20/07/2022
PANALANGIN NG KAHILINGAN KAY APO ANA
Patrona ng Bayang Hagonoy
O Maluwalhating Santa Ana,
Patrona ng bayang Hagonoy, yayamang puno ka ng awa sa mga taong sa iyo’y nananawagan, at nag uumapaw ang iyong malasakit sa mga nagdurusa’t sa pasanin sa buhay ay lubhang nabibigatan, naninikluhod kami’t nananambitan sa iyong paanan upang ilagay ang iyong mapagkalingang mga kamay ang aming mga karaingan.
(Dito titigil sumandali, babanggitin ang mga kahilingan)
Hiling nami’y ipakiusap mo sa Mahal na Birheng iyong anak na dalhin ang mga aming mga kahilingan sa harapan ni Hesukristo, Diyos na totoo’t tao namang totoo, upang magkaroon ng katuguna’t kaganapan ayon sa Kanyang kalooban.
O Pintakasing Santa Ana, atas ng malaking pagtitiwala, ipinauubaya namin sa iyo ang aming sarili sampu ng aming mga karaingan sa iyo’y aming isinasamo. Amen.
Butihing Santa Ana, ipanalangin mo kami.
Santa Maria, ipanalangin mo kami.
San Joaquin, ipanalangin mo kami.