Cornerstone Community Baptist Church

Cornerstone Community Baptist Church "... built on the foundation of the apostles and prophets, Christ Jesus himself being the cornerstone..." Ephesians 2:20

Tagalog translation of previously shared article :-)
21/06/2026

Tagalog translation of previously shared article :-)

Bakit Hindi Kinakanta ng Church Namin ang Hillsong, Bethel, o Elevation Music (by Sean Demars)

[link to original English article in comments; pwedeng basahin ang post na 'to sa aming website, link in comments]
—————————–
Kada ilang taon, lumilitaw ang usapin at ang tanong na: Dapat bang awitin sa mga churches ang mga kanta mula sa Hillsong, Bethel, Elevation, at mga katulad nila?

May ilang Kristiyano na nagsasabing obvious naman ang sagot. Kung wala namang mali sa nilalaman ng kanta, malaya tayong awitin ito. Pero may iba namang nagsasabing mahalaga rin ang pinanggalingan ng kanta, hindi lang ang mismong lyrics ng kanta. Doon pumapanig ang church namin. Bakit? Dahil tungkulin ng mga pastor na pag-isipang mabuti kung ano ang inihahain nila sa harap ng mga anak ng Diyos sa pagsamba.

Narito ang ilang dahilan kung bakit hindi namin inaawit ang mga kanta mula sa mga ministries na ito, at bakit hinihikayat ka rin naming i-consider ito.

𝟏. 𝐊𝐮𝐧𝐠 𝐇𝐢𝐧𝐝𝐢 𝐊𝐨 𝐍𝐢𝐫𝐞-𝐫𝐞𝐜𝐨𝐦𝐦𝐞𝐧𝐝 𝐚𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐭𝐮𝐫𝐮𝐚𝐧 𝐍𝐢𝐥𝐚, 𝐁𝐚𝐤𝐢𝐭 𝐊𝐨 𝐈𝐫𝐞-𝐫𝐞𝐜𝐨𝐦𝐦𝐞𝐧𝐝 𝐚𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐧𝐭𝐚 𝐍𝐢𝐥𝐚?
Isipin mo na may church member na lumapit sa ‘yo pagkatapos ng service at nagsabi: “Pastor, gusto ko pang matuto mula sa Bethel. Anong aklat ang maire-rekomenda mo?” Hulaan ko, ang isasagot mo ay gaya ng sagot ko: wala.

O kung may ibang member na lumapit sa ‘yo at nagsabi: Pastor, nakikinig ako ng mga kanta ng Hillsong nitong mga nakaraang araw. May maire-rekomenda ka bang mga sermon nila?” Sana ang maging sagot mo ay kagaya ng sagot ko: “Ang mapapayo ko sa ‘yo: iwasan mo ang preaching ministry nila!”

Karamihan sa mga tapat na evangelical pastors ay walang alinlangang sasabihin ang ganito ring sagot sa ganoong mga tanong. Hindi namin ire-recommend ang kanilang mga libro, sermon, conferences, o ang kahit na anong uri ng kanilang pagtuturo. At ito ang nag-udyok sa akin na magtanong: Kung hindi namin nire-recommend ang kanilang mga libro, sermon, conferences, o anumang pagtuturo, bakit natin ire-rekomenda ang kanilang mga awit? Ang pag-awit kasi bahagi ng teaching ministry ng iglesia (Col 3:15; Eph 5:18–19).

Kung naniniwala talaga tayo na ang mga ministries na ito gaya ng Bethel at Hillsong ay hindi mapagkakatiwalaan sa pagtuturo ng Salita ng Diyos, na nagpo-promote sila ng maling theology at mga unhealthy practices sa ministry, na nililigaw nila ang mga di-mananampalataya at pinapahina ang pamumuhay at pagsunod ng mga mananampalataya sa Panginoon, bakit natin ipapaawit sa congregation ang kanilang mga awit tuwing Linggo?

Sa puntong ito, maraming Kristiyano ang pilit na pinaghihiwalay ang musika sa ministeryo. Katwiran nila: “Hindi naman namin ine-endorso ang katuruan nila. Kinakanta lang namin ang magagandang awit nila.” Ngunit ito ang problema: Ang bawat awit ay nagsisilbing isang rekomendasyon—sinasadya man ito o hindi.

Tuwing pinapaawit natin sa congregation ang kanta ng isang ministry, sinasabi natin (sinasadya man o hindi) na ito ang boses na dapat nilang pakinggan. Ang mga libro na ating nire-recommend, ang mga conferences na ating pino-promote, ang mga misyonero na ating sinusuportahan, at ang mga kanta na ating kinakanta—lahat ng ito ay nagpapahiwatig ng pagtitiwala. Nagsisilbi itong endorsement sa iba’t ibang kaparaanan. Narito ang isang simpleng tuntunin na magagamit sa pag-address sa isyung ito: Kung hindi natin kayang ibigay sa isang church member ang libro nila, hindi rin natin dapat ipaawit ang mga kanta nila sa worship service.

𝟐. 𝐌𝐚𝐫𝐚𝐦𝐢𝐧𝐠 𝐓𝐚𝐨 𝐚𝐧𝐠 𝐍𝐚𝐡𝐢𝐡𝐢𝐤𝐚𝐲𝐚𝐭 𝐬𝐚 𝐌𝐢𝐧𝐢𝐬𝐭𝐫𝐲 𝐃𝐚𝐡𝐢𝐥 𝐬𝐚 𝐌𝐮𝐬𝐢𝐤𝐚
Hindi ito haka-haka lamang. Maraming Kristiyano ang nagsasabing nakilala nila ang Bethel, Hillsong, o Elevation hindi sa pamamagitan ng mga libro, conferences, o social media, kundi sa pamamagitan ng kanilang musika.

Pare-pareho ang patotoo ng mga Kristiyano: ang mga kanta ay hindi lamang basta kanta. Ang mga ito ay nagsisilbing pintuan.Hindi tayo dapat mabigla rito. “Ang nakikisama sa may unawa ay magiging matalino, ngunit ang kasama ng mangmang ay masusuong sa gulo” (Prov 13:20). Ang mga boses na paulit-ulit nating pinapakinggan ay tiyak na huhubog sa atin.

Sa katunayan, alam ito mismo ng Bethel at Hillsong. Madalas nga nilang sabihin sa kanilang mga worship leaders na isipin nila na sila’y mga frontliners ng kanilang misyon—na inaakay ang mga tao upang mas makilala ang kanilang ministeryo sa pamamagitan ng musika.

Simple lamang ang punto ko: kung naniniwala tayong may matinding kamalian sa kanilang pagtuturo, huwag tayong magtaka kung susundan ng mga tao ang landas na binuksan natin para sa kanila.

𝟑. 𝐊𝐚𝐩𝐚𝐠 𝐈𝐧𝐚𝐚𝐰𝐢𝐭 𝐍𝐚𝐭𝐢𝐧 𝐚𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐧𝐢𝐥𝐚𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐧𝐭𝐚, 𝐏𝐢𝐧𝐨𝐩𝐨𝐧𝐝𝐨𝐡𝐚𝐧 𝐍𝐚𝐭𝐢𝐧 𝐚𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐧𝐢𝐥𝐚𝐧𝐠 𝐌𝐢𝐧𝐢𝐬𝐭𝐫𝐲
Bago ako magpatuloy, mahalagang maalala natin na maraming Kristiyano ang hindi alam kung paano gumagana ang music licensing—at natural lang iyon. Kaya huwag kang malulungkot kung hindi mo pa naiisip ang isyung ito noon. Hindi ko iniisip na may masamang motibo ang mga churches na inaawit ang mga kantang ito. Ngunit mahalagang maunawaan natin kung paano gumagana ang sistema upang makagawa tayo ng tamang desisyon.

Karamihan sa mga churches ay gumagamit ng CCLI at iba pang licensing agreements. Sa tuwing inaawit, nire-report, nila-livestream, nire-reproduce, o ibinabahagi ang mga copyrighted songs na ito, may bayad (royalties) na bumabalik sa may-ari ng kanta. Ibig sabihin, hindi lang ginagamit ng mga churches natin ang mga kantang ito para sa pagsamba—pinopondohan din natin ang mga ministeryong nag-produce ng mga ito.

Kaya ang tanong: Dapat bang suportahan financially ng ating mga churches ang mga ministry na nagtuturo ng maling doktrina?

Isipin mo: nalaman mong nagbibigay ang church mo ng monthly support sa isang ministry na nagpo-promote ng prosperity-gospel theology, o iba pang seryosong theological error. Maraming pastor ang agad na tututol dito—kahit maliit lang ang halagang ibinibigay. Ngunit sa tuwing inaawit ng church natin ang mga kantang mula sa mga ganitong ministries, napupunta ang pera na galing sa ating offering patungo sa kanilang bulsa. At iyon ay isang problema.

Maaaring maliit lang nga ang halaga at hindi direkta ang pagbibigay, ngunit nananatili pa rin ang prinsipyo. Ang pera ay isang uri ng partnership. Pinasalamatan ni Pablo ang mga taga-Filipos dahil sa kanilang “pakikiisa sa pagpapalaganap ng Magandang Balita” (Phil 1:5). Ang pinansyal na tulong ay hindi lamang patungkol sa pera; isa rin itong kapahayagan ng magkaparehong priority at mission. Kaya naman, dapat mag-isip nang mabuti ang mga churches bago gamitin ang corporate worship bilang daan para suportahan financially ang mga ministries na kailanma’y hindi nila ine-endorse.

𝟒. 𝐇𝐢𝐧𝐝𝐢 𝐃𝐚𝐩𝐚𝐭 𝐈𝐮𝐭𝐨𝐬 𝐧𝐠 𝐏𝐚𝐬𝐭𝐨𝐫 𝐚𝐧𝐠 𝐦𝐠𝐚 𝐁𝐚𝐠𝐚𝐲 𝐧𝐚 𝐇𝐢𝐧𝐝𝐢 𝐈𝐧𝐢𝐮𝐮𝐭𝐨𝐬 𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐬𝐮𝐥𝐚𝐭𝐚𝐧
Tuwing Linggo ng umaga, nananawagan ang mga pastor sa mga anak ng Diyos na makilahok sa sama-samang pagsamba. Inaanyayahan natin silang manalangin, magpahayag ng kanilang kasalanan, umawit, at makinig sa Salita ng Diyos. Sa paggawa nito, binibigkis natin ang kanilang konsensya. Hindi lamang natin sila hinihikayat na makibahagi sa mga gawaing ito; iniuutos natin ito sa kanila base sa kung ano ang malinaw na itinuturo ng Kasulatan. Ito ay isang napakalaki at napakabigat na pananagutan.

Mahalagang maunawaan ng mga pastor na wala silang awtoridad na mag-utos sa bayan ng Diyos ng anumang bagay na hiwalay sa Salita ng Diyos. Bawat bahagi ng worship ay dapat makapasa sa simpleng pagsusulit na ito: Kaya ko bang tumayo sa harapan ng Diyos at ng kanyang bayan nang may kumpiyansa, na alam kong ang iniuutos kong gawin nila ay naaayon sa Bibliya?

Oo, maaari kong iutos sa mga mananampalataya na umawit sila ng mga salmo, himno, at mga awiting espirituwal. Maaari kong iutos sa kanila na sila’y magpuri at humiling sa Panginoon sa pamamagitan ng panalangin. Maaari kong iutos sa kanila na paniwalaan nila nang buong puso at isip ang katotohanang itinuturo ng Bibliya. Ang hindi ko kayang iutos na kanila ay ang awitin nila ang mga kanta mula sa mga ministries na nagtuturo ng maling doktrina.

Ang tanong ay hindi kung tama ba yung lyrics ng kinakanta natin. Ang tanong ay kung pinahihintulutan ba ako ng Kasulatan, na isang pastor, na ilagay ang aking congregation sa sitwasyon kung saan kailangan pa nilang ihiwalay ang tamang lyrics sa hindi tamang ministeryo. Hindi ako naniniwalang pinahihintulutan ito ng Kasulatan.

Ngunit ito ang mabuting balita: hindi natin kailangang ilagay ang mga sarili natin sa ganoong sitwasyon. Nabubuhay tayo sa panahon kung saan napakasagana natin sa musika. Minana ng church ang mga magaganda at tapat na himno na ginawa daan-daang taon na ang lumipas. Bukod pa rito, mas marami pang bagong kanta ang nalilikha taon-taon ng mga biblically sound ministries—mga kantang magaganda at nakabase sa Bibliya. Hindi kapos ang mga anak ng Diyos sa mahuhusay na mga kanta na maaaring awitin sa pagsamba.

Kaya hindi totoo na kailangan nating mamili sa pagitan ng pagkanta ng mga awit mula Bethel, Hillsong, o Elevation at ng mga awiting pagsamba na mababa ang kalidad o mediocre. Napakaraming magaganda at biblikal na mga kantang pwede nating pagpilian—mga kantang mula mga tapat na Kristiyano at iglesya na hindi kailanman ikokompromismo ang ating mga theological at pastoral convictions.

𝟓. 𝐌𝐚𝐫𝐚𝐦𝐢 𝐬𝐚 𝐊𝐚𝐧𝐢𝐥𝐚𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐧𝐭𝐚 𝐚𝐲 𝐃𝐢𝐧𝐢𝐬𝐞𝐧𝐲𝐨 𝐩𝐚𝐫𝐚 𝐬𝐚 𝐏𝐞𝐫𝐟𝐨𝐫𝐦𝐚𝐧𝐜𝐞, 𝐇𝐢𝐧𝐝𝐢 𝐩𝐚𝐫𝐚 𝐬𝐚 𝐂𝐨𝐧𝐠𝐫𝐞𝐠𝐚𝐭𝐢𝐨𝐧𝐚𝐥 𝐒𝐢𝐧𝐠𝐢𝐧𝐠

May isa pang concern na madalas nakakaligtaan: Karamihan sa kanilang kanta ay hindi angkop para awitin ng buong congregation.

Hindi ko sinasabing lahat ng kanta ng Hillsong, Bethel, o Elevation ay mahirap awitin. May ilan na madali namang sabayan ng congregation. Ngunit sa kabuuan, karamihan sa mga musika na nililikha ng mga ministries na ito ay nilikha para sa layuning lubhang naiiba sa disenyo ng Diyos para sa local church: performance.

Madalas, ang mga kanta nila ay gawa ng professional musicians, inaawit ng highly trained vocalists, may kasamang full band, at dinisenyo para sa mga malakihang worship events, recordings, at broadcast. Dahil dito, marami sa mga kantang ito ang mahirap abutin ang nota, may komplikadong tono, may mahabang instrumental, at may mga areglo na lubos na nakadepende sa husay ng mga musikero na nasa entablado. Ngunit ang pagsamba ng buong kongregasyon ay hindi isang concert. Sinabi ni Pablo sa mga mananampalataya, “Sa inyong pag-uusap gumamit kayo ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal” (Eph 5:19). Ang pag-awit ay isa sa mga pangunahing paraan kung saan tinuturuan, pinapalakas, at pinatitibay natin ang isa’t isa sa loob ng iglesia—ang katawan ni Cristo. Kaya naman, dapat bigyang-prayoridad ng mga pastor at worship leaders ang mga kantang kayang awitin ng ordinaryong Kristiyano nang may kumpiyansa at kagalakan. Ang pinakamainam na worship songs tuwing Linggo ng umaga ay yung kayang kantahin ng buong congregation.

Kapag ang mga kantang ginagamit sa worship service ay nakadepende lamang sa pangunguna ng mga talented musicians, maaaring unti-unting maging audience na lang ang congregation sa halip na mga kalahok sa pagsamba. Kaya dapat sikapin nating piliin yung mga kantang naghihikayat sa buong church na umawit nang sama-sama.

𝐒𝐚𝐠𝐨𝐭 𝐬𝐚 𝐏𝐢𝐧𝐚𝐤𝐚𝐤𝐚𝐫𝐚𝐧𝐢𝐰𝐚𝐧𝐠 𝐏𝐚𝐠𝐭𝐮𝐭𝐨𝐥
Maraming pagtutol ang ipinupukol sa mga argumentong inilatag ko sa article na ito, ngunit ang pinakakaraniwan sa mga ito ay ito: “Paano naman si Horatio Spafford? Hindi ba’t lumihis din siya sa katotohanan ng ebanghelyo kalaunan? Kung maaari nating awitin ang kantang ‘It is Well,’ bakit hindi natin maaaring awitin ang mga kanta ng Bethel, Hillsong, o Elevation?” Simple lang ang sagot: hindi parehas ang sitwasyon nila.

Halos walang tao ang umaawit ng “It is Well With My Soul” at pagkatapos ay pag-aaralan ang theological perspectives ni Horatio Spafford. Walang sinuman ang naka-subscribe sa podcast ni Horatio Spafford. Walang sinuman ang dumadalo sa annual conference ni Horatio Spafford para mapakinggan ang kanyang preaching. Walang sinuman ang bumibili ng Bible study materials ni Horatio Spafford. Walang sinuman ang nagbabayad ng royalties sa Horatio Spafford Ministries bilang suporta.

Wala nang anumang influence ngayon si Horatio Spafford. Pero hindi ganoon ang kalalagayan ng Bethel, Hillsong, at Elevation. Meron silang malalaking platform, masisipag na mga teachers, aktibong mga conferences, malakihang publishing arms, at matibay na financial structures. At ang musika nila ang nagsisilbing “front door” patungo sa mas malawak nilang ministeryo. Hindi ito mahahalintulad sa mga yumaong hymn authors ng nakaraan..

𝐂𝐨𝐧𝐜𝐥𝐮𝐬𝐢𝐨𝐧
May ilang mambabasa na mag-aakalang itinataguyod ko ang isang “purity test” para sa lahat ng worship songs—na dapat perpekto ang bawat kanta. “Kung may kaunting mali sa doktrina ang isang kanta, itapon na ‘yan! Kung nakagawa ng anumang pagkakamali ang isang songwriter, i-ban ang kanyang kanta!”

Hindi iyon ang punto ko.

Walang perpektong kanta o hymnbook. Kung susuriin natin nang sobrang higpit ang bawat kanta, tiyak na may makikita tayong mga phrases na gusto nating baguhin, mga emphases na gusto nating ayusin, o mga theological details na sana ay mas malinaw ang pagkakapaliwanag.

Ang isyu ay hindi kung perpekto ba ang isang kanta, o yung ministry na lumikha ng kantang ito. Ang isyu ay kung dapat ba nating paulit-ulit na bigyan ng plataporma, i-promote, at pondohan ang mga ministry na patuloy na nagtuturo ng maling doktrina. Ang isang patak ng dumi sa baso ng tubig ay isang bagay. Ibang usapan na kung nalaman mong ang mismong balon ay marumi. Hindi ko sinasabing dapat makapasa ang bawat kanta sa pamantayan ng theological perfection—bagay na imposibleng mangyari. Ang sinasabi ko ay dapat maging maingat at matalino ang mga pastor at worship leaders sa pagpili kung saang “balon” sila kukuha ng mga awiting gagamitin nila tuwing Linggo.

Kaya ang panawagan ko sa mga pastor at worship leaders na gawin nila ay ito: “Suriin ninyo ang lahat ng bagay at panghawakan ang mabuti” (1 Thess 5:21). Huwag lang nating suriin ang mga kanta, suriin din natin ang ministry na nasa likod ng mga ito. At kung ang mga musikang napapakinggan natin ngayon ay may matinding kamalian, piliin natin ang musikang mula sa napakalawak na kabang-yaman ng mga tapat na awiting ipinagkaloob na ng Diyos sa kanyang iglesia.

The Zoom meeting details for Sunday's Service have been posted on our ministry pages and group chats. The room will be r...
20/06/2026

The Zoom meeting details for Sunday's Service have been posted on our ministry pages and group chats. The room will be ready to let participants in by 9:45 am. See you, brethren!

PAALALA AT PAANYAYA:Atin pong idulog ng sama-sama ang ating mga panalangin sa ating on-site PRAYER MEETING. Magaganap po...
13/06/2026

PAALALA AT PAANYAYA:
Atin pong idulog ng sama-sama ang ating mga panalangin sa ating on-site PRAYER MEETING. Magaganap po ito bukas, Linggo, JUNE 14, agad pagkatapos ng ating Worship Service at munting salo-salo. Inasahan po namin ang inyong pakikiisa at pagdalo.

Brethren, here's our song line-up for Sunday, JUNE 7, 2026 All Creatures of Our God and King - https://www.youtube.com/w...
04/06/2026

Brethren, here's our song line-up for Sunday, JUNE 7, 2026

All Creatures of Our God and King - https://www.youtube.com/watch?v=MUZD0hgtSgE

Man of Sorrows, What A Name - https://www.youtube.com/watch?v=AL4PNEmVsgQ

The Church's One Foundation - https://www.youtube.com/watch?v=jotNbcFelX4

Crown Him With Many Crowns - https://www.youtube.com/watch?v=w0cMGey6n1E

Crown Him With Many Crowns Author: Matthew Bridges (1851)Arrangement: Tommy Bailey & Nathan MickleSupport the ongoing ministry of The Village Chapel at https...

Address

5 Don Jose Street, Don Enrique Heights Subdivision
Quezon City
1127

Opening Hours

Monday 1pm - 5pm
Tuesday 9am - 5pm
Wednesday 9am - 5pm
Thursday 9am - 5pm
Friday 9am - 5pm
Saturday 1am - 5pm
Sunday 12pm - 3pm

Alerts

Be the first to know and let us send you an email when Cornerstone Community Baptist Church posts news and promotions. Your email address will not be used for any other purpose, and you can unsubscribe at any time.

Contact The Place Of Worship

Send a message to Cornerstone Community Baptist Church:

Share

Category