09/08/2026
Habang nagmimisa, tahimik na nakaupo ang mga tao. Pero sa isang bahagi ng simbahan, may dalawang matanda na tila may sariling programa—“Who Donated More?”
Matanda 1: “Alam mo, ako ang nag-donate ng retablo sa altar. Mamahalin ’yan! Imported pa!”
Matanda 2: “Ganun ba? Eh ako naman ang nag-donate ng aircon dito sa simbahan. Cash lahat ’yan! Walang installment!”
Nagkatinginan sila at parehong napangiti, proud na proud sa kanilang mga donation.
Pero napansin nila ang isang matandang babae na tahimik lamang na nakaupo sa kanilang tabi.
Simple ang damit, tahimik, at nakayuko lamang habang nagdarasal.
Matanda 1:
(pabulong)
“Tingnan mo ’yung matanda. Tahimik lang.”
Matanda 2:
“Baka wala namang naibigay.”
Matanda 1:
“Kaya siguro hindi makasali sa usapan.”
Matanda 2:
“Baka ang donation niya… dasal lang.”
Nagtawanan sila nang bahagya.
Lumipas ang Misa.
Pagdating ng final blessing, humarap ang pari sa mga tao.
Father:
“Bago po tayo magtapos, nais ko pong magpasalamat sa lahat ng naging bahagi ng ating simbahan, sa mga nagbigay ng kanilang panahon, talento, resources, at financial support.”
Nagpalakpakan ang mga tao.
Father:
“Lalong-lalo na po, nais kong pasalamatan ang isang napakahalagang tao sa buhay ko. Maari ko po bang pakiusapan ang nanay ko na tumayo?
Unti-unting tumayo ang tahimik na matandang babae.
Nagkatinginan ang dalawang matanda.
Father:
“Ito po ang aking nanay. Marami po tayong mga donation dito sa simbahan. May nagbigay ng material. May nagbigay ng pera, kagamitan, oras, at talento.
Ngumiti ang pari habang nakatingin sa kanyang ina.
Father:
“Pero ang nanay ko… hindi po siya nag-donate ng Malaking halaga. Ang inialay niya po sa Diyos ay ang kanyang anak.”
Napayuko ang ina.
Father:
“Inialay niya ako sa Diyos. Hinayaan niya akong pumasok sa seminaryo. Sinuportahan niya ang aking bokasyon. At sa bawat pagkakataong mahirap ang daan, hindi niya ako pinigilan na sundin ang tawag ng Diyos.”
“Kung hindi po dahil sa kanya, wala po ako ngayon dito.”
Sandaling natahimik ang lahat.
Father:” At kung wala siya… maaaring wala ring pari ngayon na magmimisa sa inyong harapan.”
ARAL
Mga kapatid, maganda ang magbigay sa simbahan. Maganda ang tumulong sa nangangailangan. Maganda ang maging generous.
Pero hindi kailangang ipagsigawan ang ating kabutihan.
May mga taong nagbibigay ng malaking halaga, pero tahimik.
May nagbibigay ng maliit, pero buong puso.
May nagbibigay ng pera.
May nagbibigay ng oras.
May nagbibigay ng talento.
At may mga taong nagbibigay ng sarili.
Minsan, ang pinakamahalagang bagay na maaari nating ihandog sa Diyos ay hindi bagay na mabibili ng pera.
Ang ating oras.
Ang ating serbisyo.
Ang ating pagmamahal.
Ang ating pamilya.
Ang ating talento.
At higit sa lahat, ang ating sarili.
Sabi nga ni St. Paul:
“God loves a cheerful giver.”
(2 Corinthians 9:7)
Hindi sinabi ng Diyos na, “God loves the biggest giver.”
Hindi rin, “God loves the richest giver.”
Ang sabi: God loves a cheerful giver.
Kaya huwag nating gawing paligsahan ang pagbibigay.
Hindi ito tungkol sa “Sino ang mas malaki ang naibigay?”
Ang tanong ay:
“Galing ba sa puso ang aking ibinigay?”
Dahil maaaring maliit ang nasa kamay natin, pero kapag ito ay inialay natin nang may pagmamahal, malaki iyon sa mata ng Diyos.
At tandaan natin:
Hindi sinusukat ng Diyos ang halaga ng ating donation ayon sa presyo nito, kundi ayon sa pagmamahal na kasama nito.
Kaya sa susunod na magbigay tayo, huwag nating isipin:
“Makikita kaya nila kung magkano ang ibinigay ko?”
Mas mabuting isipin:
“Nakita kaya ng Diyos ang puso ko habang ako ay nagbibigay?”
Dahil sa huli, hindi ang laki ng ating donation ang pinakamahalaga, kundi ang laki ng ating pagmamahal.