07/08/2025
Feast of the Transfiguration Mt17:1-9; ; Mk9:2-10;Lk9:26b-36 "Umakyat si Jesus sa bundok kasama sina Pedro, Santiago at Juan. Habang Siya ay nananalangin, nakita ng tatlo na nagbago ang anyo ni Jesus. Nagningning sa kaputian ang kanyang kasuotan. At nakita nila sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa Kanya. Sinabi ni Pedro: Panginoon, mabuti pang dito na tayo. Gagawa kami ng tatlong kubol, isa para sa Iyo, isa kay Moises at isa kay Elias. Nasabi ito ni Pedro dahil sa takot.Nililiman sila ng isang maningning na ulap at mula rito ay may narinig na tinig: Ito ang pinakamamahal Kong Anak, pakinggan ninyo Siya. Nang tumingin sila sa paligid, si Jesus na lamang ang kanilang nakita."
Ang pangitaing ito ay nangyari ilang linggo bago maghirap at mamatay si Jesus sa Krus. Alam Niyang mahina pa ang pananalig sa Kanya ng Kanyang mga apostol at pagdumating ang napakabigat na pagsubok, ang Kanyang paghihirap at kamatayan ay babagsak ang kanilang pananalig at magkakawatak-watak sila.
Ang pagbabagong-anyo ni Jesus ay nangyari upang patibayin ang pananalig ng mga apostol. Nakita nila si Jesus bilang Dios at hindi ito nabura sa kanilang puso. Nanghina ang kanilang pananalig ng mamatay si Jesus pero hindi lubusang nawala dahil sa pangataing ito. Nang muling mabuhay ang Panginoon at nagkita-kita sila, bumalik at lalong tumibay ang pananalig nila sa Kanya.
Panginoong Jesus, nagbagong-anyo Ka habang nagdadasal. Narinig ang tinig ng Ama mula sa maningning na ulap: Ito ang minamahal Kong Anak, pakinggan ninyo Siya. Tulungan Mo kaming laging makinig sa Iyong Salita, sa Biblia at sa Banal na Misa, pagnilayan ito sa mataimtim na pagdadasal, nang magbagong-anyo ang aming mga puso at kaluluwa, magningning kami sa kabanalan at mabubuting gawa. CHRISTUS DOMINUS, FILIUM DEI. AMEN.
Ama, bigyan Mo ng kapayapaan ang buong mundo. AMEN.
(Below are some pictures of the of the Transfiguration Church at Galilee, Israel. We celebrated Mass in this Church, in the Chapel of Moises. The other chapel is the Chapel of Elijah. )