05/03/2023
MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Diyos ay Liwanag”
Marso 5, 2023. Ikalawang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda.
(Ngayon po ay araw ng Linggo, magsimba po tayo.)
MABUTING BALITA
Mateo 17, 1-9
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, isinama ni Hesus si Pedro, at ang magkapatid na Santiago at Juan, at sila’y umakyat sa isang mataas na bundok. Samantalang sila’y naroon, nakita nilang nagbagong anyo si Hesus: nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha, at pumuting parang busilak ang kanyang damit. Nakita na lamang at sukat ng tatlong alagad sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Hesus. Kaya’t sinabi ni Pedro kay Hesus, “Panginoon, mabuti pa’y dumito na tayo.
Kung ibig ninyo, gagawa ako ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Nagsasalita pa siya nang liliman sila ng isang maningning na ulap. At mula rito’y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” Ang mga alagad ay natakot nang gayun na lamang nang marinig nila ang tinig, at sila’y napasubasob.
Nguni’t nilapitan sila ni Hesus at hinipo. “Tumindig kayo,” sabi niya, “huwag kayong matakot.” At nang tumingin sila ay wala silang nakita kundi si Hesus.
At habang bumababa sila sa bundok, iniutos ni Hesus sa kanila, “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang pangitain hangga’t hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Linggo po sa ating lahat! Ang mga alagad ay gustong manatili sa mataas na estado na iyon. Kaaya-aya para sa kanilang makita nang ganoon si Hesus na nagliliwanag. Pati ang paligid ay nagliliwanag na tila araw. Ang mga ito’y mga bahagyang pagpapakita ng luwalhati ng Panginoong Hesus. Sino ba naman ang ayaw ng ginhawa at luwalhati? Subalit ang magandang pagtuunan ng pansin ay ang pagkatapos nito. Ito’y natapos ay bumaba rin sila sa bundok. Hindi nagtagal at nagpasakit at ipinako sa Krus si Hesus. Siya’y namatay. Sa ating buhay, hindi rin laging mayroong ginhawa.
Maraming beses tayong kailangang bumababa sa bundok. Maraming pagkakataon na saglit lang ang saya o tuwa matapos ay pagdurusa na naman. Sa pagpapakita ni Hesus ng Kanyang Liwanag ngayong araw na ito. Isa itong paalala sa atin na bagamat tila saglit lang ang mga kasiyahan sa mundo. Mayroon tayong higit na mas dapat paghandaan – doon kung saan ang Ligaya ay hindi natatapos. Doon kung saan wala nang pighati o lungkot. Walang iba ito kung hindi sa langit.
Gaya ni Hesus, ang Langit ay mararating sa pamamagitan ng pagbubuhat ng ating Krus sa buhay. Ang Krus na ito ay binibitbit ng may pag-ibig at sa tamang paraan. Ang mga sakripisyo sa ating buhay para sa mga mabubuting bagay para sa kapwa at sa pamilya ay isang Krus. Madali bang magpakabuti lalo’t kapag inaaway ka na? Madali bang magbigay kung ikaw mismo sa sarili ay maraming inaalala? Madali bang ipagtanggol ang tama kung tayo’y aalipustahin ng iba? Malamang ang sagot mo ay hindi.
Ang pagiging mabuti ay may kaakibat na sakripisyo.
Ang pagmamahal ay may kaakibat na paghihirap – mga gawa para sa minamahal. Masakit magbigay ngunit kung aalalahanin nating dito tayo magkakaroon ng buhay na walang hanggan, mas magiging madali ito. May gantimpala ang Diyos hindi man ito agad-agad makita sa ngayon. Magkakaroon tayo ng pag-asang ipagpatuloy ang mga laban sa buhay sa pamamagitan ng grasya at awa ng Diyos.
Si Hesus ang Liwanag ng ating buhay at hindi ito magbabago. Sa gitna ng mabibigat at madilim na pagsubok at problema, tawagin natin Siya at kapitan. Tila tayo mga punong nakatanim nang mabuti at mayroong sapat na Liwanag, tubig at hangin kung ganito. Diyos ang magtatawid sa atin sa anumang kakaharapin. Amen. +
Pagnilayan po natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications
-------------------
BE ONE OF US!
Be a Camillian Brother or Priest.
If You Are:
-a senior high school graduate;
-a college undergraduate;
-a college graduate or a professional
Contact now:
The Vocation Team
St. Camillus Seminary
105 B. Gonzales St., Varsity Hills, Loyola Heights,
1108 Quezon City, Philippines
Mobile N0.: 09453901003
Landline: 398 1300
Email: [email protected]
[email protected]