14/10/2025
Miyerkules, Oktubre 15, 2025
Paggunita kay Santa Teresa ng Avila, dalaga at pantas ng Simbahan
Roma 2, 1-11
Salmo 61, 2-3. 6-7. 9
Ang D’yos ay may gantimpala
sa may mabubuting gawa.
Lucas 11, 42-46
Memorial of St. Teresa of Jesus, Virgin and Doctor of the Church (White)
Mga Pagbasa mula sa
Miyerkules ng Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Roma 2, 1-11
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Sino ka mang humahatol sa iba, wala kang maidadahilan. Sapagkat sa paghatol mo sa iba, hinahatulan mo rin ang iyong sarili, palibhasa, ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng gayun. Nalalaman nating makatarungan ang hatol ng Diyos laban sa mga gumagawa niyon. Akala mo ba’y makaiiwas ka sa hatol ng Diyos kung hatulan mo ang mga gumagawa ng mga maling gawaing ginagawa mo rin? O hinahamak mo ang Diyos, sapagkat siya’y napakabuti, mapagpigil, at mapagpaumanhin? Hindi mo ba alam na binibigyan ka niya ng pagkakataong magsisi at magbagong-buhay kaya napakabuti niya sa iyo? Ngunit dahil sa katigasan ng iyong ulo at di pagsisisi, pinabibigat mo ang parusang ipapataw sa iyo sa paghahayag ng p**t ng Diyos sa Araw ng kanyang paghatol. Sapagkat siya ang gaganti sa lahat ng tao ayon sa kanyang gawa. Ang mga nagpapatuloy ng paggawa ng mabuti sa paghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang-kamatayan ay bibigyan niya ng buhay na walang hanggan. Datapwat matinding galit at p**t ang babagsak sa mga lumilikha ng pagkakabaha-bahagi at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sa kalikuan. Paghihirap at kapighatian ang daranasin ng bawat gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayun din ang mga Griego. Ngunit karangalan, kapurihan at kapayapaan ang tatamuhin ng bawat gumagawa ng mabuti, una, ang mga Judio at gayun din ang mga Griego. Sapagkat ang Diyos ay di nagtatangi.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 61, 2-3. 6-7. 9
Ang D’yos ay may gantimpala
sa may mabubuting gawa.
Sa Diyos lamang ako tanging umaasa;
ang kaligtasa’y nagbubuhat sa kanya.
Tanging siya lamang ang Tagapagligtas,
tagapagtanggol ko at aking kalasag;
akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
Ang D’yos ay may gantimpala
sa may mabubuting gawa.
Tanging sa Diyos lang ako umaasa;
ang aking pag-asa’y tanging nasa kanya.
Tanging siya lamang ang Tagapagligtas,
tagapagtanggol ko at aking kalasag.
Akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
Ang D’yos ay may gantimpala
sa may mabubuting gawa.
Mga kababayan, sa lahat ng oras
magtiwala sa Diyos; sa kanya ilagak
ang inyong pasaning ngayo’y dinaranas;
Siya ang kublihang sa ati’y lulunas.
Ang D’yos ay may gantimpala
sa may mabubuting gawa.
ALELUYA
Juan 10, 27
Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 11, 42-46
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Kawawa kayo, mga Pariseo! Ibinibigay niyo ang ikapu ng yerbabuena, ng ruda, at ng iba pang gulayin, ngunit kinaliligtaan ninyo ang katarungan at ang pag-ibig sa Diyos. Tamang gawin ninyo ito nugnit huwag naman ninyo kaliligtaang gawin ang mga iba.
“Kawawa kayo, mga Pariseo! Sapagkat ang ibig ninyo’y ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga, at ang pagpugayan kayo sa mga liwasang bayan. Sa aba ninyo! Sapagkat para kayong mga libingang walang tanda, at nalalakaran ng mga tao nang hindi nila nalalaman.”
Sinabi sa kaya ng isa sa mga dalubhasa sa Kautusan, “Guro, sa sinabi mong iyan pati kami’y kinukutya mo.” At sinagot siya ni Hesus, “Kawawa rin kayo mga dalubhasa sa Kautusan! Sapagkat ipinapapasan ninyo sa mga tao ang mabibigat na dalahin, ngunit ni daliri’y ayaw ninyong igalaw sa pagdadala ng mga iyon.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Reynald Perez
PAGNINILAY:
Sa ating Unang Pagbasa (Roma 2:1-11), ipinapaalala ni San Pablo ang dakilang ganti ng Diyos. Ang ganti ng Panginoon ay dalawa: (1) ganti ng kapurihan sa mga mabubuting gawain, at (2) ganti ng kaparusahan sa mga masasamang gawain. Ito’y isang pagpapahayag na ang pamantayan ng Diyos ay higit pa sa pamantayan ng tao. Kaya binabalaan tayo ni Pablo ukol sa huwad na paghahatol sa kapwa, sapagkat maaaring masamang paghahatol rin ang ipapatang sa atin. Wala sinumang tinatangi ng Diyos na mas hihigit pa kaysa sa isa, sapagkat pantay. Bibinigyan ng Panginoon ang bawat isa na magsisi, tumalikod sa kasalanan, at mamuhay nang banal at dalisay na pamumuhay.
Sa ating Ebanghelyo (Lucas 11:42-46), muling tinuligsa ni Hesus ang mga Pariseo at eskriba. Ito’y dahil sa kanilang kapaimbabaw na sa labas ay akalang mabait, ngunit sa marumi ay may maruming budhi. Sila’y tinutuligsa ng Panginoon sa kanilang pansariling interes ng pagluklok sa mga matataas na upuan. Parang tingin nila na dahil nagbabanal-banalan sila, mas nais nilang sumikat sa harap ng publiko. Kaya ang pagmamataas nila ay hindi kinalulugdan ng Ama. Kaya naman ang reaksyon ng isang Saduseo na parang sila rin ay tinatamaan, na kinumpirma ito ni Kristo. Ito’y dahil sa kanilang pagpapabigat ng pasan ng kanilang kapwang Hudyo. Ito’y nanggaling sa kanilang isipan na mas mataas sila, samantalang mababa ang katauhan ng kanilang kapwa.
Ang hamon sa atin sa buhay ay maging mapagkumbaba at maging kapwa tao sa ibang tao. Kahit anumang antas natin sa buhay, tayong lahat ay pantay ayon sa mata ng Diyos Ama. Lahat tayo ay may obligasyon at kakayahang tulungan ang isa’t isa. Ipakita natin sa Diyos at sa kapwa natin kung ano ang ating tunay na katauhan nang walang pagkukunwari. Patuloy tayo sa pamumuhay at paggawa ng kabutiha.