08/05/2026
Nasaan ka na sa iyong journey bilang isang ina?
Nasa "puyatan stage" ka ba, nasa gitna ng pagpapalaki ng mga teenager, o nasa "empty nest" phase na?
Nariyan ang Diyos at sinasamahan ka. Binibigyan Niya tayo ng sapat na biyaya sa bawat yugto.
Habang papalapit ang Motherβs Day, madaling makisabay sa ingay ng mundo. Pero ang pagiging ina ay hindi tungkol sa sarili nating fulfillment o sa pagpapalaki ng mga "trophy children" para lang ipagmalaki natin.
"Ang pagiging ina ay isang anyo ng pagsamba o worship."
Ito ay isang bokasyon ng paglilingkod, tahimik na pagsunod, at patuloy na pagbubuhos ng pagmamahal.
Maaaring pakiramdam mo ay hindi ka napapansin o pagod na pagod ka na, pero tandaan mong walang nasasayang kapag ito ay ginagawa mo para sa Panginoon.
Kung ikaw ay nanghihina, i-angkla mo ang iyong puso sa tatlong katotohanang ito:
1. Nakikita ka ng Diyos.
Tulad ni Hagar sa ilang, maaaring pakiramdam mo ay nag-iisa ka o hirap na hirap na. Pero Siya ang "El Roi", ang Diyos na nakakakita sa atin.
Nakikita Niya ang iyong mga takot at naririnig Niya ang iyong bawat hikbi. Ang Diyos na hindi ipinagkait ang Sarili Niyang Anak para sa iyo (Roma 8:32) ay ang Diyos ding nakakakita sa iyo sa bawat "ordinaryong" sandali ng iyong araw. Hindi ka nag-iisa.
2. Tapat ang Diyos.
Dumanas si Naomi ng matinding pighati at mga "bitter" na yugto ng buhay. Gayunpaman, tinugunan siya ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang "Hesed". Ang Kanyang tapat at hindi napapawing pag-ibig.
Kung ikaw ay nasa isang mahirap na season ng parenting, magtiwala ka na ang pag-ibig Niya sa iyo ay matatag. Ito ay pag-ibig na tumutupad sa mga pangako, kahit hindi mo pa nakikita ang dulo ng kuwento.
3. Binibigyan ka ng Diyos ng Kakayahan.
Nang tawagin ang dalagang si Maria para sa isang misyong tila imposible, nagtiwala siya sa katotohanang ang Diyos na Makapangyarihan ay gumagawa ng mga dakilang bagay.
Mga nanay, hindi tayo tinatawag ng Diyos dahil tayo ay "magaling" na o "matalino" na. Binibigyan Niya tayo ng kakayahan mula sa Kanyang sapat na biyaya (2 Pedro 1:3). Ibinibigay Niya ang lakas at tiyagang kailangan mo para sa araw na ito.
Mga mahal kong kapatid, huwag kayong mapagod sa paggawa ng mabuti!
Tanggapin natin ang pagbati sa Motherβs Day nang may pasasalamat, pero itanim natin sa ating puso ang mas malalim na katotohanan: hindi lamang tayo ang mai-celebrate, kundi tayo ay maging tapat sa Diyos na nakakakita sa ating paglilingkod.
Ang pagiging ina, kapag ipinamuhay para sa Kanya, ay nagbibigay-puri sa Mabuting Balita. Isang mapagpalang Motherβs Day sa inyong lahat; makuntento tayo sa Kanyang sapat na biyaya.