12/08/2023
SINAUNANG PANINIWALA SA KABILANG BUHAY
Naniniwala ang mga sinaunang Pilipino na may buhay pagkatapos ng kamatayan. Naglalakbay ang kaluluwa sa kabilang daigdig para tumanggap ng gantimpala o parusa. Sa langit pupunta ang mabuting kaluluwa na tinatawag na kalualhatian ng mga Tagalog at olagan naman ng mga Bisaya. Pupunta ang masamang kaluluwa sa impierno na tinatawag na kasamaan ng mga Tagalog at solad naman ng mga Bisaya.
Gregorio F. Zaide
Philippine History & Government, pg. 63-64
Sa mga Tagalog may mortal na kaluluwa na tinatawag, diwa ang espiritu ng buhay at lagyo naman ang panloob na kamalayan. Kalagyo ang tawag sa dalawang taong kumuha ng parehong pangalan o “soul mates." May kanya-kanyang espiritung protektor ang bawat tao na ang tawag ay katutubo o bathalang katutubo.
Sa mga Bisaya ang mag-asawa ay muling magkakasama sa kabilang buhay at mag-papatuloy sa mga nakagawiang gawain ngunit hindi na magkaka-anak. Sa ganitong paraan nila gugugulin ang kanilang mga buhay ng siyam na ulit. Muling ipanganganak ng mas maliit sa huling kapanganakan hanggang sa ilibing sa ataul na kasing-laki ng butil ng bigas sa huling reinkarnasyon.
William Henry Scott
Barangay, pgs.238, 93
Sa mga Pinatubo Ayta ang pinakamahalagang esensya ay tinatawag na kaelwa. May hiwalay na kalagayan ang kaelwa at sa katawan ito tumitira. Maaari itong umalis ng panandalian na tulad ng pananaginip o palagian na tulad ng kamatayan. Para sa kanila hindi lahat ng sakit ay gawa ng espiritu tulad ng sipon, ubo, sakit ng ulo at sakit sa balat.
May dalawang kategorya ng mga espiritu ng kalikasan ang mga Ayta ng Pinatubo. Ang isa'y binubuo ng mga anito o mabubuting espiritu at ang isa pa ay ang kamana na binubuo naman ng masasamang espiritu.
Hiromu Shimizu
Pinatubo Aytas, pg.46, 51, 49
Sa mga nabanggit, malinaw na ang mga anito ay mabubuti at hindi masasamang espiritu na gaya ng akala ng marami. Binaligtad lamang ng mga paring Kastila ang bagay na ito sa pagsasabing demonyo ang sinasamba ng mga tao noon sa Lupang Hinirang.
PANANAW SA MASASAMANG ESPIRITU
Noon pa man ang mga katutubo sa Lupang Hinirang ay may sarili ng pananaw tungkol sa masasamang espiritu.
Ayon kay Fray Juan de Placencia noong 1589, si Sitan ang kinikilala nang mga Tagalog na pangulo ng masasamang espiritu, halos kawangki ng Shaitin ng mga Hebreo.
T. Valentino Sitoy Jr.
The Initial Encounter, Vol. I pg. 17
Bukod kay Sitan na halos kawangki ng salitang Satan sa wikang Ingles na siyang kinikilalang pangulo ng mga masasasamang espiritu. May mga masasama ring espiritu na nabibilang sa mababang katayuan at may iba’t ibang kalagayan:
• Hukluban, isang makapangyarihang uri ng mangkukulam;
• matatanggal, mangkukulam na lumilipad at napuputol ang kalahati ng katawan;
• mangagaway, manggagaway na pwedeng manggamot, manakit at pumatay;
• mangasilat, manggagaway na may kakayahan para huwag maibig ang sinuman;
• mangkukulam, lumilitaw sa gabi na parang nagliliyab;
• patianak, isang babae na namatay pagkapanganak na naging hobgoblin o tiyanak;
• silagan, lamanglupa na kumakain ng atay;
• tigbalang, isang espiritu na may pakpak at kumikidnap ng mga lalake;
• uswang, terminolohiya sa lahat ng kumakain ng atay; at
• wiwit o multo.
William Henry Scott
Barangay, pg.241
Maging sa Kabisayaan o iba pang dako ng kapuluan ng Lupang Hinirang ay may mga kinikilala ding masasamang espiritu. Katimbang halos ng pananaw ng mga Tagalog ang pananaw ng marami sa buong kapuluan.
ANG IBA'T IBANG TRIBU SA PILIPINAS AT MGA PARI NOON
Iba-iba ang tribu sa Pilipinas na ang pangkalahatang paniniwala ay mga Animista. Ang mga Judio kung susuriin ay nabibilang din sa mga Animista dahil naniniwala sila na ang Dios ay Espiritu. Sa pangkalahatan maging mga Cristiano ay maituturing na mga Animista dahil sinasabi sa Biblia na ang Dios ay dapat sambahin sa Espiritu (Juan 4:24).
TASADAY: Ang mga Tasaday ay tribu na sa kuweba nakatira sa pinaka-liblib na bahagi nang kagubatan ng Mindanao. Ayaw nilang umalis sa kanilang lugar dahil sa magandang panaginip ng kanilang mga ninuno. Sa kabila ng pagiging mga taong-bundok ang mga Tasaday ay likas ang kabaitan. Hindi sila pumapatay ng hayop sa kagubatan. Sa tuwing huhukay sila o puputol ng halaman, umaawit sila ng pasasalamat sa berdeng bagay sa pagbibigay ng kanilang mga sarili bilang pagkain.
Alice Wellman
Spirit Magic, pg.45
BATAK: Ang mga Batak ng Palawan ay kinikilalang mga Negrito, bagaman Veddoid na tulad ng mga Senoi ng Malay Peninsula ang tingin ng ibang mga awtoridad sa kanila. Gabay ng kanilang pag-uugali ang pananagutan sa pangkat, ang anumang masamang gawa ay maaaring magbunsod ng galit ng mga hindi nakikita (Ang mga Senoi ay tribu na nakabase sa mga panaginip ang paniniwala, ayon kina Dr. Joseph Hart at Dr. Richard Corriere sa aklat na The Dream Makers).
Kahit mga taong bundok, may halimbawa sa Biblia ang paniniwala ng mga Tasaday at mga Batak ng Palawan. Si Apostol Mateo (1:20, 2:12) ay nagsabi na nakipag-ugnayan ang Espiritu kay Jose at sa mga Mago sa panaginip. Sa pagtulog naman ng tao ay nagtuturo ang Dios ayon kay Job (33:15-16).
ANG MGA PARI NOON SA LUPANG HINIRANG
Ang mga pari at mga paring babae ay tinatawag sa iba't ibang pangalan depende sa lengguwaheng ginagamit ng lugar - machaqnito sa mga Ivatan; managanito sa mga Pangasinense; catalonan sa mga Tagalog; baglan sa mga Isneg ng Hilagang Luzon; babaylan o babalyan sa mga Bisaya, baylan sa pangkalahatan sa mga tao ng Mindanao.
T. Valentino Sitoy Jr.
The Initial Encounter, Vol. I pg.18
Mga manggagamot at medium ng mga espiritu ang mga babaylan, nagsasalita sila sa tinig ng mga diwata o ibang espiritu sa ilalim ng trance.
Babae at lalake naman ang mga catalonan. Bilang mga medium, nakikipag-ugnayan sila at nagsasalita sa tinig ng mga espiritu. May mga alalay sila upang makipag-usap sa mga hindi pangkaraniwan at napaglalakbay nila ang sariling kaluluwa upang hanapin ang isang nawawalang kaluluwa. Nagsasagawa sila ng mga seremonya sa publiko para sa kaunlaran at kasaganaan ng komunidad, nagsusuri at gumagamot ng mga karamdaman.
William Henry Scott
Barangay, pg.84, 239
Walang organisadong paraan ng pagpapari. Subalit pinapayapa ng mga babae at lalakeng nanggagamot ang mga espiritung nasa likod ng lakas ng kalikasan. Ito ay sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga hayop. Ang tradisyon ng mga matatanda ay binubuo ng mga kuwento at mga awit na itinuturo sa pamamagitan ng pinagsaling-dila o oral tradition.
H. de la Costa, History
Collier Encyclopedia, Vol.18 pg.695
MEDIUM ANG MGA SINAUNANG PARI SA LUPANG HINIRANG
MAMANUA: Sila ay mga Negrito nang hilagang-silangang Mindanao. Magbabaya ang tawag nila sa lumikha ng daigdig at naniniwala sila sa maraming espiritu. Mga medium at manggagamot ang kanilang mga pari (shaman).
HANUNUO MANGYAN: Naniniwala sila sa mga espiritu na nasa matataas na antas ng kalagayan. Kilala nila ang mga espiritu na kanilang binibigyan ng alay. May mga medium sila para magsagawa ng mga seremonyas sa namatay. Tinatawag nila ang di karaniwan at mga espiritu na makakatulong para makatiyak ng mabuting ani.
MANOBO NG AGUSAN: Hindi pangkaraniwan ang buhay sa kanila. Sa ilalim ng kanilang relihiyosong paniniwala ay may kinikilala silang Makapangyarihan sa lahat at bilang ng mga espiritu ng kalikasan na nasa mas mababang kalagayan. Ang mga pari (shaman) ay nag-aangkin ng importanteng posisyon bilang medium sa pagitan ng tao at mga hindi pangkaraniwan.
SAMA-BAJAW NG SULU: Mga di bayolenteng tao na naniniwala sa daigdig ng mga espiritu. Kinukonsulta nila ang mga medium ng espiritu para magpagamot o magpahula.
E.P. Patanne
The Philippines In the 6th to 16th Centuries
Chapter II, The People, pg.19-38
Malinaw na may umiiral na pananampalataya sa Dios sa Lupang Hinirang maski noon pa. May mga taong nakalaan talaga para sa ganitong paglilingkod. Nagtataglay sila ng mga katangiang higit sa mga paring Kastila na ang talagang layunin ay manakop. Pinalabas pa ng mga paring Kastila na mangmang ang mga katutubo sa Lupang Hinirang. Subalit ang totoo, ginawa lang nilang maging mga mangmang ng sapilitan nilang palitan ang katutubong alpabeto ng alpabetong Kastila. Lahat ng mga kasulatan na naglalaman ng mga katutubong salita ay sinunog ng mga pari at ipinagbawal na gamitin.
Tinangkang burahin ng mga Kastila ang sinaunang kasaysayan ng Lupang Hinirang at ang mga tradisyon nito bilang lahi. Kaya noon, walang katibayan ng pag-aari ng mga lupain na nasusulat sa katutubong salita matangi sa wikang Kastila. Maging mga lupain ay karaniwang naging pag-aari din ng mga lahing-Kastila.
May sarili na ring balangkas ng pamahalaan ang mga tao sa Lupang Hinirang noon pa. Ang ninuno ng mga Pilipino ay mga tao na nagtataglay ng sariling edukasyon, talino at angking kakayahan.
PAMILYA SENTRO NG EDUKASYON AT RELIHIYON
Pamilya ang sentro ng edukasyon at relihiyon bago dumating ang mga Kastila. Nagtuturo na ang mga mamamayan ng lupaing ito sa kanilang mga anak na bumasa at sumulat sa pamamagitan ng alpabetong Malayan. May musika sila at ebidensiya ng ilang makasining na likha. Nagpapakilala ang hagdan-hagdang palayan ng Banaue sa husay ng kakayahan sa inhenyeriya ng mga katutubo. Ang mga sinaunang naninirahan dito ay tiyak na di mga primitibong tao na naghihintay gawing sibilisado ng kulturang Europeo.
Rodney L. Henry
Filipino Spirit World, Pg.5-7
ANG PAMAHALAAN SA SINAUNANG PANAHON
Ang pinakapundamental na yunit noon o estadong etniko ay pinangungunahan ng karadyahan kung di man kaharian o sultanato. Kung nasa lebel na iyon ang isang datu, siya ay hari, lakan, radya o sultan bilang pinunong pulitikal; subalit nananatili pa rin siyang pinunong pang-ekonomiya bilang datu ng kanyang baranggay.
Ang pangalawang haligi ng baranggay ay ang panday. Ispesyalista sa pagpapanday ng bakal o mga kasangkapang gawa sa bakal. Ang datu ay para sa aspetong militar at pang-ekonomiya, ang panday naman ay para sa aspetong teknolohikal.
Ang pangatlong ispesyalista’y ang babaylan mismo. Ang babaylan ang pinakasentral na personahe sa dating lipunang Pilipino sa larangan ng kultura, relihiyon, medisina at lahat ng uri ng teoretikal na kaalaman maging sa mga penomeno ng kalikasan. Sa madaling salita proto-scientist ang babaylan, sa kabila ng kanyang pagkadalubhasa hinggil sa tao at sa Diyos. Sa larangan ng relihiyon siya ang namamahala sa ritwal, maging kung kailan magtatanim o mag-aani man.
Zeus Salazar
Women’s Role in Philippine History: pg.54-57
Pinaniniwalaan na ang mga anito ang namamahala sa lahat: Tulad ng kapanganakan, kamatayan, karamdaman, digmaan, kalikasan, pananim, relasyong espiritual at pantao. Pati na proteksiyon ng pamilya, pamayanan, pangingisda, panganga*o at pagbibigay impormasyon sa mga mahihirap na desisyon. Pinupunan ng mga espiritung ito ang kalikasan sa pamamagitan ng paninirahan sa mga puno, kuweba at mga ilog.
Lubhang nakaayos ang buhay sa ganitong sistema ng paniniwala. Dahil maaaring magalit ang mga espiritu sa anumang paglabag. Sa pamamagitan ng mga sakripisyo napapayapa ang mga espiritu. May iba't ibang anyo ito, depende kung anong dios na nasa mas mababang kalagayan ang papayapain. Maaaring bigas, prutas, langis o tuba ang sakripisyo. Ang adhikain ay para ibalik ang pagpapala ng anito na nalapastangan.
Ang ritwal ng pagsasakripisyo para payapain ang mga anito ay napakahalagang bahagi ng pananaw ng mga sinaunang tao sa Lupang Hinirang. Ang pagsasagawa ng pagsasakripisyo ay karaniwang ginagampanan ng mga babaylan, baylanes o catalonan.
Ang paniniwala na primitibo ang mga tao sa Lupang Hinirang bago dumating ang mga Kastila ay taliwas sa katotohanan. Hindi sila mga mangmang o mga pagano sapagkat may sarili itong kultura, paniniwala at mga tradisyon. Nawasak ang lahat ng ito dahil sa napakahabang panahon ng pananakop ng mga dayuhan.
PAGHAHAMBING: SINAUNANG BATAS AT BATAS NG BIBLIA
Maging ang pundamental na pamantayan sa pagpapairal ng mga panuntunan sa pamayanan noon ay komparatibong maihahambing din sa Biblia. Ang pinakamatandang saligang batas na natatala sa kasaysayan ng Lupang Hinirang ay isinulat ni Datu Sumakwel noong 1250 A.D., kilala ito sa tawag na Maragtas Code. Ang Maragtas ay terminong Sanskrit na ang kahulugan ay Great People o Mga Dakilang Tao sa salitang Tagalog. Mas angkop itong sabihing Mga Dakilang Lahi - dahil sa Lupang Hinirang ang mga katutubo ay binubuo ng iba’t ibang lahi o tribu.
Ang mga sumusunod ang buong teksto ng Maragtas Code:
KODIGONG MARAGTAS
1. Ang pagtangging gumawa sa mga bukid o ang pagtatanim ng anumang halaman para sa pang-araw-araw na pangangilangan ang pinakamabigat na kasalanan, ito ay may karampatang mabibigat na kaparusahan.
(a) Ang tamad na tao ay aarestuhin at ipagbibili sa isang mayamang pamilya para maglingkod bilang alipin. Ito ay upang matutunan ang aral ng paglilingkod at ang kahalagahan ng gawain sa bahay at sa mga bukid.
(b) Kapag siya'y naturuan na sa gawain at natutunan niyang mahalin ito ay ibabalik siya sa kaniyang pamilya. Ang halaga na ibinayad para sa kaniya ay isasauli at hindi na siya ituturing na alipin. Kundi isang taong malaya na muling napasigla ang mga hangarin na mabuhay sa bunga ng sariling pagod.
(c) Ngunit kapag naglaon at natagpuan siyang hindi nagbago sa anumang paraan at nagsasayang lamang siya ng kanyang mga oras na walang ginagawa, muli siyang aarestuhin ng mga maykapangyarihan at ipadadala sa kagubatan. Hindi siya pahihintulutang makihalubilo sa buong komunidad dahil isa siyang masamang halimbawa.
2. Anumang uri ng pagnanakaw ay mahigpit na parurusahan. Ang mga daliri ng magnanakaw ay puputulin.
3. Tanging ang mga makasusuporta lamang sa pamilya o ilan pang mga pamilya ang maaaring makapag-asawa ng higit sa isa at magkaroon ng maraming anak ilan man ang gustuhin.
(a) Ang mahirap na pamilya ay hindi maaaring magkaroon ng anak na higit sa dalawa. Sapagkat hindi nila masusuportahan at mapapalaki ng maayos sa komunidad ang maraming bilang ng mga anak.
(b) Ang anak na hindi masusuportahan ng kanyang mga magulang ay papatayin at itatapon sa ilog.
4. Kung ang isang lalake ay magkaroon ng anak sa isang babae at tumakas dahil ayaw niyang pakasalan, ang anak niya sa babaing ito'y papatayin. Dahil mahirap para sa isang babae na walang asawa na suportahan ang isang bata.
(a) Ang mga magulang ng babae ay itatakwil siya. Ang mga awtoridad sa pamayanan ay hahanapin ang lalake. Kapag siya’y nahuli at patuloy na tumatangging pakasal, papatayin siya sa harap ng anak ng babae na kanyang inabandona. Ang ama at bata ay ililibing sa iisang libingan.
KODIGONG KALANTIAW
Ang ikalawang pinakamatandang saligang batas noon ay ang Kalantiaw Code na isinulat ni Rajah Kalantiaw. Binubuo ito ng labing-walong kautusan:
Unang Kautusan: Huwag mong papatayin, o pagnanakawan, o sasaktan ang matatanda, para huwag malagay sa panganib ng kamatayan ang iyong buhay. Lahat ng lalabag sa kautusang ito ay lulunurin sa ilog na may isang bato o sa kumukulong tubig.
Ikalawang Kautusan: Tiyakin ninyo na ang inyong mga utang sa inyong mga pinuno ay may nakalaang pambayad. Sinumang hindi makatupad ay lalatiguhin ng isandaang ulit sa unang pagkakamali. Kung malaki ang utang, ang kamay ng may utang ay ilulubog sa kumukulong tubig ng tatlong ulit. Sa ikalawang pagkakamali ay papatayin ang may utang sa pamamagitan ng mga suntok.
Ikatlong Kautusan: Sinuman ay huwag mag-aasawa sa napakabatang-batang mga babae o mag-aasawa ng higit sa kaya niyang pangalagaan o maging sobra ang hilig sa pakikipagniig. Sinumang lumabag sa kautusang ito sa unang pagkakataon ay pipiliting lumangoy ng tatlong oras. Sa ikalawang pagkakataon ay ilalagay siya sa kamatayan sa pamamagitan ng mga tulis ng tinik.
Ikaapat na Kautusan: Sumunod at tuparin: Huwag gambalain ang mga libingan; kung dadaan sa harap nila saan man sila naroroon nasa mga kweba man o mga puno ipakita ninyo ang paggalang sa mga patay. Sinuman ang mga lalabag sa kautusang ito ay malalagay sa kamatayan sa pamamagitan ng mga langgam o lalatiguhin ng mga may tulis hanggang kamatayan.
Ikalimang Kautusan: Ang mga kasunduan sa pagpapalitan ng pagkain ay kailangang ganap na tuparin. Sinuman ang mabigong tumupad sa kautusang ito ay lalatiguhin ng isang oras. Sa ikalawang paglabag ilalagay siya sa langgaman sa loob ng isang araw.
Ikaanim na Kautusan: Igalang ang mga banal na lugar, tulad ng mga puno na kinikilalang may kahalagahan at iba pang mga lugar. Sa unang pagkakamali, pagmumultahin ng ginto o pukyutan ang sinuman na katumbas ng isang buwang paggawa. Para sa ikalawang pagkakamali, ang kaparusahan ay limang taon.
Ikapitong Kautusan: Ang parusang kamatayan ay ihahatol sa mga sumusunod: Sinumang pumatay ng mga banal na puno; sinumang pumana ng matatandang lalake at babae sa gabi; sinumang puma*ok ng walang pahintulot sa tahanan ng mga pinuno; sinumang pumatay ng mga pating o ng mga buwayang may guhit.
Ikawalong Kautusan: Pagkaalipin sa loob ng isang taon ang parusa sa sinumang magnakaw ng mga asawa ng mga pinuno; sa pag-aalaga ng a*o na kumagat sa mga pinuno; sa panununog sa pananim ng iba.
Ikasiyam na Kautusan: Bubugbugin sa loob ng dalawang araw: Sinumang kumakanta habang naglalakad sa gabi; sinumang papatay sa mga ibon na tinatawag na Manaul; sinuman ang sumira sa talaan ng mga pinuno; sinumang mandaya na may masamang hangarin; sinuman ang magbiro sa patay.
Ikasampung Kautusan: Tungkulin ng ina na turuan sa lihim ang kanyang mga anak na babae sa pangkasariang kalinisan, gayundin ang paghahanda sa kanila sa pagiging isang ina. Ang mga lalake ay kailangang parusahan ang kanilang mga asawa kapag nahuli sa kasalukuyan ng pangangalunya. Sinumang lumabag sa kautusang ito ay puputulin sa mga pira*o at ihahagis sa mga buwaya.
Ikalabing-isang Kautusan: Ang mga sumusunod ay susunuging buhay: Sinuman na sa pamamagitan ng lakas o katusuhan ay makatakas o makaiwas sa kaparusahan; sinumang pumatay ng mga napakabatang-bata; sinumang magtangkang nakawin ang mga asawa ng mga matatandang lalake.
Ikalabindalawang Kautusan: Ang mga sumusunod ay lulunurin: Ang mga alipin na lumusob sa kanilang mga pinuno o mga may-ari at panginoon; ang lahat ng mga mahahalay; sinumang pumatay sa kanilang mga idolo sa pamamagitan ng pagbasag o pagtatapon sa kanila.
Ikalabintatlong Kautusan: Ang mga sumusunod ay ilalagay sa langgaman sa loob ng kalahating araw: Sinumang pumatay ng mga pusang itim kung bagong buwan; sinuman ang mang-umit ng anumang bagay mula sa kanilang mga pinuno o sa mga matatanda gaano man kawalang halaga.
Ikalabing-apat na Kautusan: Ang mga sumusunod ay hahatulan ng pagkaalipin habang-buhay: Sinumang tumanggi na ipakasal ang kanilang magagandang anak sa mga anak na lalaki ng mga pinuno o itago sila na may masamang hangarin.
Ikalabinlimang Kautusan: Tungkol sa paniniwala at mga pamahiin. Ang mga sumusunod ay lalatiguhin: Sinumang kumain ng masamang karne ng mga banal na insekto o mapakikinabangang mga halamang gamot; sinumang manakit o pumatay ng mga sisiw ng Manaul at mga puting unggoy.
Ikalabing-anim na Kautusan: Ang mga daliri ng mga sumusunod ay puputulin: Sinumang magwasak ng idolo na mga gawa sa kahoy o putik na nasa kanilang mga altar. Sinumang sumira sa panusok na ginagamit ng mga babaylan sa pagsa-sakripisyo ng mga baboy o bumasag ng mga sisidlan ng alak (Bagaman may kautusan tungkol sa mga altar at mga idolo, para ito sa mga anito at hindi sa Makapangyarihang Dios. Ang mga anito ay hindi inaalayan sa altar dahil ang pag-anito o paghingi ng tulong ay ginagawa sa parang o sa mga puno ng balete).
Ikalabing-pitong Kautusan: Ang mga sumusunod ay ilalagay sa kamatayan: Sinumang lumapastangan ng mga lugar kung saan ang mga banal na bagay na may kaugnayan sa kanilang mga dios o mga pinuno ay matatagpuan. Sinumang magsagawa ng mga pangangailangan sa mga lugar na ito ay susunugin.
Ikalabing-walong Kautusan: Sinumang lumabag sa mga kautusang binanggit, kung sila’y mga matatanda ay itatapon sa ilog para kainin ng mga pating at mga buwaya.
RAJAH KALANTIAW
Pangatlong Pinuno
Aklan Panay
Ang mga batas ng barangay ay ginagawa ng mga datu sa tulong ng mga matatanda. Sa ka*o ng mga kompederasyon, isinasagawa ito ng nakatataas na datu sa tulong ng mga tagasunod o datu na nasa mas mababang kalagayan.
Gregorio F. Zaide
Cultural History pg. 60-63
Ang mga nabanggit ang pamantayan kung bakit napakababait ng mga sinaunang tao sa Lupang Hinirang dahil natiis nilang maging alipin sa loob ng 377 taon. Kaapihang bunsod ng relihiyon ang dahilan kaya lamang sumiklab ang malawakang rebolusyon noong Agosto 26 taong 1896.
PAGHAHAMBING: SINAUNANG BATAS AT SINASABI NG BIBLIA
Ang saligang batas noon ng mga katutubo sa Lupang Hinirang kahit ikumpara sa kautusan ng Lumang Tipan ay hindi nalalayo. Mas mahigpit pa nga ang kautusan ni Moises kung tutuusin, dahil sa halos lahat ng mga pagsuway ang hatol ay babatuhin hanggang kamatayan (Bilang 15:35-40).
ANG MGA KAPARUSAHANG ITINAKDA SA LUMANG TIPAN
Ang sumakit sa isang tao, na ano pa’t mamatay ay papataying walang pagsala.
At kung hindi sinasadya ng isang tao, kundi ang Dios ang naghulog sa kaniyang kamay; ay lalaanan kita ng isang dako na kaniyang tatakasan.
At kung magtangka ang sinoman sa kaniyang buhay, na pumatay na may daya, ay alisin mo siya sa aking dambana upang patayin.
At ang sumakit sa kaniyang ama o sa kaniyang ina ay papataying walang pagsala.
At ang magnakaw ng isang tao, at ipagbili, o masumpungan sa kaniyang kamay, ay papataying walang pagsala.
At ang lumait sa kaniyang ama, o sa kaniyang ina ay papataying walang pagsala.
At kung may magbabag, at saktan ng isa ang isa, ng bato o ng kaniyang suntok, at hindi mamatay kundi mahiga lamang sa banig.
Kung makabangon uli at makalakad sa tulong ng kaniyang tungkod ay ligtas nga yaong sumakit sa kaniya; pagbabayaran lamang niya ang panahong nasayang, at kaniyang pagagalinging maigi.
At kung saktan ng sinoman ang kaniyang aliping lalake o babae, ng tungkod at mamatay sa kaniyang kamay; ay parurusahan siyang walang pagsala.
Gayon ma'y kung tumagal ng isang araw o dalawa, ay hindi siya parurusahan: sapagka't siya'y kaniyang salapi.
At kung may magbabag at makasakit ng isang babaing buntis, na ano pa't nakunan, at gayon ma'y walang karamdamang sumunod: ay tunay na pagbabayarin siya, ayon sa iaatang sa kaniya ng asawa ng babae; at siya'y magbabayad ayon sa ipinasiya ng mga hukom.
Datapuwa't kung may karamdamang sumunod, magbabayad ka nga ng buhay kung buhay,
Mata kung mata, ngipin kung ngipin, kamay kung kamay, paa kung paa, Pa*o kung pa*o, sugat kung sugat, bugbog kung bugbog.
EXODO 21:12-25
MGA KATUTUBONG KAUGALIAN AT AKLAT NG GENESIS
Sa kaugalian man ay may pagkakapareho ang mga sinaunang Pilipino sa mga Hebreo sa panahon ng aklat ng Genesis:
Ginampanan ni Cain at Abel ang paghahain (Genesis 4:3-4) at maging ni Noe (Genesis 8:20), bago pinanabog ng Dios ang wika sa buong lupa (Genesis 11:1-9).
Ang mga katutubo sa Lupang Hinirang noon ay nag-aalay para sa kapayapaan at upang ang mga anito ay mamagitan sa Dios.
Noon wala pang kautusang nasusulat bagaman may tagapangaral ng katwiran ng Dios (II Pedro 2:5). 1400 B.C. lamang ibinigay ng Dios kay Moises ang mga kautusang nasusulat:
Ang mga sinaunang tao sa Lupang Hinirang ay may katutubong kautusan, gabay nila ang likas na paggalang sa mga espiritu at paniniwala na may Makapangyarihang Dios na sinasamba sa Espiritu. Isang katwiran ng Dios na matatagpuang nakasulat sa Bagong Tipan dahil hinahanap ng Ama ang mga sasamba sa Kanya sa Espiritu at katotohanan (Juan 4:23).
Noon totoong malayo ang Dios sa tao, dahil sinabi Niya na hindi makikipagpunyagi ang Kanyang Espiritu sapagkat ang tao’y may laman (Genesis 6:3). Mga anghel ang nakaka- ugnayan ng mga tao noon na may mas mababang kalagayan kaysa Dios. Sila ang malapit sa mga tao at nagkaanak pa nga sa mga anak na babae ng tao (Genesis 6:1-4).
Ang mga katutubo sa Lupang Hinirang noon ay naniniwala na may isang Dios na Makapangyarihan sa lahat na malayo sa tao. Sa mga anito lamang Siya nakikipag-usap. Kaya sa mga anito na nasa mas mababang kalagayan sila dumudulog at naghahain upang mamagitan para sa kahilingan nila sa Dios.
KONSENSYA KATUTUBONG KAUTUSAN NA NASA TAO
May taglay at likas na paggalang sa mga espiritu ang mga sinaunang tao sa Lupang Hinirang. Gabay nila ang katutubong kautusan na umiiral sa tao mismo. Ang bagay na ito ay nasusulat at sinasabi din naman nang Bagong Tipan:
ANG KAUTUSANG KATUTUBO O LIKAS SA TAO
Sapagka't kung ang mga Gentil na walang kautusan sa katutubo, ay nagsisi-gawa ng mga bagay ng kautusan, ang mga ito, na walang kautusan, ay siyang kautusan ng kanilang sarili;
Na nangagtatanyag ng gawa ng kautusang nasusulat sa kanilang puso, na pinatotohanan ito pati ng kanilang budhi, at ang kanilang mga pag-iisip ay nangagsusumbungan o nangagdadahilanan sa isa't isa.
ROMA 2:14-15
“Sapagka't kung ang mga Gentil na walang kautusan sa katutubo ay nagsisigawa ng mga bagay ng kautusan...." Hango ito sa Bibliang Ingles na "For when the Gentiles, which have not the law, do by nature the things contained in the law...." Mula sa salitang Ingles na "nature" ang salitang "katutubo" na hinango naman sa wikang Griyegong "Phusis," likas o natural sa pagkatao ang ibig sabihin nito. Sa pamamagitan ng kalikasang ito nagtatalo ang isipan at damdamin ng tao.
Ang tawag dito ay konsiyensya. Ang mga walang konsiyensya o mga walang budhi ay kabilang sa mga tao na nabuhay o namumuhay pa sa lupa na nagpapakalayaw lang, nagsasamantala o labis na nagpapakasama lang sa pangkasalukuyang buhay nila sa mundo.
Bukod sa katutubong kautusan, may katwiran ngayon ang Dios na sinasaksihan naman ng kautusang nasusulat ayon sa mga propeta: Ito’y ang pananampalataya kay Jesucristo (Roma 3:21-22) - para maihatid ang tao sa isang daang bago na nabuksan dahil sa Kanyang naging pagpapakasakit at kamatayan sa krus (Hebreo 10:19-22).
Ang mga kaloob na ayon sa Biblia ay katangian na ng mga sinaunang pari sa Lupang Hinirang noon pa, ang mga babaylan, catalonan atbp. Subalit ngayong panahon na ng pagbabago ang lahat ay kailangang sumunod sa mga aral ng Biblia at pasakop sa Dios sa Pangalan ng Panginoong Jesucristo.
Mula sa sinaunang paniniwala - kung makikilala ng mga katutubo sa Lupang Hinirang si Cristo at susunod sila sa mga aral ng Panginoon na nasa Biblia. Lalandas sila sa isang daang bago na may higit at malinaw na pagkakilala sa Dios. Kaya mula sa anag-ag na pagkakilala sa Dios ang lahat ay maglilinaw na tulad ng salamin. Sapagkat hinahanap din ng Dios ang mga tunay na sasamba sa Kanya sa Espiritu at katotohanan (Juan 4:21-23).
MEDIUM ANG MGA ALAGAD NG DIOS
Ang pagiging medium sa espiritu ng mga babaylan at mga catalonan atbp. ay hindi rin masasabing labag sa Biblia. Sapagkat walang karapatan ang sinuman na magsabi na masama ang isang espiritu kung mabuti ang ginagawa. Para masiyasat kung mabuti o masama ang isang espiritu dapat ay bukas ang mata ng tao sa mga bagay na hindi nakikita ng karaniwang mata. Ang mga tao na may ganitong katangian ay nakikita kung banal, mabuti o kaya’y masama ang espiritu na lumalangkap sa isang medium.
Dios ang nagbibigay ng mabuting Espiritu (Nehemias 9:20), kaya maging ang Biblia ay nagsasabi na ang mga lingkod ng Dios ay mga medium din na gaya ng mga sumusunod:
• Mga medium sina Moises at Aaron dahil sumasa-bibig nila ang Dios (Exodo 4:15);
• Medium si Josue dahil kinakasihan ng Espiritu (Bilang 27:18);
• Medium si Ezekiel dahil sumasakanya ang Espiritu at nagsasalita sa kanya (Ezekiel 2:1-2);
• Medium si Daniel dahil isang marilag na Espiritu ang nasa kanya (Ezekiel 2:1-2);
• Totoong may mga medium dahil sinasabi na "Ang Espiritu rin ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo ay mga anak ng Dios (Roma 8:16)."
• Utos din sa mga alagad ng Dios na magpagaling ng mga maysakit at magpalayas ng mga demonio ng walang bayad (Mateo 10:5-8).
ANG PAGWASAK NG MGA KASTILA SA LUPANG HINIRANG
Para ganap na sakupin ang mga katutubo sa Lupang Hinirang. Ang ginawa ng mga Kastila ay pinalitan ang sinaunang baybayin ng Latinong alpabeto. Unti-unting winasak ng relihiyon at pamahalaang Kastila - ang pundasyon nang edukasyon at relihiyon ng mga sinaunang tao sa Lupang Hinirang na nag-uugat sa pamilya. Sa kalagitnaan ng ikalabing-walong siglo madalang na ang nakakabasa at nakakasulat ng katutubong salita.
"Lahat sila ay bumabasa at sumusulat ng ating mga letrang Kastila ngayon," ang wika nang paring si Sebastian Totanes noong 1745.
Ang mga misyonaryong Kastila ay walang habas na winawasak ang lahat ng inaakala nilang mula sa demonyo at pinapalitan ng sarili nilang literatura (Kay Magellan inumpisahang sunugin ang mga tanda sa kasaysayan ng mga katutubo sa Lupang Hinirang, Barangay pg.86).
ANG SALITA NI G*T. ANDRES BONIFACIO:
"Ang mga Pilipino noon ay pinamamahalaan ng tunay nating mga kababayan bago dumating ang mga Kastila. Namumuhay na may dakilang kaunlaran at kasaganaan, bata at matanda, maging ang mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng sinaunang alpabeto na mula sa atin."
ANG SALITA NG PAMBANSANG BAYANI NA SI JOSE RIZAL
Hindi basta nobela ang Noli Me Tangere. Isinulat ito ni Dr.Jose Rizal sa dakilang pintor na si Felix Ressureccion Hidalgo. Ayon kay Rizal:
"Noli Me Tangere,” mula sa evangelio ni Lucas (6:19), "Huwag mo akong salingin” ang ibig sabihin: Naglalaman ang aklat ng mga bagay na walang sinuman sa atin na nagsalita hanggang ngayon. Napakaselan nila na hindi maaaring mahawakan ninuman. Sa ganang akin tinangka kong gawin ang bagay na walang sinumang gustong gumawa. Sinubukan kong sagutin ang mga paghamak na ibinunton sa atin at sa ating bansa ng maraming siglo. Inilarawan ko ang kalagayan ng tao, ang buhay, ang ating paniniwala, ang ating pag-asa, ang ating mga hangarin, ang ating mga daing, ang ating mga luha. Inilantad ko ang pagkukunwari na nasa ilalim ng balatkayo ng relihiyon, dumating upang tayo'y pahirapan at lapastanganin; natutunan kong makilala ang tunay na relihiyon mula sa mali, mula sa pamahiin, mula doon sa mga humahadlang sa banal na salita upang kumatas ng salapi, para paniwalain tayo sa panggagaway, kung saan mapapahiya ang Katolisismo kung ito'y alam nila."
Teodoro A. Agoncillo
History of the Filipino People pg.96, 100, 139-140
REBELYON NA KAUGNAY NG RELIHIYON
Mapang-aping relihiyon at mapang-aping Cristo ang ipinakilala ng mga Kastila sa Lupang Hinirang. Marami silang mga aral na hindi tumutugon sa Biblia. Pang-aapi ang pangunahing dahilan kung bakit maraming katutubo ang nagpatuloy at ang iba naman ay nagbalik sa sinaunang paniniwala.
Tulad ng naging katwiran ng isang matalinong Bisaya sa paring si Alcina:
"Padre, di kami nag-aalinlangan na magkakaroon ng isang kalangitan para sa mga Kastila pero hindi para sa mga Bisaya. Dahil nilikha kami ng Dios sa bahaging ito ng mundo na masyadong kakaiba sa iyo; simula pa ay nakikita na natin na hindi kami pinapayagan ng mga Kastila na maupo sa kanilang mga bahay dito, o pagpakitaan kami ng kahit anumang paggalang. Gaano pa kaya doon kung saan sinasabi mo na puro karangyaan, maharlika at walang hanggan ang kaluwalhatian?"
William Henry Scott
Barangay, pg. 93
Ang sinaunang pananaw at paniniwala sa Lupang Hinirang ay hindi ganap na nagbago kahit sa panahon ng pananakop ng mga Kastila. Kahit nang magkaroon na ng mga Konsulado ng iba't ibang bansa tulad; nang Rusya at Amerika (1817), Pransiya at Alemanya (1835), Britanya (1844) at Japan (1888). Nagpatuloy ang tradisyon ng mga matatanda sa pamamagitan ng sali't saling sabi.
"Ang mga paniniwalang relihiyoso at iba pa ay hindi naalis kahit sa pagdating ng Kanluraning sibilisasyon. Ginagawa ang karamihan sa kanila sa likod ng mga Cristianong Misyonaryo, ang resulta naging kaagapay ito ng Katolisismo. Nanatili ang mga elemento ng paganismo at pina*ok nito ang bagong relihiyon. Ngayon, sa malalayong pook o ilang malalaking siyudad ang Katolisismo ay isang kataka-takang pagsasanib ng Cristianismo at paganismong paniniwala. Kaya kakaiba ang Katolisismong Pilipino.”
Teodoro A. Agoncillo
History of the Filipino People, pg.116, 48
PAGPASOK NG ARAL KATOLISISMO AT PROTESTANTISMO
Ang mga aral ng Katolisismo ay akma lamang sa pangangailangan ng mga sinaunang tao sa Lupang Hinirang matapos ang kamatayan. Subalit hindi sa pang-araw-araw na pangangailangan, kung saan nakaugnay ang espiritu sa lahat ng mga bagay sa kanilang buhay. Walang teolohiya ang Katolisismo sa kalikasan, pangingisda, panganga*o, kung saan magtatayo ng bahay at lalung-lalo na kung paano lulunasan ang mga karamdamang likha ng mga espiritu.
Dalawang uri lang ng espiritu ang kinikilala ng Katolisismo, ang mabuti at masama o ang mga espiritu ng kabanalan at mga espiritu ng kadiliman. Ang pagtanggap sa mga rebultong santo ng Simbahang Katoliko ay naging madali dahil na rin sa paniniwala ng mga sinaunang tao noon sa mga anito. Subalit hindi sa isang Dakilang Dios na sinasamba sa Espiritu.
Nang puma*ok ang Protestantismo sa panahon ng mga Amerikano, ang naging hangarin ng mga ito ay ialis sa Katolisismo ang mga Pilipino. Subalit tulad din ito ng Katolisismo na walang teolohiya sa kalikasan, pangingisda, panganga*o, kung saan magtatayo ng bahay o kung paano gagamutin ang mga espiritual na karamdaman. Dadalawang uri din ng espiritu ang kinikilala ng mga Protestante, ang mga banal at ang mga demonyo. Wala din itong pananaw tungkol sa mga espiritu ng kalikasan.
Muling naganap ang kakaibang pagsasanib ng sinaunang paniniwala at ng bagong relihiyon. Lumapat ang Protestantismo sa pananaw ng mga sinaunang Pilipino na ang Dios ay Espiritu, subalit hindi sa paniniwala sa iba't ibang uri ng espiritu (Mababasa ang malaking bahagi nito sa aklat ni Rodney L. Henry, ang The Filipino Spirit World).
Ang hindi paniniwala sa mga espiritu ng kalikasan ang isa sa mga dahilan kaya ayaw tanggapin ng mga Lumad ang mga aral ng mga paring Katoliko. Sa kanilang pananaw, higit itong nakapinsala sa kanila kaysa nakatulong. Humingi ng paumanhin ang Simbahang Katoliko sa mga tribung ito na nalathala sa pahayagang The Daily Inquirer noong Agosto 6, 1997.
RELIHIYOSONG REBELYON LABAN SA MGA KASTILA
Dahil sa hindi maka-taong pag-trato ng Pamahalaang Kastila lalo na ang mga paring Kastila, maraming katutubo ang nagbalik sa sinaunang paniniwala at nagbunsod ng rebelyon:
• Ang babaylan na si Tamblot na nagbalik sa sinaunang paniniwala na nagrebelde noong taong 1621-1622.
• Ang buong lugod na tumanggap kay Miguel Lopez de Legazpi noong 1565 na si Datu Bankaw ng Limasawa kasama ang babaylan na si Pagali. Binautismuhan si Datu Bankaw ng kanyang kabataan ngunit nagbalik sa sinaunang paniniwala ng tumanda at nagbunsod ng rebelyon.
• Maraming nagsibalik sa kanilang sinaunang paniniwala sa halip na yakapin ang bagong relihiyon: sina Miguel Lanab at Alababan noong 1625-27, si Tapar noong 1663, si Francisco Rivera noong 1718, at si Ermano Apolinario de la Cruz noong 1840-41, at ang mga Igorot ng Cordilleras.
Teodoro A. Agoncillo
History of the Pilipino People, pg. 104-105
Hindi maikakaila na nanatili ang sinaunang paniniwala ng mga katutubo sa Lupang Hinirang sa kabila ng paghihigpit ng mga Kastila. Naging grupo ng mga rebelde ang mga babaylan ng Bohol sa pangunguna ni Isio. Subalit itinuring niya ang kanyang sarili na gaya ng Papa sa Roma, kasabay ng pagyakap sa sinaunang paniniwala (Babaylanism in Negros, ni Evelyn Tan Cullamar).
Ang halimbawa ni Isio ang dahilan kaya may mga babaylan na may mga rebulto ngayon. Bagamat sinauna ang paraan ng kanilang panggagamutan ang paniniwala nila sa Dios ay hango sa pananaw ng Katolisismo. Kaya mahirap silang ituring o mas angkop na sabihing hindi na sila maituturing na mga Animista.
ANG KASAYSAYAN NG ESPIRITISMO SA MUNDO
Sa Europa ang Espiritualismo ay orihinal na nagmula sa ilalim ng pangalang Espiritismo. Ang doktrina ng reinkarnasyon ay may mahalagang posisyon sa mga pagtuturong espiritual na inihayag sa mga unang mga kasapi ng kilusang Espiritista. Marami ang mga tumututol sa pananaw na ito dahil sa paniniwalang Cristiano.
Nagbunsod ito ng pagkakaroon ng pangkat na tumututol sa reinkarnasyon at tinawag ang kanilang mga sarili na Espiritualista. Ang mga patuloy na tumatanggap sa reinkarnasyon ayon sa presentasyon na pinagsama-sama ni Allan Kardec sa “The Spirits’ Book” ay patuloy na tinawag ang kanilang mga sarili na mga Espiritista. Espiritismo pa rin ang pinakamalawak na relihiyosong pananaw sa Brazil.
Donald Watson
The Dictionary of Mind and Spirit, pg. 320
ESPIRITUALISMO AT PILOSOPIYA
Sa pilosopiya, katangian ang anumang sistemang pangkaisipan na naniniwalang may realidad na hindi materyal ngunit wala sa hinagap ng mga damahin. Ang ibig sabihin, yumayakap ang espiritualismo sa napakalawak na kaayusan na labis na nagpapaunlad sa pilosopikal na pananaw.
Higit na angkop, iniuugnay ito sa anumang pilisopiyang tumatanggap ng opinyon tungkol sa isang walang hanggan, personal na Dios, imortalidad ng kaluluwa, o kawalan ng anyo ng kaisipan at hangarin.
Ang espiritualismo sa kahulugan ay hindi nagsasabi ng anuman tungkol sa materya, kundi sa kalikasan ng isang Makapangyarihan sa Lahat o isang pandaigdigang lakas o ang eksaktong kalikasan ng espiritual na realidad mismo.
Maituturing na si Plato ay isang espiritualista dahil sa kanyang pananaw sa kaluluwa, gayundin si Aristotle sa pagkaalam ng aktibo at hindi aktibong kaunawaan at pananaw na ang Dios ay aktualisasyon (kaalamang kumikilala sa sarili).
Si Rene Descartes na karaniwang tinatanggap na ama ng modernong pilosopiya ay tinatanaw ang kaluluwa na katangi-tanging pinagmumulan ng mga pagkilos, kaiba ngunit kumikilos sa loob, isang katawan.
Encyclopedia Britannica CD99
PAGBABALIK TANAW KAY ALLAN KARDEC
Leon-Denizarth-HippolyteRivail, higit na kilala sa kanyang pangalan sa panulat na Allan Kardec, ipinanganak sa Lyons noong ika-4 ng Oktubre 1804, mula sa kilalang pamilya ng mga mahistrado. Ipinanganak sa isang Katolikong bansa subalit aral sa isang Protestante. Siya’y isang abogado, eskolar at astronomer. Siya’y aktibong bahagi sa mga paggawa ng Society of Magnetism, at labis na nag-ukol ng oras sa praktikal na pagsisiyasat ng sonambolismo, trance, clairvoyance at iba’t ibang penomena.
1850 nang ang iba’t ibang penomeno ay pumukaw sa Europa na simula pa ay kilala na bilang espiritista. Pagkakita ng napakalaking kahalagahan nito sa agham at relihiyon, maagap ngunit maingat na siniyasat ni Leon ang tunay na kalikasan ng penomena.
May kaibigan siya na may anak na dalawang babae na naging mga medium. Kapag sila’y naka-aktong medium at mga kaedad ang kasama, ang mga komunikasyon ay may kaugnayan sa sanlibutan ayon sa kanilang mga pananaw at desisyon. Subalit kapag siya’y naroroon, ang mga mensahe sa pamamagitan ng dalawang kabataang medium ay masyadong malalim at seryoso ang karakter.
Sa pagtatanong ay sinabi: Mga espiritu na nasa mas mataas na antas ng kalagayan kaysa karaniwang nakikipag-ugnayan ang dumarating dahil sa kanya, at patuloy nila itong gagawin para magampanan niya ang isang relihiyosong misyon.
Agad niyang sinubukan ang katotohanan nito sa pamamagitan ng mga progresibong katanungan na may kaugnayan sa iba’t ibang suliranin ng tao at ng sandaigdigan, ang kasagutan ang naging basehan ng teoryang espiritista.
Nang hangarin niya na isulat ang mga naging komunikasyon ay sinabi sa kanya: “sa aklat kung saan iyong kakatawanin ang aming mga turo, ibibigay mo bilang ating gawa kaysa iyo, ang titulong Le Livre Des Esprits (The Spirits Book); at isasa-publiko mo ito hindi sa ilalim ng iyong pangalan, kundi sa pangalan sa panulat na Allan Kardec.”
Matapos na maisapubliko ang aklat, itinatag ni Allan Kardec ang The Parisian Society of Psychologic Studies, sa hangaring matamo sa pamamagitan ng mga medium ang kapaliwanagan sa katotohanan ng tungkulin.
Maraming mga katulad na a*osasyon ang dagling nabuo sa buong mundo. Maraming mga isinapublikong lathalain ang naipadala sa Parisian Society. Isang napakalaking koleksyon ng aral-espiritu ang sumakamay ni Allan Kardec, sa loob ng labing-limang taon. Mula sa mga materyales na ipinadadala sa kanya sa bawat sulok ng mundo, napalaki at nakumpleto niya ang The Spirits’ Book.
Ang binagong edisyon ng The Spirit’s Book ay lumabas noong taong 1857; ang The Mediums’ Book naman ay lumabas noong taong 1861; The Gospel as Explained by Spirits noong 1864; Heaven and Hell noong 1865 at Genesis noong 1867.
Mapapansin na sa mga naisagawa, si Allan Kardec ay hindi medium kundi inobliga ang sarili sa pagpapalawak sa pagka-medium ng iba para sa pagtatamo ng kahayagang-espiritual.
Ang kamatayan ni Allan Kardec ay hindi nakabawas sa kanyang sinimulan, kundi naging basehan ng pagbabago ng relihiyosong pananaw ayon sa prediksyon ni Cristo.
Anna Blackwell
The Spirits’ Book, Preface
ANG KASAYSAYAN NG CRISTIANO ESPIRITISMO SA PILIPINAS
Ang Espiritismo Cristiano (Christian Spiritism) sa Pilipinas ay masasabing isang sangay na nag-umpisa ng rebolusyon noong 1896. Ang mga pangunahing Cristianong Espiritista na nagtatag ng Espiritismo sa Pilipinas ay mga Rebolusyonaryong Katipunero. Sila ay sina Juan Alvear ng San Fabian Pangasinan at Agustin de la Rosa ng Maynila na parehong aktibong Katipunero noong rebolusyon ng 1896.
Si Agustin De la Rosa ang naging unang presidente ng Union Espiritista Cristiana noong 1905, ito ay matapos magsanib ang mga Espiritista ng Pangasinan, Maynila at mga probinsya ng Katagalugan. Nasa pangunguna ni Alvear ang Pangasinan at nasa pamumuno naman nina De la Rosa at Casimiro Pena ang Maynila, kasama na ang mga probinsya ng Katagalugan.
Sa panahon ni Aguinaldo nagsanga sa tatlong pangkat ang rebolusyon sa Pilipinas:
Ang grupo ni Aguinaldo ay nagpatuloy sa armadong pakikibaka.
Ang grupo naman ni Gregorio Aglipay ay nagpatuloy ng krusada para sa kalayaan ng Pilipinas sa pamamagitan ng simbahan. Sila ay kumalas sa kontrol ng Vatican. Si Aglipay ang naging unang obispo ng Iglesia Filipina Independiente.
Binubuo naman ang ikatlong grupo ng mga unang Cristianong Espiritista, na nasa pangunguna nina Juan Alvear, Agustin De la Rosa at Casimiro Pena.
Juanito M. Beo, The Historical Roots of Christian Spiritism
Faith Healing & Psychic Surgery II
The Phil. Society for Psychical Research Foundation Magazine
PASIMULA NG MGA CENTRO NG ESPIRITISMO SA PILIPINAS
Taong 1900 sa atas ng Banal na Espiritu, si Don Agustin dela Rosa at ang kanyang mga kasamahan ay nagtatag ng kaunaunahang Centro ng Espiritismo sa Lungsod ng Maynila. Dito nila regular na isinasagawa ang paglilingkod espiritual na sumasamba sa Dios sa Espiritu at Katotohanan. Pinalaganap nila ang Espiritismo sa ibang lugar at habang nadadagdagan ang naniniwala, dumadami din ang mga Centro ng Espiritismo. Lumaganap ito sa mga lalawigan ng Rizal, Bulacan, Pampanga, Cavite, Laguna, Batangas at Timog Quezon.
Taong 1903 sa atas ng Banal na Espiritu itinatag naman ni Don Juan Alvear ang unang Centro ng Espiritismo sa kanyang sariling bayan sa San Fabian, Pangasinan. La Perseverancia ang pangalan na ibinigay ng Banal na Espiritu sa Centro. Simula dito, lumaganap pasilangan ang Espiritismo sa ibang mga bayan ng Pangasinan, Tarlac, Nueva Ecija, Hilagang Quezon, Nueva Viscaya hanggang Ilocos region, Cagayan Valley, Mountain Province at pagkatapos ay sa Visayas at Mindanao.
ANG PAGKAKATATAG NG UNION ESPIRITISTA CRISTIANA
Pebrero 19, 1905, nagpasiya ang kapatiran ng Espiritismo sa Pangasinan na pag-isahin ang kanilang samahan na kasama ang mga taga-Maynila. Nagpadala si Don Juan Alvear ng mga kinatawan upang gampanan ito sa pangunguna ni Florentino Soriano at Alejo Baltazar para magkaroon ng pagpupulong sa Maynila.
Ngunit nagpasiya si Agustin dela Rosa at mga kasama na huwag madaliin ito. Gusto muna nilang siyasatin patunayan at pag-aralang mabuti ang katotohanan, unang-una na ang tungkol sa Banal na Espiritung protektor. Makaraan ang mahigit tatlong taon matapos matiyak ang katotohanan ng mga aral ng Banal na Espiritung protektor, nakumbinsi ni Don Agustin dela Rosa at mga kasama na pag-isahin na lamang ang samahan at tuloy irehistro.
Pebrero l9, 1909, nanumpa sila at lumagda sa Mga Artikulo ng Inkorporasyon sa harapan ni Don Luciano dela Rosa upang magpatala sa Bureau of Commerce at nagkasundo na ang maging pangalan ng relihiyosong organisasyon ay Union Espiritista Cristiana De Filipinas Inc.
Pebrero 19, 1909 ang pagpapatala ay sinang-ayunan ng Bureau of Commerce, naging legal na rehistrado ang Espiritismo sa Pilipinas at binigyan ng 50 taong pag-iral na nagwakas noong ika-19 ng Marso 1959. Ang samahan ay muling inirehistro sa ilalim ng Security and Exchange Commission bilang 15147 para sa karagdagang 50 taong muli.
ANG KANILANG MGA MOTO:
Hacia por la ciencia y el amor
Para sa ika-uunlad ng agham at pag-ibig
Guerra la ignorancia y el fanatismo
Pakikidigma laban sa ignoransiya at panatismo
Sin caridad no hay salvacion posible
Walang kaligtasan kung walang kawanggawa
Todos para una y una para todos
Isa para sa lahat, lahat para sa isa
Halaw mula sa isang lathalain ng:
Union Espiritista Cristiana de Filipinas Inc.
PAGTATATAG NG THE CHRISTIAN SPIRITIST OF THE PHILS. INC.
Sa panahon ng pamamahala ni Dr. Dominador Viola sa Union Espiritista Cristiana de Filipinas Inc. nag-umpisang mahati ang mga Cristianong Espiritista. Tinutulan ng kauna-unahang materyal operador na si Elueterio Terte ang pananaw ni Dr. Viola na si Cristo ay tao. Nagbunsod ito ng mahabang debate na inabot ng mga taon, hanggang magdesisyon si Elueterio Terte na humiwalay sa samahan. Sinabi ni Terte na ang lahat ng Espiritista na naniniwala na si Cristo ay tao, sumama kay Dr. Viola; ang naniniwala naman na si Cristo ay Diyos ay sumama sa kanya.
Ang nabanggit ang dahilan kaya naitatag ang The Christian Spiritist of the Phils Inc. noong taong 1966. Ang pahayag na ito ay mula mismo sa bibig ng mga matatandang medium na sina Magno Mones at Dionisio Gaspar, kasama sila sa mga nanindigan sa panahon ng debate na si Cristo ay Dios. Bagaman walang talaan ang The Christian Spiritist of the Phils Inc. na si Dionisio Gaspar ay bahagi ng unang bugso ng mga tumiwalag sa Union Espiritista Cristiana de Filipinas Inc. na pinangunahan ni Terte.
MGA UNANG MATERYAL OPERADOR O PSYCHIC SURGEON
Sa daigdig ng mga tunay na Cristianong Espiritista ay batid ng lahat na si Elueterio Terte ang naging kauna-unahang materyal operador o psychic surgeon.
Sa pahayag ng mga kapatiran ng The Christian Spiritist, may pitumpung medium noon na nagnais maging materyal operador – isa-isa silang pinatungan ng kamay ni Elueterio Terte at tatlo sa kanila ang nawalan ng diwa. Sila ang mga nahirang ni Terte. Ayon mismo sa pahayag ni Magno Mones, ang mga kasama niyang nahirang ay sina Antonio Agpaoa at isang babaeng medium na taga-Pangasinan. Si Elueterio Terte mismo ang nagsanay sa kanila para maging materyal operador.
Sa panahon ng pagiging materyal operador ni Elueterio Terte, siya ay naglingkod ng tapat at walang bayad – nanatiling magsasaka at namatay na isang mahirap. Sinundan ni Magno Mones ang mga yapak ni Eleuterio Terte, naging tapat din siya sa Dios at naglingkod sa tao ng wala ring bayad. Nanatili sa Gabaldon Nueva Ecija si Magno Mones na naging materyal operador sa loob ng dalawamput-anim na taon, bago isinuko ang kaloob na kapangyarihan. Ayon sa kanya, batay ito sa kasunduan nila ng kanyang Espiritu Protektor o Spirit Guide.
Si Dionisio Gaspar naman ay pinagkalooban ng materyal na operasyon ng Espiritu, subalit agad niyang isinuko sa takot mahiwalay sa Dios. Ginawa n’ya ito ng siya ay makadama ng pagmamapuri sa taglay na kaloob. Bagaman patuloy sa masikap na paglilingkod, nanatili na lamang siya sa operasyong espiritual. Ayon sa kanya si Cristo ang gusto niyang makilala at hindi siya.
Dakila ang pananampalataya ng dalawang matandang medium, mabuti silang halimbawa ng mga tunay na Cristianong Espiritista at hindi ito mapasusubalian. Ang kanilang katapatan ay hindi matutumbasan ng salapi. Pahayag ito ng mga kapatiran ng The Christian Spiritist at kapwa mga medium na sina Cardito Aguilan at Jimmy Baluyot.
Ang Union Espiritista Cristiana de Filipinas Inc. ang unang rehistradong pinag- mulan ng samahan ng mga Cristianong Espiritista. Wala silang mga rebulto na tulad ng mga Centro ng The Christian Spiritist.
Gremon Inquito
The Inner Light Study Group
ANG MGA ESPIRITISTANG MAY REBULTO
Ang mga espiritual na nanggagamot na may mga rebulto ay hindi orihinal na nagmula sa mga Cristianong Espiritista. Hindi rin maaaring sabihing mga pari ang pamantayan nila sa panggagamutan. Sapagkat ugatin man ang kasaysayan, ang mga prayle ay hindi nanggamot o nanggagamot ng mga karamdaman espiritual o materyal man. Manapa ang idinulot ng mga prayle sa mga ninuno nang mga Pilipino ay labis na kaapihan, isang malalim na sugat sa kaluluwa.
Lohikal mang tanawin mas may kaluwalhatian ang gumawa kaysa ginawa. Kung ang sinuman ay gagawa ng anumang larawang inanyuan at saka n’ya papahiran ng pabango, luluhuran at titirikan ng kandila, s’ya mismo ang hahamak sa kanyang sarili. Hamak ang tao kapag lumuhod sa larawang inanyuan na ginawa ng kanyang mga kamay at mas lalo pang hamak kapag lumuhod sa gawa ng kamay ng ibang tao. Kapag hinamak ng tao ang kanyang sarili kasabay nito ay hinahamak din niya ang Dios na lumalang sa kanya.
Hindi lahat ng Espiritista ay dapat paniwalaan. Ang Espiritung sumasanib sa mga medium ay dapat subukin sa pamamagitan ng mga pahayag at mga gawa (Juan 4:1). Ang pamantayan sa tunay na lingkod ng Dios ay aral ng evangelio at paglilingkod ng walang bayad. Kung ang mga pahayag na lumalabas sa bibig ng isang medium ay labag sa mga sinasabi ng Biblia (I Corinto 4:6), dapat lang itong itakwil kahit sabihin pang Anghel, Propeta o Apostol ang bumaba at nakalangkap (Galacia 1:8).
LAYUNIN NG CRISTIANO ESPIRITISMO SA LUPANG HINIRANG
Ang mga nagpasimula ng Cristiano Espiritismo sa Pilipinas ay mga naging bahagi ng rebolusyon. Kaya malinaw na ang hangarin ng rebolusyon ay hindi lamang para sa kalayaan ng Bayan, kundi maging sa mapagsamantalang relihiyon ng mga dayuhan.
Kung hindi sa mga rebolusyonaryo na tulad ng mga unang Espiritista at mga paring Aglipayano, walang ibang relihiyon na maaaring maitatatag sa Pilipinas maliban sa Katolisismo. Dahil sa panahon na tinatalakay ang Malolos Konstitusyon, may nagsusog na maging opisyal na relihiyon ng Pilipinas ang Katolisismo. Nagkaroon ito ng debate at dalawang ulit na nagtabla. Sa dakong huli nagwagi ng isang boto ang mga tutol na ang Katolisismo ang maging opisyal na relihiyon sa Lupang Hinirang.
Dito unang nabuo sa Lupang Hinirang ang batas na naghihiwalay sa Estado at Simbahan. Sa pagtalakay ng Malolos Konstitusyon, walang representasyon ang anumang relihiyon maliban sa grupo ng mga Cristianong Espiritista, grupo ng mga Aglipayano at mga Katoliko.
Hindi batid ng marami ang panimulang adhikain ng rebulosyon pagdating sa antas ng relihiyon kaya marami ang patuloy na nakayakap sa relihiyong dayuhan. Mga relihiyon na nag-aari ng mga pinakamamalaking lupain sa Lupang Hinirang. Sila ay umaangkat sa ibang bansa at nagnenegosyo subalit hindi pinagbabayad ng buwis ng pamahalaan. Sa mga relihiyong ito ang Katolisismo ang pinakamalaki.
Sa bagay na ito kapag Biblia ang batayan, anumang relihiyon ay dapat pagbayarin ng buwis dahil may kautusan tungkol dito (Roma 13:7). Si Cristo mismo ay nagsisilbing pinaka- halimbawa dahil hindi Niya itinangi ang Kanyang sarili kundi Siya man ay nagbayad din ng buwis (Mateo 17:24-27).
Sa puntong ito, dapat tayong magkaisa at tandaan ang mga aral na iniiwan sa atin ng ating nakaraang kasaysayan. Imulat natin ang ating mga mata sa tunay nating kalagayan sa ikatatamo ng tunay na kalayaan at kasaganaan. Sapagkat mga relihiyon na itinatag ng tao at hindi ni Cristo ang tunay na ugat ng kahirapan sa ating bayan. Tandaan natin at isabuhay ang mga dakilang aral na ito ng Banal na Kasulatan:
Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, At pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan.
KAWIKAAN 22:6
Hawakan mong mahigpit ang turo; huwag mong bitiwan: Iyong ingatan: sapagka't siya'y iyong buhay.
KAWIKAAN 4:13
CRISTIANO ESPIRITISMO ISANG BANAL NA LANDASIN
Ang Cristiano Espiritismo sa Pilipinas ay hindi sa demonyo, bigay ito ng Dios at katuparan ng banal na pangako sa aklat ni Propeta Joel (2:28-31), na ibubuhos Niya ang Kanyang Espiritu sa lahat ng laman. Ang Cristiano Espiritismo ay direktang pakikipag-ugnayan sa Dios at sa Panginoong Jesucristo. Ito ay sa pamamagitan ng mga Banal na Espiritu na may tungkulin sa kabilang buhay at sa daigdig ng tao. Ang bagay na ito ay ginagampanan ng mga medium ng mga Banal na Espiritu.
Ang mga Cristianong Espiritista ay nakakatulong sa pagpapalayas ng masasamang espiritu na sumasapi sa tao. Nakakatulong din ito para lunasan ang mga karamdamang bunsod ng mga espiritu. Ang espiritual na operasyon o psychic surgery at magnetismo o pranic healing ay ilan lang sa mga katangiang taglay ng mga Cristianong Espiritista.
ANG PSYCHIC SURGERY AT PRANIC HEALING
Ang psychic surgery o operasyong walang instrumento ay dakilang handog ng Dios sa tao. Nakasulat ang mga halimbawa nito sa Genesis 2:21, ng kunin ng Dios ang isang tadyang ni Adan; sa Job 5:18, naman ay nagsusugat at nagtatapal ang Dios; sa aklat ng Deuterenomio 32:39, naman ay "I wound and I heal" o "nagsusugat at nagpapagaling" (putol ang pariralang ito sa Bibliang Tagalog). Ginagawa ito ng mga kasangkapan o medium ng mga Espiritu o maging ng mga kapatiran man sa samahan ng Cristiano Espiritismo.
Gayundin ang "magnetismo" o pagpapatong ng kamay sa mga bahaging may karamdaman (Marcos 16:18), "psychic healing," "pranic healing" o "spiritual healing" ang karaniwang tawag dito ngayon. Naniniwala ang mga tunay na Cristianong Espiritista na ninais ng Espiritu Santo ang pag-iral ng Espiritismo sa Lupang Hinirang upang makabahagi sa pagpapalaganap ng evangelio para sa kaligtasan ng kaluluwa (Efeso 4:23-24).
Subalit hindi maitatanggi na may mga taong ginagawa itong hanapbuhay. Ang iba ay sadyang nagpapanggap at nanloloko upang kumatas ng salapi sa kapwa tao. Ang tunay na Cristianong Espiritista ay nangangaral ng evangelio at naglilingkod ng walang bayad (Mateo 10:7-8). Kaya dapat na masusing siyasatin ang bawat nagsasabing sila’y sa Dios, mahigpit na babala ito ng Biblia para huwag malinlang ang sinuman (I Juan 4:1).
ANG PAGSISIYASAT SA MGA MATERYAL OPERADOR
Marami na rin ang nagsiyasat sa katotohanan ng psychic surgery o ng mga materyal operador sa Pilipinas. Ilan sa mga banyagang nagsiyasat sa katotohanan nito ay sina B. Kirchgasner Inhinyero ng Kanlurang Alemanya; M. Mc Causland ng National Federation of Healers in England; G. N. Meek Inhinyero at Psychic Researcher ng New York; Dr. H. Naegali isang Doktor na Swiss; Dr. W. Schiebeler Physicist, ng Kanlurang Alemanya; Dr. S. Seutemann isang Physiotherapist ng Kanlurang Alemanya; Donald D. Westerbuke, Bio-Chemist ng Amerika at Dr. Alfred Stelter g**o nang Physics at Chemistry. Sila ang ilan sa mga dayuhan na nagdeklara sa katotohanan ng psychic surgery sa Pilipinas.
Pahayag ito nang pamosong Paranormal Psychic Researcher na si Jimmy Licauco. Ang kanyang mga aklat ay may kaugnayan sa mga bagay na paranormal. Ang pagsisiyasat sa katotohanan nang mga materyal operador ay mababasa sa kanyang aklat na "The Magicians of God."
PAGSASANIB NG ANIMISMO AT CRISTIANO ESPIRITISMO
Ang tanging kaibahan ng sinaunang Animismo sa Cristianismo ay ito: Tukoy sa Cristianismo kung sino ang Dios na Makapangyarihan, dahil may Biblia Siya at kautusan na nasusulat bilang pamantayan ng pananampalataya. Ang Espiritismo ay malaon ng bahagi ng relihiyosong paniniwala ng mga sinaunang tao sa Lupang Hinirang bago pa dumating ang mga Kastila noong 1521. Gabay ng mga ninuno ng mga Pilipino ang paniniwala sa Espiritu sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
Sa panahong pangkasalukuyan ang tunay na Espiritismo sa Pilipinas ay bunsod ng sinaunang paniniwala sa Dios na pinaunlad ng pagkakilala sa Panginoong JesuCristo. Banal na pananampalataya sa Dios sa nakasanayan ng mga tapat na tagasunod na nakasalalay sa mga turo’t aral ni Cristo. Isa itong relihiyosong agham kaya tinatawag na Cristiano Espiritismo o Christian Spiritism. Paraan ng pagsamba sa Dios sa Espiritu at Katotohanan (Juan 4:23-24).
Sa pakikipag-ugnayan sa Dios ang laging namamagitan sa tao ay mga anghel na gaya ng halimbawa ni Moises (Exodo 3:2, Gawa 7:30); ng mga Apostol (Gawa 5:17-20); ng senturion na si Cornelio (Gawa 10:1-3); ni Pedro (Gawa 12:11); at ni Pablo (Gawa 27:23) atbp. Ngayon sa Bagong Tipan ang mga isinusugo ng Dios at nakaka-ugnayan ng tao ay tinatawag na Mang-aaliw (Juan 14:26). Sa kanila nakikipag-ugnayan ang mga tunay na Cristianong Espiritista.
PAHIMAKAS:
Ang pagsasaliksik na ito ay bunsod ng hangaring maunawaan ng mga Pilipino ang tunay na paniniwala ng kanyang mga ninuno. Hindi para iwan ang sinaunang paniniwala sa Makapangyarihang Dios na Espiritu. Kundi para mas pagtibayin ito sa pamamagitan ng mga aral ng Biblia at halimbawa ng Panginoong JesuCristo (Marcos 1:15).
Para sa ikaliligtas ng kaluluwa, kailangan ang rebolusyonaryong pagbabago ng pananaw at pananampalataya sa Ama at Bugtong na Anak ng Dios (Juan 3:36). Alalahanin ng bawat Pilipino na hinirang ng Dios ang kanyang bayan hindi dahil sa mga relihiyong dayuhan. Kundi dahil sa sinaunang paniniwala ng kanyang mga magulang na ang Dios ay sinasamba sa Espiritu na siyang hinahanap ng Ama sa langit (Juan 4:23-24).
Kalooban ng Dakilang Dios ang nagtulak upang matuklasan sa isang di sinasadyang pagkakataon - na ang Espiritismo pala sa Pilipinas ay bahagi ng pananampalataya sa Dios ng mga ninuno - bahagi ng kasaysayan ng lahi at ng rebolusyon sa hangaring mapalaya ang Inang Bayan. Ang araling ito’y handog sa lahat ng naghahanap ng katotohanan upang suriin. Dahil katotohanan lamang ang tanging magpapalaya sa tao mula sa kamangmangang bunsod ng mga maling aral.
“Ito ang dakilang hangganan ng Animistang paniniwala ng ating mga ninuno - ang Tunay na Dios na tinatawag sa iba’t ibang pangalan ay mataimtim na nayayakap sa ilalim ng tunay na Cristianismo Espiritismo - tulad ng isang sintang iniibig ang pakikipagtaling–puso sa Kanya ay dapat manatiling banal hanggang sa huling higit ng hininga at hantungan ng buhay”.