11/10/2026
πππ ππππππππππ ππ πππππππππππ ππ πππππππππ ππ πππππ, ππππππππ ππ πππππππ πππππ, ππ πππππππππ πππ πππππ ππ πππππ.
Binigyang-diin ni Most Rev. Elias L. Ayuban Jr., CMF, DD, Obispo ng Cubao, ang mahalagang papel ng Mahal na Birheng Maria bilang Reyna at Ina ng Kapayapaan sa kanyang homiliya sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Our Lady of the Most Holy Rosary of La Naval de Manila ngayong Oktubre 11.
Sa temang βMary, Queen and Mother of Peace,β ipinaalala ng obispo na mahalaga ang mensahe ng kapayapaan sa panahong sugatan ang mundo at nahahati ang mga pamayanan dahil sa digmaan, karahasan, at galit. Binigyang-diin niya na ang kapayapaan ay hindi lamang dapat idalangin, kundi isabuhay at pagsikapang makamit sa pamamagitan ng katarungan at konkretong pagkilos para sa kapwa.
Hango sa Ebanghelyo tungkol sa Pagpapahayag ng Anghel Gabriel kay Maria, ibinahagi ni Bishop Ayuban ang tatlong mahahalagang aral mula sa Mahal na Ina: ang kapayapaan ay nagsisimula sa pakikinig sa Diyos, lumalago sa ating βooβ sa Kanyang kalooban, at nagiging tunay kapag dinadala natin si Hesus sa buhay ng ibang tao.
Ayon kay Bishop Ayuban, nagsisimula ang kapayapaan sa pusong marunong makinig. Tulad ni Maria, na naglaan ng puwang sa kanyang puso upang tanggapin ang Salita ng Diyos, tinawag niya ang mga mananampalataya na matutong makinig nang may kababaang-loob, pagtitiyaga, at pagtitiwala.
Aniya, madalas nawawala ang kapayapaan dahil mas gusto nating magsalita kaysa makinig, sumagot kaysa umunawa, at patunayan na tama tayo kaysa hanapin ang katotohanan.
Bilang halimbawa, binanggit niya ang mga hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mag-asawa at sa iba pang ugnayan. Kapag sabay-sabay na nagsasalita ang bawat isa at walang nakikinig, mas lalong lumalalim ang hidwaan.
Ibinahagi rin ng obispo ang kanyang pangakong maging isang βlistening bishopβ nang siya ay italaga bilang Obispo ng Cubaoβisang pastol na handang makinig sa kanyang mga pari, kahit hindi niya lubos na nauunawaan o sinasang-ayunan ang kanilang sinasabi.
Ipinaalala niya na ang tunay na pakikinig ay hindi lamang ginagawa ng mga tainga, kundi nagmumula sa pusong handang umunawa. Kung nais nating tularan si Maria, kailangan nating matutong makinig hindi lamang upang sumagot, kundi upang maunawaan ang ating kapwa at hayaan ang Diyos na baguhin ang ating puso.
Ikalawang aral na ibinahagi ni Bishop Ayuban ang kahalagahan ng pagtugon sa tawag ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiwala.
Sa kabila ng kanyang mga tanong at pangamba nang magpakita ang anghel Gabriel, sinabi ni Maria: βBehold, I am the handmaid of the Lord. May it be done to me according to your word.β
Ipinaliwanag ng obispo na ang fiat o βooβ ni Maria ay hindi nangangahulugang alam na niya ang lahat ng mangyayari sa kanyang buhay. Tulad natin, dumaan din siya sa mga tanong, pag-aalinlangan, at pagsubok. Gayunman, pinili niyang magtiwala sa Diyos.
Sa pamamagitan ng kanyang pagsang-ayon, nagkatawang-tao ang Anak ng Diyos at pumasok sa kasaysayan ng sangkatauhan. Si Maria ay naging Ina ni Hesukristo, ang Prinsipe ng Kapayapaan, na dumating sa mundo hindi sa pamamagitan ng karahasan o paghahari sa iba, kundi sa kababaang-loob ng isang sanggol.
Binigyang-diin din ni Bishop Ayuban na ang kapayapaan ay hindi nangangahulugang wala nang problema. Sa halip, ito ay katiyakang hindi tayo nag-iisa sa gitna ng mga pagsubok. Tulad ni Maria, tinatawag tayong manatiling tapat sa Diyos kahit hindi natin nauunawaan ang lahat ng nangyayari sa ating buhay.
Ikatlong aral ang pagsasabuhay ng pananampalataya sa pamamagitan ng pagdadala kay Hesus sa kapwa. Ayon sa obispo, ang biyayang tinatanggap natin sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya ay hindi dapat manatili sa loob ng simbahan, kundi kailangang dalhin sa ating mga tahanan, pinagtatrabahuhan, at sa araw-araw nating pakikisalamuha sa ibang tao.
Ipinaalala niya na ang pagtatapos ng Misa ay hindi nangangahulugang nagtatapos na rin ang ating misyon bilang mga Kristiyano. Patuloy na isinasabuhay ang Eukaristiya sa pamamagitan ng paglilingkod, malasakit, at pagkilos para sa kapakanan ng kapwa.
Aniya, hanggaβt may nagugutom at may mga taong walang masilungan, nagpapatuloy ang ating pananagutan na magmahal at maglingkod. Ang pananalangin para sa kapayapaan ay dapat sabayan ng pagsisikap na itaguyod ang katarungan.
Sa kontekstong ito, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng Santo Rosaryo bilang panalanging tumutulong sa mga mananampalataya na pagnilayan ang buhay ni Hesus sa pamamagitan ng mga mata ni Maria. Sa pagninilay sa mga Misteryo ng Tuwa, Liwanag, Hapis, at Luwalhati, mas nakikilala natin si Kristo at natututuhan nating tularan ang pananampalataya ng Kanyang Ina.
Ibinahagi rin ni Bishop Ayuban ang personal na debosyon niya sa Santo Rosaryo, na naging bahagi ng kanilang buhay-pamilya mula pa noong kanyang kabataan. Kuwento niya, sama-sama silang nagdarasal ng kanyang ina, at maging sa kanyang paglilingkod bilang pari at obispo, patuloy niyang dinadala ang Rosaryo bilang sandigan sa mga sandali ng pangamba at pangangailangan.
Lalo niyang inalala ang huling pag-uusap nila ng kanyang ina bago ito pumanaw noong Nobyembre ng nakaraang taon. Ang huling habilin nito sa kanya ay magdasal silang muli ng Santo Rosaryo. Para sa obispo, nananatiling buklod sa kanilang dalawa ang panalanging ito, isang paalala na ang misyon at pagmamahal ng isang ina ay hindi nagtatapos.
Sa pagtatapos ng kanyang homiliya, hinimok ni Bishop Ayuban ang mga deboto na patuloy na manalangin sa Mahal na Birheng Maria at magtiwala sa kanyang paggabay upang higit na mapalapit kay Hesus, ang Prinsipe ng Kapayapaan.
Binigyang-diin niya na hindi tayo iniiwan ng ating Mahal na Ina sa gitna ng mga pagsubok, tunggalian, at pang-araw-araw na pakikibaka. Sa halip, inaakay niya tayo palapit sa kanyang Anak at hinihikayat na maging mga instrumento ng kapayapaan sa ating mga pamilya, pamayanan, at lipunan.
Bilang pangwakas na panawagan, hinango niya ang diwa ng panalangin ni San Francisco ng Assisi, βMake Me a Channel of Your Peace,β at hinikayat ang mga mananampalataya na hindi lamang humiling ng kapayapaan, kundi maging daluyan nito sa pamamagitan ng pakikinig, pagtitiwala sa Diyos, at konkretong pagmamahal sa kapwa.
Sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Our Lady of the Most Holy Rosary of La Naval de Manila, muling pinaalala ng mensahe ni Bishop Ayuban na ang tunay na debosyon kay Maria ay hindi nagtatapos sa pananalangin at prusisyon. Ito ay nagiging ganap kapag isinasabuhay natin ang kanyang halimbawa at dinadala si Hesus sa mundong naghahangad ng kapayapaan.
Larawan at ulat ni Jun Magtagnob - Balitang Simbahan