04/09/2022
Napakaganda ng ating umaga,
na sa paggising mo'y sikat ng araw ay namumulaklak na.
Na kapag tayo'y tumingala sa kalangitan,
mga ibon sa himpapawid ay nagsasayawan.
Pero naisip ba nating magpasalamat sa Lumikha ng mundong ating ginagalawan?
Dito... dito sa mundong ginagalawan mo!
Mundong hindi mo alam kung paano nabuo,
ngunit isang malayang mundong binigay Niya para sa 'yo.
Pero minsan ba, naisip mo bang unahin Siya?
Na sa paggising mo sa umaga, naisip mo bang magdasal sa Kan'ya?
O mas inuuna mo pa yong iba!
Hinahanap agad 'yong selpon.
Pupunta sa messenger at titingnan kung nag-chat na ba si crush.
Buti pa nga si crush pinaglalaanan mo ng oras.
Pero S'ya ba? Naisip mo ba madalas?
Ang hilig-hilig mong mag-post ng hugot ng iba,
pero sa Bible verse wala kang pakialam maski isa!
Lahat na nga yata ng character sa Mobile Legends memoryado mo na,
pero 'yong mga tauhan sa Bibliya na minsan nang napadpad sa mundo ay kilala mo ba?
At alam mo ba kung anong mga ambag nila?
Para lang pagsilbihan ang Lumikha ng ating tadhana.
At sasabihin n'yong Facebook is life!
Mobile legend is life!
Tiktok is life!
Kailan n'yo kaya sasabihing Jesus is life?
At magagalit pa kayo?
At sasabihing "buhay namin 'to! Ano'ng pakialam n'yo!"
Buti pa nga 'yong ibang bagay naide-defend n'yo.
Paano kung tinanong kayo kung kumusta 'yong pananampalataya nyo?
Madedefend n'yo ba?
O puro lang kayo dada.
'Wag sana nating igugol ang mga bagay sa mga pansamantala.
Uulitin ko!
'Wag sana nating mas pagugulan ang mga bagay na pansamantala.
Ang dami-dami nang pinadalang instrumento para sa 'yo.
Niyayaya ka na ng mga kaibigan mo para sambahin si Kristo.
Pero anong ginagawa mo?
Patuloy pa ring nagtutulog-tulogan 'yang puso mo!
Pero 'pag Mobile Legends ang pag-uusapan, may extension ka pa,
pag magbabasa ng wattpad may extention ka pa.
Hoy! 'Yong buhay natin walang extension sa lupa.
Kaya gumising ka na!
O mananatili pa ring tulog 'yang puso mo?
Pero pag-dating sa pag i-ML, mulat na mulat 'yang mata mo!
'Wag sana nating hintayin na darating ang araw at sasabihin N'yang "pasensya ka na hindi kita kilala.
Pasensya sino kaba?"
'Wag nating hintayin na sa Kan'yang paghuhusga ay hindi ka makakasama sa kaharian Niya.
Minsan na S'yang nagpakilala noon.
At mag papakilala ulit S'ya ngayon.
Minsan ka na N'yang minahal noon.
At mamahalin ka N'ya ulit ngayon.
Kumakatok na S'ya.
Naririnig mo ba?
Niyayakap ka na N'ya!
Ramdam mo ba?
Tigilan na ang pagiging manhid.
Wakasan na ang mga kasalanan sa pagkataong may bahid.
Sapagkat hindi pa huli ang lahat.
'Wag kang matakot na magsimulang muli.
Dahil ipapaalala N'ya sa'yo kung paano N'ya pinagtugma-tugma ang unang paglikha ng lahat sa simula.
Ang unang huni ng ibon na animo'y isang harana.
Ang unang araw ng iyong paghinga.
Araw na kung saan pinatunayan N'yang mahal ka N'ya.
Kaya 'wag kang matakot magsimula at 'wag kang matakot sa Kanyang i-kwento kung paano ka nawala.
Dahil ipapaalala N'ya sa'yo
Kung paano ka N'ya hinanap at ibinalik sa simula.
' Wag kang matakot i-kwento sa Kanya kung paano ka nabigo. Dahil ipapaalala N'ya sa'yo kung paano S'ya binigo. Ipinagkanulo ng isa sa Kanyang mga disipolo, ngunit patuloy N'ya pa ring tinupad ang Kanyang mga pangako.
'Wag kang matakot sa Kanya.
Kung paano ka pinahirapan.
Dahil ipapaalala N'ya sa'yo kung paano s'ya pinahirapan.
Pinaghahampas ng latigo sa Kan'yang likuran.
Habang kaharap ang mga itinuring N'yang mga kaibigan.
Isinuot ang kuronang tinik.
Ng sugo ni Poncio Pilato.
Habang dala ang krus papunta sa bundok ng kalbaryo.
Habang naririnig N'ya ang mga nagsisigawang mga sundalo.
At pag dating sa dulo Siya'y ipinako.
Dahil ayaw N'yang mapako ang lahat ng Kan'yang mga pangako!
Mailigtas ka lang sa mga kasalanan mo.
'Wag kang matakot na ibahagi sa Kan'ya ang lahat ng iyong mga problema.
Dahil ipapaalala N'ya sa'yo
kung paano N'ya dinala 'yong krus na mas mabigat pa sa Kanya.
Pahiwatig na ang lahat ng iyong problema ay Kan'ya nang dala.
Ilang beses nang nadapa, pero patuloy pa ring bumangon para mailigtas ka lang sa iyong pagkakasala.
'Wag kang matakot i-kwento sa kanya kung paano ka nawalan sa landas.
Dahil iku-kwento N'ya sa'yo na S'ya ang daan patungo sa buhay na walang hanggan.
Kaya 'wag kang matakot na mahalin S'ya dahil S'ya ang kahulugan ng pag-ibig.
Na tanggap ka mayaman ka man o dukha.
Pag-ibig na sasamahan ka sa lahat ng iyong problema.
Pag-ibig na kung saan kayong dalawa ang bida
sa lahat ng istorya.
'Wag kang matakot na mahalin S'ya dahil S'ya
ang tunay na kahulugan ng pag-ibig... pag-ibig na namuhay bilang katawan ng tao.
Pag-ibig na punong-puno ng sakripisyo.
Pag-ibig na nagpakamatay para sa 'yo.
'Wag kang matakot na mahalin si Hesu Kristo.
'Wag kang matakot magtanong kung bakit mahal ka N'ya.
'Wag kang matakot humingi ng sampung rason kung bakit mahal ka N'ya.
Dahil sasagutin ka N'ya ng labing-isa at higit pa!
'Wag kang matakot na mahalin S'ya dahil lahat ng nagmamahal sa kanya kahit kailan hindi N'ya pinahiya.
Isinulat ni Emmanuel Espinoza