24/12/2019
SOLEMN NATIVITY OF OUR LORD JESUS CHRIST | DECEMBER 25
Reflection:
LUWALHATI SA DIYOS”
Bishop Ambo David
Lukas 2:1–14
Pag Christmas, “Maligayang Pasko” ang bati natin sa isa’t isa. Napakagandang pagbati. Suriin natin nang kaunti. Unahin natin sa MALIGAYA, at pagkatapos, sa PASKO.
Una, MALIGAYA: Hindi lang saya ang hiling natin kundi kaligayahan. Mas malalim na uri ng saya. Sa Ingles, hindi lang happiness kundi JOY.
Sa amin sa Pampanga, LIGAYA ang translation namin ng GLORIA, ng Tagalog na LUWALHATI. Imbes na luwalhati sa Diyos, ligaya sa Diyos sa kaitaasan. Ngayon, mas popular na ang PAPURI, imbes na luwalhati. (Take note, ito nga pala ang pinakaunang kantang pamasko. Hindi ang “Silent Night” o “O Holy Night”. Ang kanta na ayon kay San Lukas ay narinig daw ng mga pastol na inaawit ng mga anghel sa langit nang ibalita sa kanila ang pagsilang ni Hesus. )
Ibig sabihin, ang Pasko ay nagdudulot ng kaligayahan hindi lang sa tao. Higit sa lahat ito’y KALIGAYAHAN NG DIYOS. Kaligayahan ng Diyos na isilang siya sa piling ng mga pastol.
Mga pastol ang larawan ni San Lukas ng mga taong may mabuting kalooban. Kaya palagay ko, tama din yung Kapampangan version ng Gloria, imbes na Luwalhati sa Diyos o Papuri sa Diyos, LIGAYA KING DIOS! Ano ang ikinaliligaya ng Diyos? Sinasagot ito ng kasunod na linya—“At sa lupa’y kapayapaan sa mga taong MAY MABUTING KALOOBAN.”
Kahit na ang Pasko ay biyaya ng Diyos para sa lahat, hindi lahat ay makararanas ng kaligayahang dulot ng Pasko. Napakarami ng inihahanda natin sa Pasko: mga dekorasyon sa bahay, pagkain, susuotin, aginaldo, mga Christmas parties, atbp. Pero ang Diyos, isa lang ang hinihinging paghahanda sa atin: isang MABUTING KALOOBAN.
Kaya nga may adbiyento muna bago Pasko, para maihanda ang daan. Walang ibang daan ang Panginoon kundi mabuting kalooban. Kaya nga nakinig muna tayo sa panawagan ni San Juan Bautista: pagpapatag sa mga burol, pagpupuno sa mga lambak, pagtutuwid sa likong landas, pagpipino sa lubak-lubak na daan. Walang mabuting kalooban kung walang pagpapakumbaba, kung walang pagpupuno ng pagkukulang, kung walang pagtutuwid ng likong gawain, kung walang pagpipino ng magaspang na ugali.
Ang Belen ay simbolo ng mabuting kalooban ng mga pastol. Dahil nakatira sila kung saan din nakatira ang mga alaga nila, wala silang maiaalay na lugar sa Sagrada Pamilya kundi ang kuwadra ng kanilang mga alagang tupa. Wala silang maibibigay na higaan sa Panginoon kundi ang sabsaban. Pero naligayahan pa rin ang Diyos sa kanila! Dahil sa kabutihan ng kanilang mga kalooban. Dahil sa kahandaan nilang magbukas ng pintuan sa mga dayuhan na walang matuluyan. Hindi sila pinangunahan ng takot, pangamba, pagdududa, at kawalan ng tiwala sa kapwa.
Tandaan natin, una nang nakita ng Diyos ang mabuting kalooban ng isang pastol sa puso ng batang si David, noong ipinahanap ng Diyos kay Propetang Samuel ang hihiranging hari ng Israel. Napagsabihan tuloy ang propeta, “Ang tao kung tumingin, ang panlabas ang nakikita. Ang Diyos ay sa kalooban tumitingin.” Noon pa man, nakita na ng Diyos ang kagandahang loob ng mga pastol sa kabila ng kanilang karukhaan. Sila, hindi mga pari at sundalo ang ginawang huwaran ng pamumuno—pastol na may malasakit sa buong kawan, handang iwanan ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang tupang naliligaw.
Maligaya ang Pasko dahil IKINALIGAYA ng Diyos ang pagsilang ng kanyang Anak bilang tao, sa piling ng mga dukha. KAPAYAPAAN ang hatid niya sa kanila. Hindi makatatagpo ng kapayapaan ang mga taong punong puno ang kalooban ng galit at inggit, takot at pagdududa sa kapwa. Ang masamang kalooban ay nagsasara, hindi nagbubukas. Sumisikip dahil maramot. Nagtataboy, hindi tumatanggap.
Hindi naman naghahanap ang Diyos ng palasyo o ospital o bahay na bato na pagsisilangan sa kanya. Kahit bahay na kubo, basta ang nakatira ay hindi kuwagong dilat ang mata ngunit walang nakikita, kundi taong marunong makipagkapwa-tao. Simple lang ang hinahanap na tahanan ng Diyos na nagbibigay sa kanya ng kaligayahan: mga taong MAY MABUTING KALOOBAN.
Ikalawa, PASKO. Noon pa man, nagtataka ako kung bakit PASKO ang tawag natin sa Christmas, gayong ang Pasko o “Paskwa” ay may kinalaman sa biserong tupa o kordero na iniaalay ng mga Hudyo bilang sakripisyo tuwing Pista ng Paskwa. Ang Paskong Hudyo ay paggunita sa paglaya ng Israel mula sa pagkaalipin nila sa Ehipto. Iniuugnay ito sa biserong tupa na kanilang kinatay at pinagsaluhan bago sila nakalaya. Ang dugo ng korderong ito ang nagligtas sa kanila sa anghel ng kamatayan. Ano ang kinalaman nito sa CHRISTMAS? Kay San Lukas, malaki.
Nagbabantay daw sa gabi ang mga pastol. Ibig sabihin panahon ng panganganak ng mga buntis na babaeng mga tupa. Kailangan nilang maglamay. Dahil ang mga tupa ng Bethlehem ang pinagkukuhanan ng mga korderong iniaaalay bilang sakripisyo sa templo, kailangan nilang saluhĂn ang bawat kordero pagkasilang; kailangang linising mabuti at ibalot ng lampin na parang mga sanggol at ihiga sa sabsaban para hindi sila masugatan. Ayon sa batas ng Hudyo, ang kordero ng Paskwa na inaalay bilang sakripisyo ay dapat walang sugat o peklat.
Sa aklat ni propeta Isaias, ang kordero ng paskwa ang simbolo ng Lingkod ng Diyos. Katulad daw ng korderong dinala sa katayan, hindi siya umimik. Wala siyang kasalanan ngunit nagdusa siya. Ang dugo niya ay ibinuhos niya bilang pantubos sa mga makasalanan.
Kaya pala sinabi ng mga anghel: “ito ang palatandaan. Makikita ninyo ang isang batang nakabalot ng lampin at nakahiga sa sabsaban”. Hindi pa man, ipinahihiwatig na ni San Lukas na ang batang ito ay hindi lang magiging Pastol. Siya’y magiging Kordero ng Diyos. Siya ang paring taga-alay, ngunit wala siyang ibang alay na pantubos kundi sarili niya, katawan at dugo niya. Kaya siya rin ang kordero. Kaya sa inaawit nating Papuri sa Diyos, sinasabi natin, “Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan... maawa ka sa amin.”
Ang PASKO ay ang Paskwa. Ang kordero. Sa mga Kastila ang Merry Christmas ay Feliz Navidad, o maligayang pagsilang. Hindi tayo kuntento doon. Kaya Maligayang Pasko, dahil idinidiin natin na ang isinisilang ay ang Pasko, ang kordero ng paskwa, ang Anak ng Diyos na tutubos sa sa mga makasalanan sa pamamagitan ng kanyang sariling buhay.
Tandaan natin Ang Pasko ay kaligayahan ng Diyos sa kaitaasan, nagkakaloob ng kapayapaan sa mga taong may mabuting kalooban!
MALIGAYANG PASKO PO SA INYONG LAHAT!
GLORIA IN EXCELSIS DEO!
!