06/07/2022
Ang Ebanghelyo.
Mula pa man sa panahon ni Adan at ni Eba, ang tao ay sinakop nang kasalanan dahil sa panunuksong ginawa ng demonyo. Dito nagsimula na magkasala ang tao. Ito ang sinasabi ni Apostol Pablo sa Roma 3:23; “Sapagkat ang lahat ay nagkasala at walang sinumang karapat-dapat sa paningin ng Dios.”
Ang biyaya, kaluwalhatian at ang kabanalan ng Dios ang nagbibigay ng tunay na kasiyahan sa tao. Subalit ng dahil sa kasalanan, ang biyaya, kaluwalhatian at kabanalan ng Dios ang dahilan ng kamatayan ng kaluluwa ng tao.
Ano mang bagay na magpahiwalay sa pinagkukunan ng buhay ay mamamatay. Halimbawa, ang isang san.ga ng punong kahoy, kung ito ay putulin sa kinadudugtungan, ang kahihinatnan ay kamatayan. Ito ang kahihinatnan ng tao nang mahiwalay sa Dios.
Ang tao ay may kaluluwa. Ang kaluluwang ito ay nananahan sa katawang-lupa ng tao. Ang kaluluwa ang siyang nagbibigay sa atin ng emosyon, isip at mithiin. Ito ang naghihimagsik laban sa Dios. Subalit kaluluwa rin ang may mithiing magmahal sa Dios.
Roma 5:16, “Nagdala ng hatol na kaparusahan ang kanyang pagsuway…” Nang dahil sa ating mga kasalanan tayo ay nahatulan ng kamatayan. Roma 6:23, “Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan…”
Ang kaluluwang may batik ng kasalanan ay hindi lbusang masaya, kung mayroon man tayong kasiyahang nararanasan ngayon ito ay panandalian lamang habang tayo ay nabubuhay dito sa lupa. Kapag ang tao ay namatay, ang kaluluwa ay hihiwalay sa katawang lupa. Ang katawang lupa ay babalik sa alabok na kanyang pinanggalingan. Ang kaluluwang nahiwalay sa katawan ay wala nang paghahangad na tulad ng dati. Wala ng hangarin sa pag-aasawa, kayamanan, pagkain, kasikatan at anumang anyo ng karangyaan na nagpapasaya sa kanya noong nabubuhay pa siya sa kanyang katawang lupa. Ang kaluluwang may bahid na kasalanan ay pupunta sa Hades. Basahin ang tagpo ng “Taong Mayaman at si Lazarus” sa aklat ng Bagong Tipan sa Lucas 16:19-31. Sa lugar na ito, magsisimula na siyang magdusa. Sa panahon ng paghuhukom siya ay ililipat sa impyerno, kung saan ay may walang hanggang kamatayang naglalagablab na apoy. Tingnan ang mga sumusunod na talata Marcos 9:43, 47, 48 at Juan 5:29.
Naparito si Cristo Para sa Atin
Mahal ng Dios ang ating kaluluwa. Ang nais niya ay maging masaya ito sa darating na panahon. Binigyan niya tayo ng pagkakataon na magbalik loob sa kanya. Hindi natin kayang hugasan sa pansariling pamamaraan ang kasalanan ng ating mga kaluluwa. Kaya sinugo ng Ama ang Kanyang Anak sa lupa, si Jesu-Cristo.
Si Cristo ay persona na may kalagayang espiritual. Noong ginawa ng Dios ang sanlibutan si Cristo ay kasama niya. Basahin ang Juan 1:1-3 at Colosas 1:16-17.
Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, inihanda ang katawan para kay Cristo nang Siya ay bumaba rito sa lupa. Ang katawang lupa na dinala sa pagbubuntis ni Maria na isang birhen. Ang katawang ito ay naging tahanan sa lupa ni Cristo.
Naghirap si Cristo Para sa Atin
Ang Dios ay makatarungan. Siya ay magbibigay ng kaukulang parusa sa mga nagkasala. Ang parusang ito ay walang hanggang paghihirap sa impiyerno.
Subalit ang Cristo na nagkatawang tao, ang Anak ng Dios, ang nagpasan ng hirap na sana ay para sa tao. Dinanas niya ang lahat ng sakit pisikal man o emosyonal, ang mga palo sa katawan na hindi kayang tiisin ninuman, ang mga pang-alipusta ng kanyang mga nilikha at ang pagpako sa krus na halos hubad para mabilad sa kahihiyan. Naramdaman niya kung gaano ang hirap maging isang tao, sa pagkakataong iyon, doon niya nabanggit ang mga katagang, “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaaan?” Mateo 27:46. Siya ang nagpasan ng hirap na sana tayo ang magdadanas.
Inihandog si Cristo Para sa Atin
Kautusan sa Lumang Tipan ang mag-alay ng mga hayop. Ang dugo ay iniaalay sa altar, samantala ang katawan ay sinusunog sa ibabaw nito. Ang pag-aalay na ito ay may layon na mapagtakpan ang kasalanan n tao. Ang taong hindi nag-alay ay pinarurusahan ng Dios ng kamatayan.
Si Cristo ay naging tao. Ang kanyang dugo ay umagos mula sa pagkakapako niya sa krus bilang hain sa ating mga kasalanan.
Ang kanyang katawan ay lubos na naghirap para sa atin. Ang lahat ng ito ay kanyang tiniis upang ang ating mga kasalanan ay mahugasan.
Ito ang sinasabi sa Hebreo 9:28, “ Gayon din naman si Cristo’y minsang inihandog bilang hain upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao…” si Cristo’y inihandog para sa atin, upang pawiin ang ating mga kasalanan.
Namatay si Cristo Para sa Atin
Hindi kalugud lugod sa mata ng Banal na Dios ang kasalanan. Ang kabayaran ng Kasalanan ay walang hanggang paghihirap sa apoy ng impyerno. Subalit inihandog ni Cristo ang Kanyang buhay. Siya ay namatay para sa ating kapakanan. Hindi na natin kailangan pang magdusa dahil sa ating mga kasalanan.
Ganito ang sinabi sa Roma 5:8, “Ngunit ipinadama ng Dios ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo noong tayo’y makasalanan pa. Basahin din ang Tito 2:14. Si Cristo ay namatay para lamang sa mga kasalanan ng tao.
Muling Nabuhay si Cristo Para sa Atin
Si Cristo ay persona na may kalagayang espiritual bago pa man lalangin ang daigdig. Siya ay nagkatawang tao, naghirap at namatay. At sa ikatlong araw ng kanyang kamatayan Siya ay muling nabuhay. Ang Kanyang pagkabuhay na muli ang patunay na tayong mga tao ay may buhay ding espiritual.
Nais ng ating Panginoong Jesu-Cristo na tayo’y maniwala, dahil ang espiritual na buhay natin ay hindi naglalaho, ito ay mananatili magpakailanman. Nais niyang paghandaan natin ang buhay na ito upang sa pagdating ng panahon ay manirahan tayo na kapiling ang Ama sa Langit.
“Purihin natin ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo’y isinilang sa isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Ang bagong buhay na iyan ang nagbigay sa atin ng malaking pag-asa.” (1 Pedro 1:3). Kailangan nating mahalin at sundin ang Dios habang tayo ay nabubuhay. Ang ating buhay dito sa lupa ay ang nag-iisang pagkakataon para magkaroon tayo ng magandang buhay sa langit.
Umakyat sa Langit si Cristo Para sa Atin
Sa ikatlong araw ng kanyang kamatayan ang Panginoong Jesus ay muling nabuhay. Apatnapung araw nakasama at nakausap niya ang kanyang mga alagad. Sa huli siya ay umakyat sa langit. Ang dahilan ng kanyang pag-akyat ay para ipaghanda ng matitirhan ang mga taong nahugasan ng kanyang dugo. Tingnan ang Juan 14:2, sa kanyang pag-akyat sa langit siya ang ating Dakilang Saserdote at taga pamagitan sa Dios Ama. Kung tayo ay nagkasala at nais nating humingi ng kapatawaran, naroon ang Panginoong Jesus upang maki-usap sa Ama upang tayo ay mapatawad. Basahin ang Hebreo 4:14 at 1 Juan 2:1.
Darating Muli si Cristo Para sa Atin
Muling darating ang ating Panginoong Jesu-Cristo sa lupa. Sa kanyang pagbabalik, ang sanlibutan ay magugunaw at mapaparam. Ang Panginoong Jesus ay babalik hindi para ialay muli, kundi upang iligtas ang mga sumunod, naniwala at nanilbihan sa kanya. Ang mga matiyagang naghintay ay dadalhin niya sa langit para doon manirahan kasama ng Ama. Basahin Hebreo 9:28.
Darating siya sa gitna ng naglalagablab na apoy at paparusahan ang lahat ng hindi kumikilala sa Diyos at hindi sumusunod sa Magandang Balita ng ating Panginoong Jesus. Ang parusa sa kanila ay walang hanggang kapahamakan at mahihiwalay sila sa Panginoon at sa dakila niyang kapangyarihan. Mangyayari ito sa araw ng kanyang pagparito upang tanggapin ang papuri mula sa kanyang mga pinili at ang parangal ng lahat ng sumasampalataya sa Kanya 2 Tesalonica 1:8-10.
Magdesisyon ka, Kaibigan!
Tayo ay namumuhay sa lupa kung saan ay nakakaranas tayo ng mga kalungkutan, karamdaman, paghihirap at kamatayan. Ang mga mahal natin sa buhay ay namamatay sa sakuna, namamatay sa mga karamdaman. At maging kahirapan sa buhay. Ang buhay natin dito ay napaka-iksi, kaya simulan na natin na mamuhay sa espiritu sa pamamagitan ng pagsunod at pagsilbi sa ating Panginoong Jesus ayon sa sinabi ng Banal na Kasulatan. “Lumapit kayo sakin kayong lahat na nahihirapan at nabibigatang lubha sa inyong pasanin, at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan. Mateo 11:28-29.
Para sa inyong katanungan at libreng pag-aaral, maaari po kayong tumawag o magtungo sa :
Palosapis Street Church of Christ
31 Palosapis St. Alley 1, Proj. 3, Quezon City
Cellphone Number 09327761273
(We are Also Offering FREE Online Bible Study thru Zoom or Google Meet