14/04/2019
April 14, 2019
MABUTING BALITA
Lucas 23:1-49
Ang Pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesukristo ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon: Tumindig ang matatanda ng bayan, ang mga punong saserdote, at ang mga eskriba. Dinala nila si Hesus kay Pilato. Sinimulan nilang paratangan siya. Anila, “Ang taong ito’y nahuli naming nanunulsol sa aming kababayan na maghimagsik, at nagbabawal ng pagbabayad ng buwis sa Cesar. Pinapaniwala pa niya ang mga tao na siya ang Kristo, isang hari.” At tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” “Kayo na ang nagsasabi,” tugon ni Hesus. Sinabi ni Pilato sa mga punong saserdote at sa mga tao, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito,” Ngunit mapilit sila at ang wika, “Sa pamamagitan ng kanyang mga turo’y inuudyukan niyang maghimagsik ang buong Judea. Nagsimula siya sa Galilea at ngayo’y narito na.”
Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung taga-Galilea si Hesus. At nang malamang siya’y mula sa nasasakupan ni Herodes, kanyang ipinadala siya sa taong ito na noon nama’y nasa Jerusalem. Tuwang-tuwa ito nang makita si Hesus. Marami na siyang nabalitaan tungkol dito at matagal na niyang ibig makita. Umaasa siyang gagawa ito ng kababalaghan at ibig niyang makita iyon. Kaya’t tinanong niya nang tinanong si Hesus, ngunit hindi ito sumagot kaunti man. Naroon ang mga punong saserdote at ang mga eskriba na walang tigil ng kapaparatang kay Hesus. Hinamak siya at tinuya ni Herodes, pati ng kanyang mga kawal. Sinuutan siya ng maringal na damit at ipinabalik kay Pilato. At nang araw ding iyon, naging magkaibigan sina Herodes at Pilato na dati’y magkagalit.
Ipinatawag ni Pilato ang mga pnong saserdote, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tao, at sinabi sa kanila, “Isinakdal ninyo sa akin ang taong ito sa kasalanang panunulsol sa mga tao. Ngayon, siniyasat ko siya sa harapan ninyo, at napatunayan kong walang katotohanan ang mga paratang ninyo sa kanya. Gayon din si Herodes, kaya si Hesus ay ipinabalik niya sa akin. Hindi siya dapat hatulan ng kamatayan – wala siyang kasalanan. Kaya’t ipahahagupit ko lamang siya saka palalayain.” Tuwing Paskuwa, kinakailangang magpalaya si Pilato ng isang bilanggo para sa kanila. Subalit sabay-sabay na sumigaw ang madla, “Patayin ang taong iyan! Palayain si Barrabas!” Nabilanggo si Barrabas dahil sa paghihimagsik na nangyari sa lungsod, at dahil sa pagpatay. Minsan pang nagsalita sa kanila si Pilato, sa pagnanais na mapalaya si Hesus; ngunit sumigaw ang mga tao, “Ipako sa krus! Ipako siya sa krus!” Ikatlong ulit na sinabi sa kanila ni Pilato, “Bakit, anong ginawa niyang masama? Wala akong makitang dahilan upang siya’y ipapatay. Ipahahagupit ko na lamang siya at saka palalayain.” Datapwa’t lalo nilang ipinagsisigawan na dapat ipako si Hesus sa krus; at sa wakas ay nanaig ang kanilang sigaw. Kaya’t ipinasiya ni Pilato na pagbigyan ang kanilang kahilingan. Pinalaya niya ang taong nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay, ayon sa hinihingi nila, at ibinigay sa kanila si Hesus upang gawin ang kanilang kagustuhan.
Nang dala na nila si Hesus upang ipaka, nasalubong nila ang isang lalaking galing sa bukid. Ito’y si Simon na taga-Cirene. Pinigil nila ito at ipinapasan sa kanya ang krus, kasunod ni Hesus.
Sinusundan si Hesus ng maraming tao, kabilang ang mga babaing nananaghoy at nananambitan dahil sa kanya. Nilingon sila ni Hesus at sinabi sa kanila, “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong tangisan. Ang tangisan ninyo’y ang inyong sarili at ang inyong mga anak. Tandaan ninyo: darating ang mga araw na sasabihin nila, ‘Mapalad ang mga baog, ang mga sinapupunang hindi nagdalantao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.’ Sa mga araw na iyo’y sasabihin ng mga tao sa mga bundok, ‘Gumuho kayo sa amin!’ at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ Sapagkat kung ganito ang ginagawa sa kahoy na sariwa, ano naman ang gagawin sa tuyo?”
May dinala pa silang dalawang salarin upang pataying kasama ni Hesus. Nang dumating sila sa dakong tinatawag na Bungo, ipinako nila sa krus si Hesus. Ipinako rin ang dalawang salarin, isa sa gawing kanan at isa sa gawing kaliwa. Sinabi ni Hesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” At nagsapalaran sila upang malaman kung alin sa kanyang kasuotan ang mapupunta sa isa’t isa. Ang mga tao’y nakatayo roon at nanonood; nililibak naman siya ng mga pinuno ng bayan. Anila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas naman niya ngayon ang kanyang sarili, kung siya nga ang Mesiyas, ang hinirang ng Diyos!” Nilibak din siya ng mga kawal, nilapitan at inalok ng maasim na alak. Sinabi nila, “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.” At nakasulat sa ulunan niya sa wikang Griego, Lati at Hebreo, “Ito ang Hari ng mga Judio.”
Tinuya siya ng isa sa mga salaring nakabitin, at ang sabi, “Hindi ba ikaw ang Mesiyas? Iligtas mo ang iyong sarili, pati na kami!” Ngunit pinagsabihan siya ng kanyang kasama, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos? Ikaw ma’y pinarurusahang tulad niya! Matuwid lamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa masama.” At sinabi niya, “Hesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa iyo: ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.”
Nang mag-iikalabindalawa ng tanghali, nagdilim sa buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon. Nawalan ng liwanag ang araw; at ang tabing ng templo’y napunit sa gitna. Sumigaw nang malakas si Hesus, “Ama, sa kamay mo’y ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu!” At pagkasabi nito, nalagot ang kanyang hininga.
Nang makita ng kapitan ang nangyari, siya’y nagpuri sa Diyos. “Tunay ngang matuwid ang taong ito!” sabi niya. Ang nangyaring ito’y nakita ng lahat ng taong nagkakatipon at nagmamasid; at umuwi silang dinadagukan ang kanilang dibdib. Nakatayo naman sa di-kalayuan ang mga kaibigan ni Hesus, pati ang mga babaing sumunod sa kanya mula sa Galilea, at nakita rin nila ang mga bagay na ito.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
"Pagninilay"
Ngayong araw na ito ay sinisimulan natin ang Semana Santa/Mahal na Araw. Sa konteksto ng liturhiya, ang tawag sa simula ng Mahal na Araw ay “Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon”. Makikita natin ang ugnayan ng Maringal na Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem doonsa kanyang Misteryong Paskwal: ang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. Ang unang bahagi ng liturhiya sa Linggo ng Palaspas ay isang masayang pagdiriwang sapagkat inaalala natin kung paanong sinalubong ng mga tao si Hesukristo nang siya’y pumasok sa Jerusalem na nakasakay sa isang a**o. Akalain ng mga tao na ang pagka-Mesiyas niya ay nakasentro sa kapangyarihan, subalit hindi iyan ang nais ipahiwatig niya tungkol sa kanyang misyon. Kaya ang ikalawang bahagi ng liturhiya ay makikita kung bakit buong kababang-loob siyang pumasok sa Banal na Lungsod: isang Hari na hinding humahangad ng kapangyarihan at karangalan, kundi isang Haring nais makapaglingkod at maipamalas ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Kaya ang Unang Pagbasa ay isa sa mga apat na orakulo ni Propetang Isaias tungkol sa Nagdurusang Lingkod ng Diyos. Si Hesus na lingkod at Anak ng Diyos ay tanda ng mensahe ng Ama, at hindi siya kailanma’y nanumbat at nagtanggi nang siya’y pagtawanan, insultuhin, at hagupitin. Alam ni Hesus ang Ama ay palaging nasa kapiling niya. At ipinahayag ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ang “kenosis” o “pagtubos ni Kristo” ay isang pagligtas nang may kababang-loob. Bagamat si Hesus ay Diyos, nagkatawang-tao siya upang maranasan ang kahinaan ng tao subalit hindi nagkasala. Naging masunurin siya sa dakilang kalooban hanggang kamatayan sa Krus, at siya’y pinarangalan ng Diyos upang ang ating abang pagkatao ay maiako patungo sa pagkatao ng Ama. Kaya makikita natin sa salaysay ng “Passion narrative” ang drama ng Misteryong Paskwal ni Kristo sapagkat si Hesus ay nagmahal sa atin hanggang sa kanyang kamatayan sa Krus, at humantong ito sa kanyang Muling Pagkabuhay. Ang pagtitiis ni Kristo ng kanyang mga pagdurusa sa huling sandali ng kanyang buhay ay patunay na ang bawat pagsubok at paghihirap na nararanasan ng tao ay isang panawagan upang mas maging matatag pa ang pananampalataya sa kanya. Kaya sinasabi natin na mas lumalaganap ang grasya ng Panginoon kaysa sa mga kasalanan at paghihirap ng tao. Minahal tayo ni Kristo nang walang kondisyon, at upang ipakita ang patuloy na nagmamahal ng Diyos Ama sa sangkatauhan, inalay niya ang kanyang buhay sa Krus. Kaya ngayong Semana Santa, nawa’y gunitain natin ang Misteryo ng Pagtubos ng Panginoon sa sansinukob sa pagbubukas ng ating mga isip at puso sa mga biyaya ng Diyos upang tayo rin ay tumulad sa halimbawa ni Hesus sa mapagkumbabang paglilingkod sa ating kapwa.