14/11/2020
Nobyembre 15, 2020
Ika-33 LINGGO sa Karaniwang Panahon
✝️ MGA PAGBASA SA MISA
🙏 Unang Pagbasa:
KAWIKAAN 31:10-13, 19-20, 30-31
Pagbasa mula sa aklat ng Mga Kawikaan
Mahirap makakita ng mabuting asawa, higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga. Lubos ang tiwala ng kanyang asawa, at saganang pakinabang ang makakamit niya. Pinaglilingkuran niya ang kanyang asawa habang sila'y nabubuhay, pawang kabutihan ang ginagawa at di kasamaan. Wala siyang tigil sa paggawa, hindi na halos nagpapahinga, humahabi ng kanyang lino at saka ng lana.
Siya'y gumagawa ng mga sinulid, at humahabi ng sariling damit. Matulungin siya sa mahirap, at sa mga nangangailangan ay bukas ang palad. Magdaraya ang pang-akit at kumukupas ang ganda ngunit ang babaing may takot sa Panginoon ay pupurihin ng balana. Ibunton sa kanya ang lahat ng parangal, karapat-dapat siya sa papuri ng bayan.
Ang Salita ng Diyos.
🙏 Salmo Responsorio:
AWIT 128:1-5
:
MAPALAD ANG SUMUSUNOD
NA TAONG MAY TAKOT SA DIYOS
Mapalad ang tao na sa Diyos ay may takot,
Ang maalab na adhika'y sumunod sa kanyang utos.
Hindi siya magkukulang sa anumang kailangan,
Ang buhay ay maligaya't uunlad ang kanyang buhay.
:
MAPALAD ANG SUMUSUNOD
NA TAONG MAY TAKOT SA DIYOS.
Sa tahanan, ang asawa'y parang ubas na mabunga,
Bagong tanim na olibo sa may dulang ang anak n'ya.
:
MAPALAD ANG SUMUSUNOD
NA TAONG MAY TAKOT SA DIYOS.
Ang sinuman kung ang Diyos buong pusong susundin,
Buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.
Mula sa Sion, pagpapala ng Diyos ay tanggapin,
At makita habang buhay,pag-unlad ng Jerusalem.
:
MAPALAD ANG SUMUSUNOD
NA TAONG MAY TAKOT SA DIYOS.
🙏 Ikalawang Pagbasa:
1 TESALONICA 5:1-6
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica
Mga kapatid, hindi na kailangang isulat ko pa sa inyo kung kailan magaganap ang mga bagay na ito, sapagkat alam na ninyong ang pagdating ng Araw ng Panginoon ay tulad sa pagdating ng magnanakaw. Kapag sinabi ng mga tao, "Tiwasay at panatag ang lahat," biglang darating ang kapahamakan. Hindi sila makaiwas sapagkat ang pagdating nito'y tulad ng pagsumpong ng pagdaramdam ng babaing manganganak. Ngunit hindi kayo nabubuhay sa kadiliman, mga kapatid, kaya't hindi kayo mabibigla sa araw na yaon na darating na parang magnanakaw. Kayong lahat ay kabilang sa panig ng kaliwanagan -- sa panig ng araw -- hindi sa panig ng kadiliman o ng gabi. Kaya nga, kailangang tayo'y manatiling gising, laging handa, at malinaw ang isip -- di tulad ng iba.
Ang Salita ng Diyos.
🙏 Aleluya
JUAN 15:4-5
Aleluya! Aleluya!
Sa P**n ay manatili
siya’y sa atin lalagi
mamungang maluwalhati.
Aleluya! Aleluya!
✝️ Mabuting Balita
MATEO 25:14-30
Ang Mabuting Balita ng ating Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: "Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad dito: May isang taong maglalakbay, kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian. Binigyan niya ng salapi ang bawat isa ayon sa kanya-kanyang kakayahan" binigyan niya ang isa ng limanlibong piso, ang isa nama'y dalawanlibong piso, at ang isa pa'y sanlibong piso. Pagkatapos, siya'y umalis. Humayo agad ang tumanggap ng limanlibong piso at ipinangalakal iyon. At nagtubo siya ng limanlibong piso. Gayun din naman, ang tumanggap ng dalawanlibong piso ay nagtubo ng dalawanlibong piso. Ngunit ang tumanggap ng sanlibong piso ay humukay sa lupa at itinago ang salapi ng kanyang panginoon.
"Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga aliping iyon at pinagsulit sila. Lumapit ang tumanggap ng limanglibo. Wika niya, 'Panginoon, heto po ang limanlibo na tinubo ko.' Sinabi sa kanya ng panginoon, 'Magaling! Tapat at mabuting alipin! Yamang naging tapat ka sa kaunting halaga, pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan!' Lumapit din ang tumanggap ng dalawanglibong piso at ang sabi, 'Panginoon, heto po ang ibinigay ninyong dalawanlibong piso. Heto naman po ang dalawanglibong piso na tinubo ko.' Sinabi ng kanyang panginoon, 'Magaling! Tapat at mabuting alipin! Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan!' At lumapit naman ang tumanggap ng sanlibong piso 'Alam ko pong kayo'y mahigpit.' aniya. 'Gumagapas kayo sa hindi ninyo tinamnan, at nag-aani sa hindi ninyo hinasikan. Natakot po ako, kaya't ibinaon ko sa lupa ang inyong salapi. Heto po ang sanlibong piso ninyo.' Masama at tamad na alipin!' tugon ng kanyang panginoon. 'Alam mo palang gumagapas ako sa hindi ko tinamnan at nag-aani sa hindi ko hinasikan! Bakit hindi mo iyan inilagak sa bangko, di sana'y may nakuha akong tubo ngayon? Kunin ninyo sa kanya ang sanlibong piso at ibigay sa may sampunlibong piso. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana, ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Itapon ninyo sa kadiliman sa labas ang aliping walang kabuluhan. Doo'y tatangis siya at magngangalit ang kanyang ngipin."
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
[o kaya: Maikling Pagbasa]
MATEO 25:14-15, 19-21
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad dito: May isang taong maglalakbay, kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian. Binigyan niya ng salapi ang bawat isa ayon sa kanya-kanyang kakayahan: binigyan niya ang isa ng limanlibong piso, ang isa nama’y dalawanlibong piso, at ang isa pa’y sanlibong piso. Pagkatapos, siya’y umalis.
Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga aliping iyon at pinapagsulit sila. Lumapit ang tumanggap ng limang libo. Wika niya, ‘Panginoon, heto po ang limanlibo na bigay ninyo sa akin. Heto pa po ang limanlibo na tinubo ko.’ Sinabi sa kanya ng panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting alipin! Yamang naging tapat ka sa kaunting halaga, pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan!’
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
🙏PANALANGIN NG BAYAN🙏
Hingin natin sa Diyos na kayanin nating maging handa para sa pagdating ng Panginoon sa katapusan ng panahong ibinigay Niya sa atin. Para sa bawat kahilingan ang ating itutugon ay:
:
AMANG MAPAGBIGAY, DINGGIN MO ANG AMING PANALANGIN!
Para sa mga namumuno sa Simbahan, upang mapaghandaan nila ang pagdating ng Panginoon sa kanilang buhay sa pamamagitan ng kanilang sipag sa pangangalaga sa kanilang kawan. Manalangin tayo sa Panginoon!
Para sa mga namumuno sa ating bansa, lalo na sa panahong ito ng Covid-19 pandemic, upang magamit nila nang maayos ang yaman ng ating mga taong-bayan at ng ating kalikasan para sa tunay na pag-unlad. Manalangin tayo sa Panginoon!
Para sa lahat ng mga kumikilos sa ating mga pagamutan at nagsisikap na sugpuin ang pagkalat ng Covid-19, at para na rin sa mga kawani ng pamahalaang nagpapanatili ng kaayusan sa ating lipunan, upang sa kanilang pagsisikap ay kanila pang matuklasan ang ilang kagalingang lingid pa sa kanilang kaalaman. Manalangin tayo sa Panginoon!
Para sa ating lahat ng mga Kristiyano, upang sa Taong ito ng Ekumenismo ay ating matuklasan ang iba pang paraan tungo sa panunumbalik ng pagkakaisa sa Simbahan. Manalangin tayo sa Panginoon!
Para sa ating lahat na nanalangin sa Linggong ito, upang umigting pa ang ating sipag na gamitin ang lahat ng ating kakayahan para lumago sa pagiging mga ulirang anak ng Diyos at alagad ni Hesukristo. Manalangin tayo sa Panginoon!
Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil saglit.)
Manalangin tayo!
Ama naming mapagbigay sa aming Iyong mga anak, ibuhos Mo sa amin ang handog ng Iyong Espiritung Banal upang maging masigasig kami sa pagtuklas at paglinang sa mga handog Mo sa aming buhay at maging talagang handa para sa pagdating ng Iyong Anak na si Hesukristong aming Panginoon. Amen!
🙏ORATIO IMPERATA LABAN SA COVID-19
Makapangyarihan at mapagmahal na Ama,
nagsusumamo kami sa iyo upang hilingin ang iyong patnubay laban sa COVID-19 na nagpapahirap sa marami at kumitil na ng mga buhay.
Gabayan mo ang mga dalubhasang naatasan na tumuklas ng mga lunas at paraan upang ihinto ang paglaganap nito. Patnubayan mo ang mga lumilingap sa maysakit upang ang kanilang pagkalinga ay malakipan ng husay at malasakit.
Itinataas namin ang mga nagdurusa. Makamtam nawa nila ang mabuting kalusugan. Lingapin mo rin ang mga kumakalinga sa kanila. Pakamitin mo ng kapayapaang walang hanggan ang mga pumanaw na.
Pagkalooban mo kami ng biyaya na magtulong-tulong tungo sa ikabubuti ng lahat. Pukawin sa amin ang pagmamalasakit sa mga nangangailangan. Nagsusumamo kami na iyong ihinto na ang paglaganap ng virus at ipagadya kami sa lahat ng mga takot.
Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesukristo na nabubuhay at naghaharing kasama mo at ng Espiritu Santo, iisang Diyos, magpasawalang hanggan. Amen.
Dumudulog kami sa iyong patnubay, Mahal na lna ng Diyos. Pakinggan mo ang aming mga kahilingan sa aming pangangailangan at ipag-adya mo kami sa lahat ng kasamaan, maluwalhati at pinagpalang Birhen. Amen.
Mahal na Birhen Maria, mapagpagaling sa maysakit, ipanalangin mo kami.
San Rapael Arkanghel, ipanalangin mo kami.
San Roque, ipanalangin mo kami.
San Lorenzo Ruiz, ipanalangin mo kami.
San Pedro Calungsod, ipanalangin mo kami.
PANGINOON, DINGGIN MO PO ANG AMING PANALANGIN🙏🙏
Ingatan nawa tayong lahat ng Panginoon🙏🙏