02/06/2026
———
Sa unang kwarto (first quarter) ng taong 1985, ang huling taon ng diktadurang Marcos sa kapangyarihan, ito ang sitwasyon ng mga mamamayan sa isla ng Negros:
1. Marahas na pagbuwag ng welga ng mga manggagawang bukid sa Hacienda Luisita, Sagay, Negros Occidental;
2. Inaresto ng mga elemento ng 334th Company ng Philippine Constabulary (PC) sa limang mga manggagawa sa bayan ng Sagay — Danilo Libre, Pablo Caraat, Romeo Jonson, Pantaleon Tillo, at Teresita Plarisan — upang lumpuhin ang kanilang unyon;
3. Dinukot ng mga militar sa mga manggagawang sina John Seva at Emilio Togonon sa gitna ng isang rali na pinangunahan ng National Federation of Sugar Workers (NFSW);
4. Nagwelga ang higit 120 manggagawa at kanilang mga pamilya sa bahay ng asyendero na si Eduardo Claparols, ang nagmamay-ari ng Hacienda Guinsangan, sa bayan ng Silay. Kasama sa panawagan ng mga welgista ang paghimok nila kay Claparols na tumalima sa mga batas sa paggawa ng ating bansa, ang pagtaas sa arawang sahod ng mga manggagawang bukid, at ang pagpayag na gamitin ng mga magsasaka ng asyenda ang ilang bahagi ng lupain ng mga Claparols para sa "subsistence farming."
Ayon sa ulat na ito, na inilathala sa Mayo 1985 issue ng Kilusang Mayo Uno (KMU) International Bulletin, "Mismanagement of the sugar industry, long controlled by the cronies of President Marcos, have deprived the sugar workers of their only means of subsistence."
"With more than 150,000 sugar workers being displace by the sugar industry crisis," dagdag pa nila, "trouble is, indeed, brewing in the entire Negros island."
Sa paglapit ng pagbagsak ng diktadurang Marcos, higit na tumindi ang tunggalian dito — sa lupa, sa dignidad, at sa buhay. Marami pang dugo ang dadanak sa isla dahil pilit na sinupil ng diktadura ang pag-aalsa ng mga mamamayan ng Negros.
*Ang isyu na ito ng KMU International Bulletin ay bahagi ng digital library ng Bantayog ng mga Bayani.
Maaaring puntahan ang Bantayog digital library sa link na ito: https://bantayogngmgabayani.org/bantayog-digital-library/
Maaari namang mabasa nang buo ang Mayo 1985 edition ng KMU International Bulletin sa link na ito: https://drive.google.com/file/d/1MdR5NXfxEmhiV7BqoumjAEiIIQdlBrLZ/view?usp=drivesdk