25/01/2023
Panalangin ng Hinagpis at Hustisya
Para kay Jullebee Ranara
Diyos na aming Magulang, kalingain Mo
ang naghihinagpis naming mga puso,
dinggin Mo ang hibik ng pamilya ni Jullebee -
ang kanyang mga anak, pamilya at mahal sa buhay.
Yakapin Mo ng Iyong pag-ibig at pag-asa ang kanyang sambahayan sa panahong ito - pagdadalamhati, pangungulila at kalungkutan.
Inilalapit namin sa Iyong harapan ang aming mga sigaw
at bulong, ang aming mga pagtangis at panaghoy,
ang aming mga puso at hiningang ayaw na huminahon!
O Diyos, aming Diyos! Ikaw ang aming Magulang, Manlilikha at Manunubos! Minsan pa samahan Mo kami sa aming mga dalamhati, dinggin ang aming mga pagsamo.
Inihahapag namin sa Iyong dambana si Jullebee,
Hindi kami makawala sa hapis habang naalaala namin
ang kanyang katawang minaltrato, inabuso
at sinunog, at kami ay nababalot sa lungkot.
Inaalay namin sa Iyong dambana ang aming luha at hinagpis. Huwag Mo pong hayaang hindi managot
ang lahat ng nagkasala! Tulungan Mo kaming makamit ang hustisya para sa kanya at sa libong OFW na nakararanas ng pagmamalupit at abuso.
Karumaldumal ang sinapit ni Jullebee at ng marami pa naming mga kababayan na tanging hangad sa pamilya
ay maayos na buhay at magandang kinabukasan.
Ngunit, saan namin aanihin ang pighati,
at mayroon pa bang bukas na darat’nan.
O Diyos, aming Diyos! Ikaw ang aming Magulang, Manlilikha at Manunubos! Minsan pa samahan Mo kami sa aming mga panaghoy, dinggin ang aming mga pagsamo.
Naway maganap ang araw na mabibigkas namin ang
"Siya Nawa" sa pagdating ng hustisya.
Nawa'y masambit namin ang "Amen" sa araw na mananagot ang maysala.
(Panalanging isinulat ni Reb. Carleen Nomorosa para sa CWWM-PH)
***Si Jullebee ay isang Domestic Worker sa Kuwait na natagpuang pinatay at sinunog sa bansang nabanggit. Ang CWWM-Philippines ay nakikiisa at nakikiramay sa pamilya, mga kamag-anak, at kaibigan ni Jullebee.
Kilalanin siya dito:
https://migranteinternational.org/murdered-kuwait-ofws-deserve-decisive-govt-action/