01/02/2023
Pagkaing Espirituwal ngayong Huwebes
Pebrero 2, 2023
Pamagat: Matibay Na Pundasyon
Kaya ang sinumang nakikinig at sumusunod sa Aking mga sinasabi ay katulad ng isang matalinong lalaki na nagtayo ng kanyang bahay sa pundasyong bato.
– Mateo 7:24
Basahin: Mateo 7:24–29
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
24 “Kaya ang sinumang nakikinig at sumusunod sa aking mga sinasabi ay katulad ng isang matalinong lalaki na nagtayo ng kanyang bahay sa pundasyong bato.
25 Nang umulan nang malakas at bumaha, at humampas ang malakas na hangin sa bahay, hindi ito nagiba dahil nakatayo ito sa matibay na pundasyon.
26 Ngunit ang sinumang nakikinig sa aking mga salita pero hindi naman ito sinusunod ay parang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhangin.
27 Nang umulan nang malakas at bumaha, at humampas ang malakas na hangin sa bahay, nagiba ito at lubusang nawasak.”
28 Pagkatapos ipangaral ni Jesus ang mga bagay na ito, namangha ang mga tao,
29 dahil nangaral siya nang may awtoridad at hindi tulad ng kanilang mga tagapagturo ng Kautusan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.
Halos 34,000 na mga bahay sa isang lugar sa Amerika ang nanganganib magiba dahil sa hindi magandang pundasyon ng bahay. Hindi kasi nalaman ng isang kompanya na nahaluan ang semento na kanilang ibinebenta ng isang uri ng mineral na nagiging dahilan upang mabitak ang semento. Nasa 600 na mga bahay na ang nagiba at inaasahan na tataas pa ang bilang ng mga ito.
Ginamit naman ni Jesus ang pagtatayo ng bahay sa maling pundasyon bilang paglalarawan sa paglalagak ng ating buhay sa hindi matibay na pundasyon. Ipinaliwanag ni Jesus kung paano ang iba sa atin ay may matibay na pundasyon gaya ng sa bato kapag humaharap tayo sa mabibigat na pagsubok.
Samantala, ang iba naman sa atin ay inilalagak ang buhay sa maling pundasyon gaya ng sa buhangin. Kaya kapag dumating ang mga pagsubok, nalulugmok tayo at “lubusang nawawasak” (Mateo 7:27). Ang pagkakaiba ng pagtatayo sa matibay na pundasyon at sa mahinang pundasyon ay kung sinusunod ba natin o hindi ang mga utos ni Jesus (Tal. 26). Isinasabuhay ba natin ang Kanyang mga utos o hanggang sa pakikinig lamang tayo?
Kung nakalagak ang ating buhay sa ibang pundasyon maliban sa pagsunod sa Dios, siguradong hindi magiging maayos ang ating buhay. Kung susundin naman natin ang Dios, bibigyan Niya tayo ng lakas at kakayahan upang makapamuhay sa mundong ito na may matibay na pundasyon.
Kaninong karunungan, pananaw at opinyon ang iyong pinakikinggan?
Paano mo mapapatibay ang pundasyon ng iyong buhay sa paggamit ng mga Salita ni Jesus?
- Winn Collier
Panginoon, tulungan N’yo po akong magtiwala at sumunod sa Inyo.
React, Share, and post your reflections.
Follow us on Twitter: twitter.com/odbpilipinas
and on Instagram: instagram.com/ourdailybreadpilipinas
Visit filipino-odb.org
to learn more about Our Daily Bread Ministries and our resources
Copyright © 2023 Our Daily Bread Ministries, All rights reserved.
Disclaimer: Please note that internet browsers and online platforms may have built-in translation features that may inadvertently change the meaning and overall thought of our content.