niya.” Namangha si Hesus nang marinig ito, at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo, na hindi ako nakatagpo kahit sa Israel ng ganito kalaking pananalig. Tandaan ninyo: marami ang darating buhat sa silangan at kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit. Ngunit marami sa lipi ng Israel ang itatapon sa kadiliman sa labas; doo’y mananangis sila at magngangalit ang kanilang ngipin.” At sinabi ni Hesus sa kapitan, “Umuwi na kayo; mangyayari ang hinihiling ninyo ayon sa inyong pananalig.” Noon di’y gumaling ang alipin ng kapitan.

Pumunta si Hesus sa bahay ni Pedro at doo’y nakita niya ang biyenan nito, nakahiga at inaapoy ng lagnat. Hinawakan ni Hesus ang kamay ng babae at nawala ang lagnat nito. Pagkatapos, bumangon ito at naglingkod sa kanya.

Nang gabing iyon, dinala kay Hesus ang maraming inaalihan ng mga demonyo. Sa isang salita lamang ay pinalayas niya ang masasamang espiritu, at pinagaling ang lahat ng may karamdaman. Ginawa niya ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
“Kinuha niya ang ating mga kahinaan at binata ang ating mga karamdaman.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Reynald Perez
Pagninilay:
Ang Unang Pagbasa ay mula sa Aklat ng mga Panaghoy. Pinaniniwalaang si Propeta Jeremias ang nagsulat ng aklat na ito. Isa siya sa mga propetang tumuligsa sa pagkakasala ng mga prinsipe, hari, at iba pang makasalanan ng Juda. Dahil dito, bumagsak ang buong kaharian, at ang mga tao ng Jerusalem ay naging bihag ng mga taga-Babilonia. Kaya narinig natin sa pagbasa ang mga panaghoy ng manunulat ukol sa masamang nangyari sa Juda/Jerusalem at sa sambayanan ng Diyos. Subalit kinikilala rin niya ang Panginoon bilang nakikiisa sa pagdurusa ng bayan. Ang Panginoon ay ang Diyos na nagdadalamhati sa pagbagsak ng kanyang banal na lungsod at sa pang-aapi sa kanyang bayan. Subalit ang malungkot na pangyayaring iyon ay magiging tagumpay nang ililigtas niya ang kanyang sambayanang tinipanan mula sa pagkaalipin sa Babilonia.

Ang Ebanghelyo ngayon ay kasunod ng Ebanghelyo kahapon. Matapos niyang pinalinis ang isang ketong, may isang kapitan ng mga kawal na lumapit kay Hesus upang ihiling na pagalingin ang kanyang lingkod. Nang maitanggap ni Hesus ang kanyang hiling, pinigilan niya ito sapagkat ipinahayag niyang hindi siya karapat-dapat na ipagpatuloy ang Panginoon sa kanyang tahanan, ngunit sa isang salita mula nito ay gagaling ang kanyang alipin. Ang kanyang pagpapakumbaba rin ang nagpapatunay na isa siyang taong nasa ilalim ng mas nakakataas kaysa sa kanya. Sapagkat ang isang kapitan ng mga sundalong Romano ay tagatupad lamang ng inuutos ng gobernador, na nagmumula naman sa Emperador. Subalit nakita ni Hesus sa kanya ang isang matinding pananalig, kahit sa buong Israel. Bagamat siya ay isang Hentil, parang nakilala ng kapitan ang Diyos Ama sa pamamagitan ng Diyos Anak na si Hesukristo. Pagkatapos nito ay pinagaling naman ng Panginoon ang biyenan nina San Pedro at San Andres sa kanilang bahay, at nawala ang lagnat mula sa babae kaya siya’y bumangon at naglinkod kay Hesus. At marami pang ginawang kababalaghan si Hesus ukol sa pagpapagaling. Sa gawaing ito, isinasalaysay ni San Mateo ang pagtupad ng isang propesiya ni Isaias ukol sa Mesiyas: na si Kristo ang nag-alis ng mga kasalanan at binata ang mga karamdaman. At alam natin sa hantungan ng kanyang buhay sa Krus, inako niya ang ating kahinaan at mga pagkakasala upang ang maipagkaloob niya sa atin ay kaligtasan. Kaya ang tugon natin ay lubos na pananampalataya sa kanya na may kasamang pagsisikap at paggawa ng katuwiran at kabutihan. Sa ating pagtanggap sa Panginoon ng ating buhay, nawa ang dasal ng Romanong kapitan ay maging dasal rin natin, lalung-lalo tuwing maitatanggap natin si Kristo sa Banal na Pakikinabang: “Panginoon, hindi ako karapat-dapat na magpatuloy sa iyo, ngunit sa isang salita mo lamang ay gagaling na ako.”

Biyernes, Hunyo 26, 2026Biyernes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)2 Hari 25, 1-12Salmo 136, 1-2. 3. 4-5. 6Kung...
25/06/2026

Biyernes, Hunyo 26, 2026

Biyernes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

2 Hari 25, 1-12
Salmo 136, 1-2. 3. 4-5. 6

Kung ika’y aking limutin,
wala na ‘kong aawitin.

Mateo 8, 1-4

Friday of the Twelfth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
2 Hari 25, 1-12

Pagbasa mula sa Ikalawang Aklat ng mga Hari

Nang ikasampung araw ng ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng paghahari ni Sedequias, tinipon ni Nabucodnosor ang buo niyang hukbo. Kinubkob nila ang Jerusalem at pinaligiran ang mga bantayan. Ang pagkubkob nila ay tumagal nang may dalawang taon. Nang ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng pagkubkob sa Jerusalem, umabot na sa sukdulan ang taggutom sa buong lungsod. Noon nabutas ang isang bahagi ng pader ng lungsod. Nang makita ito ni Haring Sedequias kinagabihan ay tumakas siya patungong Araba, kasama ang kanyang mga kawal. Doon sila dumaan sa pintuan ng dalawang pader, malapit sa hardin ng palasyo. Ngunit ang lungsod ay naliligid ng mga Caldeo. Tinugis sila ng mga ito at inabutan sa kapatagan ng Jerico. Kaya, nagkanya-kanyang takas ang kanyang mga tauhan. Nabihag si Sedequias at iniharap sa hari ng Babilonia na nasa Ribla at doon siya hinatulan. Pinatay nila sa harapan ni Sedequias ang mga anak nito, dinukit ang mga mata at gapos ng tanikalang dinala sa Babilonia.

Nang ikapitong araw ng ikalimang buwan ng ikalabinsiyam na taon ng paghahari ni Nabucodnosor, pina*ok ni Nabuzaradan ang Jerusalem, kapitan ng kanyang mga tanod. Sinunog niya ang templo, ang palasyo, at ang lahat ng bagay doon; wala siyang tinira. Ang mga pader ng lungsod ay giniba naman ng mga kawal na kasama ni Nabuzaradan. Dinala niyang bihag ang natitira pang Israelita pati ang mga sumuko sa hari ng Babilonia. Ang iniwan lamang niya roon ay ang ilang mahihirap upang magbungkal ng lupa at mag-alaga ng mga ubasan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 136, 1-2. 3. 4-5. 6

Kung ika’y aking limutin,
wala na ‘kong aawitin.

Sa pampang ng mga ilog nitong bansang Babilonia,
kami roo’y nakaupong tumatangis, sa tuwinang
ang iniwan naming Sion ay aming maalaala.
Sa sanga ng mga kahoy, sa tabi ng ilog nila
isinabit namin doon, yaong dala naming lira.

Kung ika’y aking limutin,
wala na ‘kong aawitin.

Sa amin ay iniutos ng sa amin ay lumupig,
na aliwin namin sila, ng matamis naming tinig,
tungkol sa Sion, yaong paksa, ninyong nais nilang awit.

Kung ika’y aking limutin,
wala na ‘kong aawitin.

Pa’no namin aawitin, ang awit ng Panginoon,
samantalang bihag kaming nangingibang bayan noon?
Ayaw ko nang ang lira ko’y hawakan pa at tugtugin,
kung ang bunga sa pagtugtog, limutin ang Jerusalem.

Kung ika’y aking limutin,
wala na ‘kong aawitin.

Di na ako aawit pa, kung ang lundong sasapitin
sa isip ko’t alaala, ika’y ganap na limutin,
kung ang kaligayahan mo ay hindi ko hahangarin.

Kung ika’y aking limutin,
wala na ‘kong aawitin.

ALELUYA
Mateo 8, 17

Aleluya! Aleluya!
Inako ni Hesukristo
ang sakit ng mga tao
upang matubos n’ya tayo!
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 8, 1-4

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Nang makababa si Hesus mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao. Lumapit sa kanya ang isang ketongin at lumuhod sa harapan niya. “Ginoo,” ang wika niya, “kung ibig po ninyo, ako’y inyong mapagagaling.” Hinipo siya ni Hesus at sinabi, “Ibig ko, gumaling ka.” At pagdaka’y nawala ang kanyang ketong. “Huwag mo itong sasabihin kaninuman,” bilin ni Hesus. “Pumunta ka’t pasuri sa saserdote. Pagkatapos, maghandog ka ng haing iniuutos ni Moises, bilang patotoo sa mga tao na magaling ka na.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Reynald Perez
Pagninilay:
Ang Unang Pagbasa ay ang lubos na paglusob ng mga taga-Babilonia sa Jerusalem. Lahat ng mga tao, pati ang mga pinuno at pari nito, ay tinangay ng mga kawal ni Haring Nabucodnosor, na ang kumander ng kawal ay si Nabuzaradan. Dahil sa matinding pagkakasala ng mga tao ng Juda laban sa Panginoon, lalung-lalo sa pagmamatigas ni Haring Sedequias, nilusob sila ng mga taga-Babilonia. Sinasabi sa Bibliya na nakipagsabwatan si Sedequias sa mga taga-Egipto upang mag-alsa laban kay Nabucodnosor. Agad narating ang balitang ito sa hari ng Babilonia. At dahil sa pagtraydor ng hari ng Juda kay Nabucodnosor, madaling kumilos ang kawal ng mga taga-Babilonia sa pagkabihag ng Jerusalem. Kaya sa kasaysayan, tinatawag ang pangyayaring ito bilang “Babylonian exile”.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang kasunod na pangyayari matapos ang pangangaral ni Hesus sa Bundok. Ang huling pahayag ng Panginoon ay ang pakikinig sa kanyang salita at pagsasabuhay nito sa pang-araw-araw na pamumuhay bilang pagtatayo ng isang matatag na pundasyon. Matapos iyon, sinabi ng mga tao na si Hesus ay nangaral nang hindi katulad sa mga eskriba at Pariseo. Ngayon ay parang tinutupad ng Panginoon ang ipinangaral niya tungkol sa pag-ibig. Narinig natin ang kanyang pagtatagpo sa isang ketong. Sa kasaysayan ng Israel, ang sakit na “ketongin” ay tinuturing na isang malalang sakit, kaya ang mga ketong at tao ay inuutasang mag-iwasan upang hindi makahawa ng malalang sakit. Subalit parang natagumpay ni Hesus na hindi natakot nang mahawakan niya ang isang ketong. Ang maganda pa rito ay mismo ang ketong ang humiling sa kanya na linisin siya. Parang nakikita na taong ito na si Kristo ay ang Mesiyas. Dahil si Hesus ay totoo sa kanyang ipinapangaral, hinilom niya ang lalaking ito mula sa sakit na ketongin, at inutusang huwag ipagsabi, subalit magpakita siya sa mga pari na siya’y napalinis. Ayon sa salaysay ni San Marcos, ipinagbalita ng lalaki ang ginawa ni Hesus sa kanya, kaya namangha ang mga tao at bigla silang lumapit kay Hesus. Bilang Mesiyas, si Hesus ay tumutupad sa kalooban ng kanyang Ama. Kaya makikita natin kung paano siya’y mapagkumbaba sa bawat paggawa niya ng kababalaghan. Samantala, nakita natin ang kanyang pagiging mahabagin at mapagmalasakit. Ang maaari nating matuto mula sa Panginoon ay kababang-loob at awa na may kasamang malasakit sa bawat tao. Ito ay isa sa mga paraang magpapatotoo sa ating pagkakilanlan bilang mga Kristiyano.

Huwebes, Hunyo 25, 2026Huwebes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)2 Hari 24, 8-17Salmo 78, 1-2. 3-5. 8. 9Dahil s...
24/06/2026

Huwebes, Hunyo 25, 2026

Huwebes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

2 Hari 24, 8-17
Salmo 78, 1-2. 3-5. 8. 9

Dahil sa ngalan mo, P**n,
iligtas mo kami ngayon.

Mateo 7, 21-29

Thursday of the Twelfth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
2 Hari 24, 8-17

Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng mga Hari

Si Joaquin ay labingwalong taon nang maghari sa Jerusalem at ito’y tumagal nang tatlong buwan. Ang kanyang ina ay si Nahustan na anak ni Elnatan ng Jerusalem. Si Joaquin ay hindi naging kalugud-lugod sa Panginoon pagkat tinularan niya ang kasamaan ng kanyang ama.

Nang panahong yaon, ang Jerusalem ay kinubkob ng mga kawal ni Haring Nabucodnosor. Samantalang ang mga kawal ng Babilonia ay nakapaligid sa lungsod, dumating ang Haring Nabucodnosor. Nang magkagayon, sumuko sa kanya si Haring Joaquin, pati ang ina nito, mga katulong, mga pinuno at lahat ng tauhan ng palasyo. Binihag sila ni Nabucodnosor noong ikawalong taon ng kanyang paghahari. Sinamsam pa niyang lahat ang kayamanan sa palasyo at sa Templo. At tulad ng ipinagpauna ng Panginoon, ipinasira niya ang mga kagamitang ginto na ipinagawa ni Solomon sa Templo. Tinangay niya ang lahat ng taga-Jerusalem: ang mga pinuno, mga kawal, mga dalubhasa at mga panday; lahat-lahat ay umabot ng sampunlibo. Wala silang itinira, liban sa pinakamahihirap. Tinangay nga niya sa Babilonia si Joaquin, ang ina nito, mga asawa, mga pinuno at lahat ng pangunahing mamamayan sa Jerusalem. Tinangay rin niya ang mga pitunlibong kawal at ang sanlibong dalubhasa, at mga panday na pawang matitipuno at angkop maging mandirigma. Si Natanias ang ipinalit ni Nabucodnosor kay Joaquin bilang hari ng Juda at pinalitan niya ng Sedequias ang pangalan nito.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 78, 1-2. 3-5. 8. 9

Dahil sa ngalan mo, P**n,
iligtas mo kami ngayon.

Panginoong Diyos,
pina*ok ng Hentil ang lupang pangako, hayo’t iyong masdan!
Winasak ang lungsod, ang banal mong templo ay nilapastangan;
ang mga katawan
ng mga lingkod mo’y ginawang pagkain niyong mga ibon,
ang kanilang laman, sa mga halimaw ay ipinalamon.

Dahil sa ngalan mo, P**n,
iligtas mo kami ngayon.

Dugo ng bayan mo’y
ibinubo nila, sa buong palibot nitong Jerusalem,
animo ay tubig; sa dami ng patay ay walang naglilibing.
Ang kalapit-bansang
doo’y nakasaksi, hindi mapigilan yaong pagtatawa,
lahat sa palibot ay humahalakhak sa gayong nakita.
Iyang iyong galit
sa amin, O P**n, hanggang kailan ba kaya matatapos?
Di na ba titigil ang pagkagalit mong sa ami’y tutupok?

Dahil sa ngalan mo, P**n,
iligtas mo kami ngayon.

Huwag mong parusahan
kaming mga anak, sa pagkakasala ng aming magulang,
ikaw ay mahabag sa mga lingkod mong pag-asa’y pumanaw.

Dahil sa ngalan mo, P**n,
iligtas mo kami ngayon.

Mahabag ka sana,
kami ay tulungan, Panginoong Diyos na Tagapagligtas,
dahil sa ngalan mo, kaming nagkasala’y patawaring ganap
at ang pagpupuri sa iyo ng madla’y hindi maglilikat.

Dahil sa ngalan mo, P**n,
iligtas mo kami ngayon.

ALELUYA
Juan 14, 23

Aleluya! Aleluya!
Ang sa aki’y nagmamahal
tutupad sa aking aral.
Ama’t ako’y mananahan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 7, 21-29

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papa*ok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit. Pagdating ng huling Araw, marami ang magsasabi sa akin, ‘Panginoon, nangaral po kami at nagpalayas ng mga demonyo, at gumawa ng mga kababalaghan sa inyong pangalan!’ At sasabihin ko sa kanila, ‘Kailanma’y hindi ko kayo nakilala. Lumayo kayo sa akin, mga mapaggawa ng masama!’

“Kaya’t ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay matutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo sa ibabaw ng bato. Ang bawat nakikinig ng aking mga salita at hindi nagsasagawa nito ay matutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Bumagsak ang bahay na iyon at lubusang nawasak.”

Nang masabi na ni Hesus ang mga pananalitang ito, ang mga tao’y namangha. Sapagkat nagturo siya na parang isang may kapangyarihan, at hindi tulad ng mga eskriba.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Reynald Perez
Pagninilay:
Ang Unang Pagbasa ngayon ay tumutungo sa pagkadakip ng mga taga-Babilonia sa Jerusalem. Dahil si Haring Joaquin ng Judah ay hindi naging tapat sa Diyos, nilusob ng mga kawal ng Babilonia ang Jerusalem. Siya’y tinangay ng mga kawal ni Haring Nabucodnosor, kasama ang kanyang ina, asawa, at iba pang mga kasamahan niya sa pamamahala noon sa Juda. Dahil siya’y sumuko sa Hari ng Babilonia, may bagong pumalit sa kanya, ang kanyang pamangkin na si Sedequias. At makikita natin na dahil si Sedequias ay hindi rin kalugud-lugod sa Panginoon, mabibihag sa wakas ang buong Juda. At ang mga Hudyo ay ginawang alipin sa Babilonia. Subalit hindi nagtatapos ang kwento diyan, sapagkat ipinangako ng Diyos na ililigtas niya ang kanyang bayan. Muli niyang papanibago ang kanyang tipan na makilala ng tao na sila ang bayan ng Diyos, at ang Panginoon ang Diyos nila.

Ang Ebanghelyo ngayon ay isang pagtatapos sa mahabang Pangangaral ni Hesukristo sa Bundok. Dito tinatapos niya ang kanyang pangangaral sa paghihikayat sa kanyang mga tagakinig tungkol sa pagiging matapat sa Diyos. Hindi lahat ng tao na tumatawag at sumasampalataya sa Panginoon ay makakasiguradong papa*ok sila sa langit. Ang mahalaga dito yung pakikinig sa Salita ng Diyos, pagiging matapat sa dakilang kalooban, at paggawa ng kabutihan at katuwiran ayon sa pamantayan ng Diyos. Ang mga gumagawa nito ay katulad sa isang taong nagtatayo ng isang bahay sa ibabaw ng bato. Samantala ang mga nakikinig lang sa Salita ngunit hindi ito isinasabuhay ay katulad naman sa isang taong nagtatayo ng bahay sa ibabaw ng buhangin. Sa totoong buhay, ito ang pagiging masagana ng ating buhay-pananamapalataya. Tayo ay tinatawag na magtayo ng matatag na pundasyon ng pananampalataya na kasingtigas ng isang bato. Magagawa natin ito kung tayo ay makikinig sa Salita ng Diyos at isasabuhay natin ito sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.

Miyerkules, Hunyo 24, 2026Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan BautistaIsaias 49, 1-6Salmo 138, 1-3. 13-14ab. 14...
24/06/2026

Miyerkules, Hunyo 24, 2026

Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista

Isaias 49, 1-6
Salmo 138, 1-3. 13-14ab. 14k-15

Pinupuri kita, D’yos ko,
dahil ako’y nilikha mo.

Mga Gawa 13, 22-26
Lucas 1, 57-66. 80

Solemnity of the Nativity of Saint John the Baptist (White)

UNANG PAGBASA
Isaias 49, 1-6

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Makinig kayo mga taong
naninirahan sa malalayong lugar.
Pinili na ako ng Panginoon bago pa isilang
at hinirang niya ako para siya’y paglingkuran.
Mga salita ko’y ginawa niyang
sintalas ng tabak,
Siya ang sa aki’y laging nag-iingat.
Ginawa niya akong parang matulis na pala*o
na anumang oras ay handang itudla.
Sinabi niya sa akin,
“Israel, ikaw ay lingkod ko,
sa pamamagitan mo
ako’y dadakilain ng mga tao.”
Ngunit ang tugon ko,
“Ako ay nabigo sa aking pagsisikap, hindi nagtagumpay
gayong ibinuhos ko ang aking lakas.”
Gayunman’y itinitiwala ko sa Panginoon
ang aking kalagayan,
na ako’y gagantimpalaan sa aking nakayanan.

Bago pa ako ipanganak ay hinirang na ng Panginoon,
pinili niya ako para maging lingkod niya
upang tipunin ang nangalat na mga Israelita,
at sila’y ibalik sa bayang Israel.
Binigyan ako ng Panginoon ng karangalan,
sa kanya nagbubuhat
ang aking karangalan.
Sinabi ng Panginoon sa akin:
“Israel na aking lingkod,
May mas mahalaga pa akong ipagagawa sa iyo.
Bukod sa pagpapanumbalik
sa mga Israelitang nalabi
ay gagawin kitang tanglaw ng mga bansa
upang lahat sa daigdig ay maligtas.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 138, 1-3. 13-14ab. 14k-15

Pinupuri kita, D’yos ko,
dahil ako’y nilikha mo.

Ako’y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
ang lahat kong lihim, P**n, ay tiyak mong nalalaman.
Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
Ako’y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
ang lahat ng gawain ko’y pawang iyong nalalaman.

Pinupuri kita, D’yos ko,
dahil ako’y nilikha mo.

Ang anumang aking sangkap, ikaw o Diyos ang lumikha,
sa tiyan ng aking ina’y hinugis mo akong bata.
Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay.

Pinupuri kita, D’yos ko,
dahil ako’y nilikha mo.

Lahat ito’y nakikintal, sa puso ko at loobin.
Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin,
sa loob ng bahay-bata doo’y iyong napapansin’;
lumalaki ako roong sa iyo’y di nalilihim.

Pinupuri kita, D’yos ko,
dahil ako’y nilikha mo.

IKALAWANG PAGBASA
Mga Gawa 13, 22-26

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, sinabi ni Pablo, “Nang si Saulo’y alisin ng Diyos, inihalili si David upang maghari sa ating mga ninuno. At ganito ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanya, ‘Natagpuan ko kay David na anak ni Jesse ang lalaking nakalulugod sa akin, isang lalaking handang tumupad sa lahat ng inuutos ko.’ Mula sa angkan ng lalaking ito ipinagkaloob sa Israel si Hesus, ang kanyang ipinangakong Tagapagligtas. Bago siya dumating, ipinangaral ni Juan sa buong Israel na dapat nilang pagsisiha’t talikdan ang kanilang mga kasalanan, at pabinyag. Nang matapos na ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Kristo. Ngunit siya’y darating na kasunod ko. At hindi ako karapat-dapat kahit tagaalis ng panyapak.”

“Mga kapatid kong mula sa lahi ni Abraham, at mga taong may takot sa Diyos: tayo ang pinadalhan ng balitang ito tungkol sa kaligtasan.”

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Lucas 1, 76

Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Juan, ay propeta,
sinugo upang manguna
sa Manunubos ng sala.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 1, 57-66. 80

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Dumating ang oras ng panganganak ni Elisabet, at nagluwal siya ng isang sanggol na lalaki. Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na siya’y pinagpala ng Panginoon, at nakigalak sila sa kanya.

Nang ikawalong araw, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang ipangangalan sa kanya — gaya ng kanyang ama — ngunit sinabi ng kanyang ina, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.” “Subalit wala isa man sa iyong mga kamag-anak ang may ganyang pangalan,” wika nila. Kaya’t hinudyatan nila ang kanyang ama at itinanong kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol. Humingi siya ng masusulatan at sumulat ng ganito: “Juan ang kanyang pangalan.” At namangha silang lahat. Pagdaka’y nakapagsalita siya, at nagpuri sa Diyos. Natakot ang lahat ng kanilang kapitbahay, anupat naging usap-usapan sa buong kaburulan ng Judea ang mga bagay na ito. Pinakaisip-isip ito ng lahat ng nakaalam at ang kanilang tanong: “Magiging ano kaya ang batang ito?” Sapagkat maliwanag na sumasakanya ang Panginoon.

Lumaki ang bata at naging malakas ang kanyang espiritu. Siya’y tumira sa ilang hanggang sa araw na magpakilala siya sa Israel.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Reynald Perez
Pagninilay:
Sa buong liturhikong Kalendaryo ng Simbahan, tatlong kaarawan ng tatlong tauhan ang ipinagdiriwang ng Simbahan. Una na diyan ang ating Panginoong Hesukristo, na ating ipinagdiriwang sa araw ng Kapaskuhan (Disyembre 25). Ikalawa ang ating Mahal na Ina, ang Birheng Maria, na ating ipinagdiriwang tuwing ika-8 ng Setyembre. At ang huli ay ang ating pagdiriwang ngayon ng kaarawan ni San Juan Bautista (Hunyo 24). Mahalaga ang mga kaarawan nina Kristo at Maria sapagkat si Mariang ipinaglihing walang kasalanan ang nagsilang kay Hesus na Tagapagligtas ng mundo. Ganun din kahalaga ang Pagsilang ni San Juan Bautista sapagkat siya ang Tagapaguna ng daan para sa pagdating ng Mesiyas, na kanyang pinsan at Anak ng Diyos na si Hesukristo. Alam natin na si San Juan Bautista ay anak nina San Zacarias at Santa Isabel (Elisabet). Habang si Zacarias ay nag-aalay ng insenso sa altar ng kabanalan sa Templo, nagpakita ang Arkanghel na si San Gabriel sa kanya at ipinahayag ang kapanganakan at misyon ni San Juan Bautista, na siyang iluluwal ni Elisabet sa kanyang sinapupunan. Dahil 2 sila ay matanda na at matagal nang baog si Elisabet, nagduda si Zacarias, kaya naging p**i at bingi siya hanggang hindi natutupad ang nakatakdang pangyayari ayon sa plano ng Diyos. At narinig natin sa Ebanghelyo ngayon ang pagsilang ni San Juan Bautista mula sa sinapupunan ni Elisabet. Sinasabi rin dito na ang Birheng Maria na bumista sa bahay ng kanyang pinsan ay nanatili riyan ng tatlong buwan hanggang sa pangyayaring iyon. Ang mga kamag-anak ng sanggol ay nag-iisip kung anong ipapangalan sa kanya. At ayon nga sa kanilang tradisyon, dapat magmula sa pangalan ng kanilang pamilya at kamag-anak ang ibibigay sa bagong isinilang. Kaya nais nilang tawagin ang sanggol na Zacarias, katulad ng ama nito, subalit sinabi ng kanyang ina na ang pangalan ng sanggol ay Juan. At hindi sila sumang-ayon sa desisyon ni Elisabet, kaya ipinasulat nila kay Zacarias kung ano ang magiging pangalan ng bata. At isinulat ng ama nito ang Juan ang kanyang pangalan. Ito ang pangalang ibinigay ng Diyos nang magpakita si San Gabriel kay Zacarias. At nagtaka ang kanilang mga kamag-anak at mahal sa buhay kung ano ang magiging kapalaran ng sanggol na si Juan, sapagkat alam nila na siya ay kinalulugdan ng Diyos. Ang pangalang ‘Juan’ ay nangangahulugang “Ang Diyos ay mapagpala.” Binigyan ng Diyos ng pagpapala sina San Zacarias at Sta. Isabel ng isang anak kahit ang dalawa ay nasa katandaan ng edad. Higit na riyan, biniyayaan ng Panginoon ang tinig ng isang propeta’y nagpapahayag ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagsisisi mula sa mga kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos. Ang kanyang pagbibinyag sa Ilog Jordan ay tanda na nais ng Panginoong Diyos makamtan ng lahat ang kanyang pagtubos. Mahalaga rin sa buhay ni San Juan Bautista ang kanyang kababang-loob na ang kanyang pinsan, na ating Panginoong Hesukristo, ang dapat ipadakila, habang siya ay ipagpapakumbaba. Sa huli ng kanyang buhay, si Juan ay naging saksi sa katotohanan nang ipahayag niya na mali ang pakikiapid ni Haring Herodes Antipas kay Reyna Herodias, na dating asawa ng kapatid ng hari na si Felipe. Si San Juan Bautista ay tunay nga saksi sa Panginoon sa pagpapatawad ng Diyos, pagpapanumbalik ng relasyon ng tao sa Panginoon, at paninindigan sa katotohanan.

Martes, Hunyo 23, 2026Martes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)2 Hari 19, 9b-11. 14-21. 31-35a. 36Salmo 47, 2-3...
23/06/2026

Martes, Hunyo 23, 2026

Martes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

2 Hari 19, 9b-11. 14-21. 31-35a. 36
Salmo 47, 2-3a. 3b-4. 10-11

Lungsod ng D’yos ay matatag
dahil sa bigay n’yang lakas.

Mateo 7, 6. 12-14

Tuesday of the Twelfth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
2 Hari 19, 9b-11. 14-21. 31-35a. 36

Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng mga Hari

Noong mga araw na iyon, nagsugo si Haring Senaquerib ng Asiria kay Ezequias at ipinasabi ang ganito: “Huwag mo nang dayain ang iyong sarili na ang Jerusalem ay maliligtas ng pananalig mo sa iyong Diyos. Hindi lingid sa iyo kung paano nilupig ng mga hari ng Asiria ang ibang lupain. Hindi ka rin makaliligtas sa akin.”

Binasa ni Ezequias ang sulat na ibinigay sa kanya ng mga sugo ni Senaquerib. Pagkatapos, puma*ok siya sa Templo, inilatag sa kanyang harapan ang sulat, at nanalangin ng ganito: “Panginoon, Diyos ng Israel na nakaluklok sa trono sa itaas ng kerubin. Kayo lamang ang Diyos ng lahat ng kaharian sa ibabaw ng lupa. Kayo ang lumikha ng langit at ng lupa. Dinggin ninyo ako, Panginoon. Narinig ninyo ang pag-alipusta ni Senaquerib. Totoo nga, Panginoon, na marami nang nalupig na bansa ang mga hari ng Asiria. Nagawa nilang sunugin ang mga diyos ng mga bansang yaon sapagkat hindi naman talagang Diyos ang mga iyon kundi mga kahoy at batong ginawang diyus-diyusan. Kaya nga, Panginoon, iligtas ninyo kami kay Senaquerib para malaman ng buong daigdig na kayo lamang ang tangi at iisang Diyos.”

Si Isaias ay nagpasugo kay Ezequias at ipinasabi ang ganito: “Ipinasasabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, na narinig niya ang panalangin mo. Ito naman ang kanyang sinabi tungkol kay Senaquerib:

“Itinatakwil ka, laging hinahamak
ng anak ng Sion, dalagang marilag.
Sa iyong likuran ay iiling-iling
anak na babae nitong Jerusalem.

May natirang magmumula sa Jerusalem, gayun din sa Sion. Ito’y mangyayari dahil sa pagmamalasakit ng Panginoon.”

Ito naman ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa hari ng Asiria: “Hindi siya makapapa*ok sa lungsod na ito ni makatutudla kahit isang pala*o. Hindi niya ito lulusubin ni papaligiran. Kung paano siya dumating, ganoon din siya aalis. Hindi niya masasakop ang lungsod na ito, pagkat ito’y ipagtatanggol ko alang-alang sa aking kapakanan at alang-alang kay David na aking lingkod.”

Nang gabing yaon, pina*ok ng anghel ng Panginoon ang kampo ng mga taga-Asiria at napatay niya ang sandaa’t dalawampu’t limang libong kawal. Kaya nagmamadaling umuwi sa Ninive si Haring Senaquerib.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 47, 2-3a. 3b-4. 10-11

Lungsod ng D’yos ay matatag
dahil sa bigay n’yang lakas.

Dakila ang P**n, dapat papurihan,
sa lungsod ng Diyos, bundok niyang banal.
Ang Bundok ng Sion, tahanan ng Diyos
ay dakong mataas na nakalulugod.

Lungsod ng D’yos ay matatag
dahil sa bigay n’yang lakas.

Bundok sa hilaga na galak ang dulot,
sa lahat ng bansa nitong sansinukob.
Sa piling ng Diyos ligtas ang sinuman,
sa loob ng muog ng banal na bayan.

Lungsod ng D’yos ay matatag
dahil sa bigay n’yang lakas.

Sa banal na lungsod ay aming namasid
ang kanyang ginawa na aming narinig;
Ang Panginoong D’yos, Makapangyarihan,
siyang mag-iingat sa lungsod na banal,
iingatan niya magpakailanman.

Lungsod ng D’yos ay matatag
dahil sa bigay n’yang lakas.

Sa loob ng iyong templo, O Diyos,
aming nagunita pag-ibig mong lubos.
Ika’y pinupuri ng lahat saanman,
sa buong daigdig ang dakila’y ikaw,
at kung mamahala ay makatarungan.

Lungsod ng D’yos ay matatag
dahil sa bigay n’yang lakas.

ALELUYA
Juan 8, 12

Aleluya! Aleluya!
Sinabi ni Hesukristo:
“Ako ang ilaw ng mundo
at buhay ng alagad ko.”
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 7, 6. 12-14

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Huwag ninyong ibigay sa a*o ang bagay na banal, sapagkat kayo’y babalingan at lalapain nila pagkatapos. Huwag ninyong ihagis sa baboy ang inyong mga perlas sapagkat yuyurakan lamang nila ang mga iyon.

“Kaya gawin ninyo sa inyong kapwa ang ibig ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang kahulugan ng Kautusan ni Moises at ng turo ng mga propeta.

“Puma*ok kayo sa makipot na pintuan; sapagkat maluwag ang pintuan at malapad ang daang patungo sa kapahamakan, at ito ang dinaraan ng marami. Ngunit makipot ang pintuan at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti lang ang nakasusumpong niyon.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Reynald Perez
PAGNINILAY:
Ang Ebanghelyo ngayon ay patuloy na pangangaral ni Hesus tungkol sa pagkakamit ng biyaya ng kaligtasan. Una ay ang relasyon natin sa mga taong katunggali sa paniniwala. Sinabi ni Hesus na huwag nating ibigay sa a*o ang mga banal na bagay, at pati na rin sa mga baboy ang mga perlas. Nais ipahiwatig dito ni Hesus na ang pamumuhay nating mga mananampalataya ay kinakailangang maging maingat at matatag. Hindi natin kinakailangang pilitin sa ibang tao na maniwala sa ating sinasampalatayanan kahit alam natin na ito ang pananiniwalang bigay sa atin ng P**ng Maykapal. Kaya ang mas mainam na gawin ay ang pagpapanatili ng mabuting reputasyon sa pagkakaroon ng mas mabuting relasyon sa mga taong nakatunggali natin. Ikalawa ay ang Ginintuang Aral. Ito ay pinagmulan noong panahon ng dalubhasang si Confucius nang turuan niya ang kanyang mga alagad: “Huwag ninyong gawin sa kapwa ang ayaw ninyong gawin nila sa inyo.” Sinasaad dito na huwag nating gawin ang mga bagay na ikasasama ng ibang tao, upang hindi iyan ang bumalik sa atin. Kaya ang ginawa ni Hesus ay inilahad niya ang positibong paraan: “Gawin ninyo sa kapwa ang nais nilang gawin sa inyo.” Iginiit din niya na ito ang saksi ng Kautusan at ng mga propeta sapagkat hindi pa ito nabatid ng mga Hudyo sa marami na silang batas, 613 ang bilang. Kung hindi nakakabuti ang paggawa ng masama, mas maganda na tayo ay gumawa ng mabuti sa ating kapwa. At ang Ikatlo ay ang pagpa*ok sa makipot na pintuan. Tila nga ba’y mahirap itong gawin, at parang mahirap unawain na ang malawak na daan ay nagdudulot ng kapahamakan. Siguro sa bawat buhay natin ay humahanap tayo ng paraan upang maibsan ang mga problema at pagsubok. Subalit tayo ay pinaaalahanan ni Hesus na ang daan tungo sa kaligtasan ay pagpa*ok sa makipot na pintong iyon. Ito’y nangangahulugang hindi dapat natin tinatakasan ang naturalidad ng buhay. Sinasabi nga sa 4 na maharlikang katotohanan ng Budismo na mayroong pagdurusang laganap sa buhay. Kaya sa ating pananampalatayang Kristiyano, ang tanging paraan ng pagpa*ok sa pinto ay kinakailangan ng pagtiis at pagiging matiyaga ng pananampalataya sa kabila ng napakaraming paghihirap sa buhay. At habang tayo’y nagtitiis ay nawa tayo ay magsikap na patuloy na gawin ang ikakabuti sa kalooban ng ating Diyos Ama at sa ating pakikipagrelasyon sa kapwa.

Address

National Highway
Salug
7114

Website

Alerts

Be the first to know and let us send you an email when Daily Gospel Tagalog posts news and promotions. Your email address will not be used for any other purpose, and you can unsubscribe at any time.

Share