09/05/2026
Kapistahan ni San Antonino ng Florencia, OP
Pintakasi ng Bayan ng Pura, Tarlac
Isinilang si Anthony Pierozzi noong ika-1 ng Marso, 1389, at binigyan ng palayaw na “Antoninus” o “Munting Antonino" marahil dahil sa kanyang maliit na pangangatawan o mahina niyang kalusugan. Siya ay ipinanganak sa isang pamilyang marangal sa Florencia, Italya.
Sa kanyang kabataan, labis siyang naimpluwensyahan ng mga Dominikano, dahilan upang siya’y magnasa na pumasok sa Orden sa edad na labinlima. Lumapit siya kay Kapatid na Juan Dominic, ang prior ng kumbento sa Fiesole, upang ipahayag ang kanyang hangaring maging kasapi ng Orden. Upang hindi siya direktang tanggihan, inatasan siya ng prior na isaulo ang Decretum ni Gratian, ang umiiral na Batas Kanoniko noong panahong iyon. Sa pagtataka ng prior, nakabalik si Antoninus sa loob ng isang taon, taglay ang buong kaalaman sa nasabing aklat. Dahil dito, siya ay tinanggap sa Orden ng mga Dominikano.
Ang kanyang sigasig at debosyon bilang isang baguhan ay hindi kailanman nawala. Nahalal siyang prior sa murang edad at nagsilbing pinuno sa maraming taon. Tulad ni San Tomas de Aquino, kapwa niya Dominikano, pinahalagahan niya ang paghubog sa mga kapatid sa pananampalataya. Isinulat niya ang Summa Moralis, isang sistematikong paglalahad ng Moral na Teolohiya, na ayon sa kanya’y isinulat niya “sa tag-init at taglamig ng kanyang buhay”—sa kanyang kabataan at katandaan. Ang kanyang mga akda ay nakatuon sa praktikal na pamumuhay ng pananampalataya.
Dahil sa kanyang kahusayan sa pakikinig ng kumpisal at pagbibigay ng gabay espirituwal, kinilala siya bilang Antonino ng mga payo. Siya ay naging bukal ng karunungan at aliw para sa mga nangangailangan ng direksyong moral at espirituwal.
Tinanggap niya sa Orden si Kapatid Juan ng Fiesole—na sa kalaunan ay magiging tanyag na pintor na si Fra Angelico. Nakita ni Antonino ang kanyang galing sa sining at hinimok siyang ipahayag ang Summa Moralis hindi sa salita, kundi sa pamamagitan ng mga imaheng pampananampalataya. Kaya naman, nang maitayo ang bagong kumbento ng San Marco, inatasan niya si Fra Angelico na lagyan ng mga larawan ng mga tagpo mula sa buhay ni Kristo ang bawat silid ng mga prayle.
Noong siya ay hirangin bilang Arsobispo ng Florence, naging bukás ang kanyang tahanan para sa mga dukha at nangangailangan. Itinatag niya ang samahang “Mga Lalaki ni San Martin” upang bigyan ng tahimik na tulong ang mga dating mayayaman na naghirap. Sa ganitong paraan, isinabuhay niya ang gawaing-awa ng Simbahan.
Pumanaw si San Antonino noong ika-2 ng Mayo, 1459. Ang kanyang Misa ng libing ay pinangunahan ni Papa Pio II. Siya ay kinanonisa bilang santo noong Kapistahan ng Santisima Trinidad, ika-31 ng Mayo, 1523.
San Antonino ng Florencia, ipanalangin mo kami!